(Nagsimula
lang ito bilang isang status update sa aking Facebook account. Pero pinahaba ko na't
ginawang sanaysay para madaling mahanap sa aking Facebook. At narito na rin sa aking multiply account.)
Nakikiramay ako sa mga iniwan ni Comedy King Dolphy. Alam kong nangungulila ang sambayanan sa paglisan ng isang cultural icon nitong Hulyo 10 ng gabi. Maging ako'y ilang beses napatawa sa mga kalokohan ni John Puruntong, ni Kevin Cosme sa pelikula at telebisyon.
Ngunit, kung maaari lamang po, huwag na munang ungkatin ang National Artist Award (NAA) na hindi iginawad kay Mang Pidol. Mismong siya na ang nagsabi noong nabubuhay pa siya, "Kung ibibigay sa akin, tatanggapin ko. Kung hindi, okay lang naman." Nagmumukha kasing tanga ang mga nakikisawsaw dito, lalo na ang mga resolusyong inilalatag sa Senado at Kamara.
Bakit? Una, may prosesong sinusunod ang paggawad nitong NAA. Ito'y para maiwasan ang naging "patronage politics" sa larangan ng sining ng mga taong 1972 hanggang 1986. Pagkapalit ng administrasyon, ginawang demokratiko ang pagpili ng mga posibleng gawaran. Nasa kamay ito ng mga artist at academician na kung tawago'y Council of Peers. Kung hindi alam ng mga nakikisawsaw ang salitang peer, may diksyunaryo kahit saang sulok ng bookstore, lalo na sa mga iPod nila. At doon tayo mag-nominate ng gusto nating maging National Artist. Kung nakapanghihinayang na hindi ito nakuha ni Dolphy samantalang buhay pa siya, i-nominate na rin natin sina Vic Sotto, Piolo Pascual, Judy Ann Santos, Michael V., at iba pa. Walang dudang magagaling silang aktor. Buhay pa sila, di ba? Gawaran na ng NAA. Si Jose Abueva nga, nasa kanyang 40s nang bigyan ni Madam Imelda Marcos ng NAA.
Ikalawa, tinitimbang ang gagawaran sa kalidad ng kanyang body of work. Suhetibo ito, sa isang banda, pero huwag na huwag ikokomento ang moral na aspekto ng mga ito. Na dapat may laging may moral lesson ang mga gawa niya, lalo pa ang naging buhay ng artist. Kung ito lang ang pagbabatayan, laglag na si Mang Dolphy. Case closed.
Ikatlo, hindi ito usapin kung patay o buhay ang gagawaran. Si Fernando Amorsolo nga, patay na nang gawaran siya noong 1972 bilang unang National Artist. Wala nga namang kapantay ang ligayang matanggap ang NAA habang buhay pa ang artist na gagawaran. Kung hindi pa rin ito naiintindihan, balikan ang una kong punto.
Ikaapat, ayusin muna ng Supreme Court ang status quo ruling nito ukol sa 2009 NAA.
Ikalima at huling punto, hindi lang NAA ang may problema, pati ang GAMABA o Gawad Manlilikha ng Bayan, hindi na nasundan mula 2005. Pwede bang pati ito pansinin ng mga maykapangyarihan. Sa halip na ipautang ang $1 bilyon natin sa International Monetary Fund, bakit hindi ipagkaloob ang bahagi nito sa mga artist at cultural worker ng Pilipinas?
In short, rest in peace, Mang Dolphy. Saka ka na namin gagambalain kapag iginawad na sa inyo ang National Artist Award/Gawad Pambansang Alagad ng Sining.
07/12/2012
Quezon City
http://lvbamante.multiply.com/journal/item/83/Si-Mang-Dolphy-at-ang-National-Artists-Award
No comments:
Post a Comment