Saturday, November 17, 2012

Araw ng Kalayaan/Kasarinlan ng Pilipinas ang Hunyo 12? (Multiply post, Jun 13, '08 10:21 AM)

Matagal na itong pinagdiriwang subalit hindi na yata nakatatak sa isip at puso ng mga Pilipino ang Hunyo 12 bilang Araw ng Kalayaan/Kasarinlan.

Maliban sa holiday economics ni PGMA, nakaaapekto sa kamalayan ng mga Pilipino ang krisis panlipunan at pampolitika upang makaligtaan o dili kaya'y maiwaglit ang halaga ng araw na ito. Mararamdaman ito ng mga Pilipino kung maginhawa ang mabuhay sa bansa, lalo na kung maganda ang pamamalakad ng pamahalaan.

Subalit, nakokontento na lang yata tayo sa magagarbong pagdiriwang.

Pero bakit nga ba naging ganito ang pagtingin ngayon sa Araw ng Kalayaan? Nakababagot man ang pag-aaral ng kasaysayan dahil sa hindi maayos na pagtuturo nito sa mga paaralan subalit dito tayo makahuhugot ng mga aral at pananaw para sa kasalukuyan.

Ipinahayag noong Hunyo 12, 1898 ang sinasabing kalayaan/kasarinlan ng Pilipinas sa kamay ng mga kolonyalistang Espanyol. Nagdiwang ang mga mamamayan dahil nasipa natin ang mga mananakop. Subalit, ilang buwan lang ay nilagdaan ng Espanya at Estados Unidos (US) ang Tratado ng Paris. Dito'y nakasaad ang pagtanggap ng Espanya ng $20,000,000 mula sa Estados Unidos, at itong huli na ang bagong panginoon ng Pilipinas.

Dapat banggitin at ulit-uliting na sa deklarasyong pinirmahan nina Aguinaldo at mga lider ng Unang Republika ay may nakapirma ring isang Amerikanong opisyal. Nakasaad din dito na protectorate ang Pilipinas ng US. Malinaw na may basbas ng US ang sinasabing kalayaan ng Pilipinas. Litaw ding ang Pilipinas ay isa pa ring pangalang kolanyal ng bansa.

Kung nagwagi ang Rebolusyong inilunsad ng Katipunan, itataguyod nilang palitan ang pangalan ng bayan. Magiging Haring Bayang Katagalugan ang pangalan ng Pilipinas. Buburahin ng bagong pangalang ito ang pagkaalipin sa kultura, politika, at kamalayan ng mga Pilipino. Subalit hindi iyon nangyari dahil sa pagbitay kay Andres Bonifacio.

Taong 1998, ipinagdiwang ng administrasyong Ramos ang Sentenyal ng Kalayaan. Napakagarbo ng mga pagdiriwang. May mga centennial item na naglabasan sa merkado para maipakita na ang lahat ay masaya sa panahong iyon. Subalit, hindi naman libre ang mga item na iyon. At kung wala kang centennial watch o sticker, hindi ka "in." Naging maanomalya pa ang Centennial Expo sa Pampanga na ipinatayo ng administrasyong Ramos. Milyon-milyong piso ang naging patong para sa nasabing proyekto. May imbestigasyon ang Senado, pero hindi naipakulong ang mga nagtaguyod ng Expo at maski si dating Pangulong Ramos.

Binubura din ng Sentenyal na ito ang nangyaring Filipino-American War noong 1899-1901. Kahit na milyon-milyong Pilipinong armado o sibilyan ang namatay nang mga panahong iyon, itinuturing pa rin natin ngayon ang US bilang alyado. Matatandaang isa si Pangulong Arroyo sa umayon sa Gyera Kontra Terorismo ng US, sa ilalim ni Pangulong George Bush. Pero kahit ngayo'y hindi pa matukoy ng UN kung ano ba talaga ang terorismo. Dito rin sa Pilipinas ay may ganoon ring dilema hinggil sa salitang terorismo, lalo pa't itinuturing na redundant law ang Anti-Terrorism Law ng administrasyong Arroyo.

Kaya itinuring na Filipino-American Friendship Day ang Hulyo 4. Ito rin ang araw ng kalayaan ng US. Sa kaso ng Pilipinas, ito rin ang araw noong 1946 na sinasabing "isinauli" sa atin ang kalayaan na tinamasa natin noong Hunyo 12, 1898. Makikita ang ganitong tagpo sa ibabang kanan ng P100 bill. Ang ganitong pagsauli ay naaayon lang naman sa atas ng Tyding-McDuffie Act matapos ang sampung taon ng Commonwealth.

Subalit makikita rin naman sa mga polisiyang ipinatupad sa bansa matapos ang 1946 na hindi iniwan ng US ang Pilipinas. Naipatupad ang parity rights sa panunungkulan ni Pangulong Roxas na nagbibigay ng pantay na karapatan sa mga Amerikano na mag-ari ng mga lupain at magtayo ng mga industriya sa bansa. Makikita ito bilang need nang panahong iyon dahil sa lugmok ang ekonomiya ng Pilipinas matapos ang WW2.

(itutuloy)

1 comment:

  1. hindi ko na maituloy ang essay na ito. ang daming abalahin. hindi pa ako makalaya sa mg iyon. :-p

    ReplyDelete