Wednesday, November 21, 2012

Hearts Poetica (2) (multiply post, Feb 17, '09 10:12 AM)

Kapag nagsalita ang puso,
isatinig ang kanyang pagsuyo.
Sapagkat kaytamis ng sugat
at kaylansa ng asukal.

Kapag dumama ang puso,
pagapangin ang kutis nito
sa kapwa-balat na naghahanap
ng kaligtasan at paglingap.

Kapag nakaamoy ang puso,
hayaang habulin nito ang samyo.
Sapagkat dito lamang nakapaglalaro
ang bango’t sanghaya ng nektar.

Kapag nakarinig ang puso,
susundan nito ang himig sa malayo.
Sapagkat doon nito nakatatagpo
ang huni at kaluskos ng kalikasan.

Kapag nakakita ang puso,
lalakbayin nito ang buong mundo
sa paghagilap ng mga kulay
na lampas pa sa balintataw.

Kapag nag-isip ang puso,
kailangan nito ng katahimikan.
Sapagkat maski minsan,
napapagod din itong magmahal.

*unang nalathala sa Philippine Collegian Tomo 86, Isyu 25
sa sagisag-panulat na Daniel Caesar IV

No comments:

Post a Comment