Monday, November 19, 2012

"Minsan, Eraserheads" ni Kenneth Roland A. Guda (multiply post, Sep 10, '08 12:12 PM)

Lumalaganap ngayon ang sanaysay na ito sa mga e-mail at groups. Isang mahusay na halimbawa ng "nostalgia trip"

READenROL!

_______________________________

Minsan, Eraserheads
ni Kenneth Roland A. Guda
krguda.wordpress.com
(http://krguda.wordpress.com/2008/09/03/minsan-eraserheads/)

Napanaginipan ko sila noong nakaraang linggo. Hindi ko alam kung bakit. Sa panaginip, pumasok ako sa isang lumang bahay na gawa sa kahoy. Kulay orange ang ilaw. Nadatnan ko sa unang palapag si Ely Buendia. Sa ikalawa, si Buddy Zabala. Sa panghuling palapag, nakatanguan si Raimund Marasigan. Hindi ko maintindihan – hindi naman ako excited sa papalapit noong konsiyerto nila. Hindi ko naisip na manood. Pero nasa panaginip ko sila – maliban na lamang kay Marcus Adoro, ewan ko kung bakit – na ibig sabihi’y nasa laylayan ng kamalayan ko ang Eraserheads.

Siyempre, napanood at nabasa ko ang hinggil sa mga nangyari sa konsiyerto. Nakita ko sa telebisyon ang fans. Nakakuwentuhan ang mga kakilalang nanood. Parang reunion, sabi ng isa, hindi lang ng banda kundi ng isang henerasyon. May mga trabaho na, ang iba may pamilya na (dalawang kuwento mula sa konsiyerto: ang isang kakilala, si E, kasama ang asawa at mga kaedad na magpipinsan; ang isa pang kakilala, si J, pinambili ng tiket nilang mag-asawa ang perang dapat gagamitin sa bakuna ng anak). Kaya nang bumili ng relatibong mamahaling tiket. Kung dati, nang mga estudyante pa lamang kami, nagkakasya na sa hiraman ng tapes at pagpuslit papasok sa UP Fair, ngayon, kahit papaano, napagbibigyan na ang hilig. Better late than never.

Reunion nga, at wala ako doon. Sayang. Binalikan ko sa mp3 ang musika ng Eraserheads. Mula sa ultraelectromagneticpop! hanggang sa Carbon Stereoxide. Nasa Circus pa lamang ako – pasakay ng MRT tatlong araw na ang nakararaan – nang bumulaga sa akin ang realisasyon: Oo nga pala, fan nga pala ako nila. Kinalimutan ko na. Naalala ko ang isang kaibigan noong 1995, galit na galit siya sa Eraserheads, nakokornihan, at naiinis sa mga freshmen na ang unang tanong sa kanya’y kung saan makikita ang pinakasikat na banda ng UP. Para mapanatili ang pagkakaibigan, hindi na namin pinag-uusapan ang Eraserheads. Mas gusto raw niya ang Yano. Noong tagal, nahumaling kay Cynthia Alexander.

Pero fan nga pala ako. Parang kinimkim na emosyong bumulwak mula sa akin ang realisasyong ito pagdating ko sa kantang Minsan. Nasa masikip na tren ng MRT ako. Naluha ako. At hindi lang dahil tulad ng persona sa kanta, minsan akong tumira sa Kalayaan Residence Hall. Naluha ako dahil naalala ko ang panahong ito, ang pagkabata, ang pagkamulat. Taong 1994-95, sariwang sariwa, mula sa probinsiya. Wide-eyed freshie na tuwang tuwa na nakatuntong ng UP. Mababaw ang kaligayahan. Sangkatutak ang insecurities. Tinatagyawat. Kahit noon, nagtataka na ako sa kantang ito: Para naman yata ambilis tumanda ng mga ito. Nagno-nostalgia trip, para namang dekada na mula nang umalis sila ng pamantasan.

Pero kinausap ako ng kantang ito. At ng iba pa nilang kanta. Wishing Wells, Alapaap, kahit Huling El Bimbo – panay pagbabalik sa nakaraan ng persona. Pinaalala ng mga ito kung paano ako mag-isip noong panahong iyon, kung paano ko dinamdam ang mga kaganapan sa buhay. Naluha ako dahil naramdaman ko ang paglipas ng panahon. Naramdaman kong tumanda na ako, at nagbago na ang pananaw ko sa mundo. Naging seryoso ang mga pinagkakaabalahan: pulitika, pagsusulat, sining, aktibismo. Nakalulungkot na kinailangang kalimutan ko ang payak at simplistikong mundo ng pagkabata para maging pulitikal na tao. Naluha ako sa paglipas ng panahon, sa henerasyon ko at sa trivial, maliit, makitid na mundo nito.

Tinitingnan ko ang mga footage sa TV ng konsiyerto at naisip ko: pareho pa rin ang hitsura nila, parang hindi tumanda. Si Ely lang, pumayat. Siguro dahil sa sakit niya noong nakaraang taon. O dahil siya ang pinakaunang tumanda sa grupo. Sa pagsulat niya ng mga kantang tulad ng Minsan, Huling El Bimbo, Para sa Masa, parang siya ang pinakaunang nakaramdam ng paglipas ng panahon, ng pagbabalik-tanaw sa nakaraan at pag-aakalang mas maganda ang anumang nakaraan kaysa sa kasalukuyan. Masaya ang buhay-banda – epitomiya na siguro ito ng pagkabata. Naalala ko ang isang linya sa pelikula ni Cameron Crowe: sabi ng isang karakter, “Hindi ba pumasok tayo sa banda para iwasan ang responsibilidad?” Nasa banda raw ang karakter para pansamantalang ihinto ang orasan, at manatiling bata – juvenile, nakatira sa mundo ng “Rock n’ roll Neverland.

Pero si Ely – siya na siguro ang unang kumawala sa Neverland. Siya ang unang kumalas sa banda, habang ang naiwang tatlo sinubukan pang palitan siya ng babaing bokalista pero di nagtagumpay. Nagpalagay ng brace sa ngipin, nagpagupit, nagbihis-burgis (nakita ko sa YouTube ang bidyo na ito na panauhin si Ely sa talk show ni Martin Nievera matapos tumiwalag sa ’Heads). Di nagtagal, nagtatag ng bagong banda (Mongols, saka Pupil), pero di na bumalik sa moda ng ’Heads – tila mas seryoso na ang pagiging musikerong artist, hindi na pinangarap na maging popular o populista (Ikumpara, halimbawa, kay Raimund, na kinakantahan pa ang Betamax hanggang ngayon). Wala nang hihigit pang patunay ng napakaagang pagtanda ni Ely sa tila napaagang pagkakasakit niya sa isang karamdamang madalas na naiuugnay natin sa katandaan – sakit sa puso.

Usap-usapang mauulit daw ang reunion concert. Pero tingin ko, hindi na dapat. Sapat na ang isang gabing nostalgia trip – hindi lamang sa musika ng isang henerasyon, kundi sa naglipas na sensibilidad at angas ng henerasyong ito. Tumitindi na ang krisis. Sobrang mahal na ng mga bilihin sa tindahan ni Aling Nena, laluna sa CASAA. Nagmahal na pati ang isaw sa tapat ng Ilang-Ilang. Nag-abroad na si Shirley (sana hindi siya mapabilang sa mga OFW na bumabalik sa bansa sa kahon). Nagbenta ng katawan sa magasin ang dating crush ni Ely. Hindi lang bugbog — pinapatay pa — ang inaabot ng mga bading na tulad ni Jay. Nasagasaan sa madilim na eskinita yung kamukha ni Paraluman.

Aktibista noon sa UP yung kaibigan kong galit na galit sa Eraserheads. Inisip ko noon, galit siya baka dahil wala siyang maaninag na pulitika sa musika ng banda. Maliban siguro sa pag-anyaya ni Raimund sa kalalakihang estudyante na tumiwalag, sumapi sa NPA at “palayain ang sarili,” at isang pagkakatong tumugtog sila sa isang rali kontra komersiyalisasyon sa UP noong 1996, iwas-pulitika at iwas-aktibismo ang Eraserheads. Sa isang pamantasang pinaniniwalaang may mayamang tradisyon ng aktibismo, hindi nila naiwasang makasalamuha at makaibigan ang mga aktibista (Dalawang ehemplo: si Bomen Guillermo ang pinakaunang kritikong nagpasikat sa banda, nang magsulat si Bomen ng rebyu ng demo tape nila para sa Philippine Collegian; at, noong 1998, naka-housemates ni Buddy sa Teachers’ Village ang ilang lider-estudyanteng aktibista. At, isa pa pala: Nag-opening act sa launch concert ng Cutterpillow ang bandang The Jerks, na sa kabila ng mga “boo” ay nag-alay ng kanta noong gabi para sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao). Pero liban doon, banda lang talaga ang Eraserheads. Bandang masaya, magaling, henyo pa nga. Pero banda lang talaga.

Ganyan din ang sinabi ni John Lennon nang tanungin siya kung ano ang tingin niya sa penomenon ng Beatles ilang taon matapos magkanya-kanya sila: “We were just a band…” Aktibista na noon si John Lennon. Nagmartsa siya kasama ang mga Amerikano para labanan ang giyera sa Vietnam. Nagpahayag siya ng pagpabor sa sosyalismo. Naging anthem ng kilusang kontra-giyera ang mga kanta niya. Tulad ni Ely sa ‘Heads, tila si Lennon din ang pinakaunang tumanda sa – at unang na-outgrow ang – Beatles. Pero siya ang pinakabatang namatay. Sabi ng isang interpretasyon sa pagkahumaling ng assassin niya sa librong Catcher in the Rye, pinatay daw ng assassin si Lennon para manatiling inosente’t bata, parang yung karakter na kapatid ni Holden Caulfield na “catcher in the rye.

Buhay pa naman si Ely, pero tumatanda na silang apat. At ang musika nila, nagiging instrumento ng gunita, ng pagbabalik-tanaw sa isang henerasyon, isang sensibilidad na naglaho na. Pero may panahon pa, para sa mga pahayag na “banda lang kami noon”, para sa mga martsa, mga pagpabor at pagtutol, pag-awit ng mga anthem, at pamumuhay sa mundo at realidad natin ngayon.

http://lvbamante.multiply.com/journal/item/13

3 CommentsChronological   Reverse   Threaded

krguda wrote on Sep 10, '08
yo louise, salamat sa pagrepost! sana lagyan mo rin ng link ang entry ito patungo sa blog ko. salamat!

lvbamante wrote on Sep 11, '08

No comments:

Post a Comment