Monday, November 26, 2012

Sahid (multiply post, Dec 29, '09 5:40 PM)

I.
Sa araw na ito, isisilang ang aming pag-asa.
Pinili naming tahakin ang daang
tutungo sa hatid na liwanag
ng demokrasya.

Kapangyarihan ng mamamayan
ang magpapasya.
Kaya sa araw na ito, pinili naming
lakbayin ang daang hatid
ay isang pangako ng kariwasaan
dito sa isang bahagi ng Lupang Pangako.

Batid naming bako-bako ang landas
patungo sa kaliwanagan.
Subalit, pinakamainam ang sumuong
at magpatuloy
upang makilatis
ang lahat ng hadlang
at sagabal sa daanan.

Pangarap naming magwakas
ang paghahari-harian
ng Shaitan
sa aming bayan.
At sa pangarap na ito, matatag
kaming bumabagtas
sa landas na itong tumutunton
sa mithing paraluman.

II.
Aba, aya, sayang bapa!

Lampas sa bilang ng mga daliri
ang humarang sa aming
kampon ng Shaitan.
Kaliluhan ang sa kanila’y bumubuhay
Kasamaan ang sa kanila’y gumagabay.
Hindi na yata namin
mararating ang mithing pangako
ng demokrasya.

Sa bayang ito’y
batas
ang bala
at pera.

Aba, aya, sayang bapa!

Pinababa kaming lahat:
bata, matanda, babae, lalaki,
abogado, dyarista, brodkaster.

At sa harap namin:
Ang Shaitan.

Tangan niya ang sandata
ng kanyang paghahari-harian.

O taksil na pita sa yama’t mataas!

Wala siyang awa.
Siya ang Shaitan.
Humalakhak siya
Habang isa-isa kaming pinapaslang
ng kanyang mga kampon.
Wala na kaming hininga’y
niratrat pa rin niya kami
ng kanyang kasiyahan.
Wala siyang awa.
Siya ang Shaitan.

Aba, aya, sayang bapa!
Sa bayang ito’y
batas
ang bala
at pera.

III.
O Bathala,
Panginoong Al’lah!
Puso mo’y nahambal ng aming panaghoy.
Sinong di makatatarok
ng aming hinagpis
habang pinapaslang ng Shaitan?

O Bathala,
Panginoong Al’lah!
Dinggin mo’ng aming sari-saring daing.
Bagaman sinipsip ng lupa
ang aming mga dugo,
matingkad ang aming hangad na katarungan.

O Bathala,
Panginoong Al’lah!
Sa araw ng paghuhukom,
Hayaan kaming mga ibinuwal ng Shaitan
ang unang magpataw
ng parusa.




12/29/2009

Sahid – sa Islam, martir
Shaitan – ditto, Satanas

*ilang linya ng tula ay hinango sa Mahal na Pasion ni Fray Aquino de Belen, Florante at Laura ni Balagtas, at “Sagot nang EspaƱa…” ni Plaridel.

1 comment:

  1. This poem I wrote in unity with the cry for justice by the victims' families.

    Three years have passed and that cry is still wailing.

    ReplyDelete