Showing posts with label flash fiction. Show all posts
Showing posts with label flash fiction. Show all posts

Saturday, July 15, 2017

Let It Bitels

Let It Bitels
ni Louise Vincent B. Amante

Napansin ni G. Leandro na nahihirapang makabasa sa Ingles ang mga mag-aaral niyang Tsino. Bagaman nakapagsasalita sila kahit paano, pagdating sa pagbabasa'y halos kalahating oras ang inaabot sa dalawa-tatlong talatang pabula ni Esopo na ipinababasa niya sa kanila.

Hindi niya ginagamit ang nakahanda nang set ng readings. Ibinigay ang set sa kanya ng coordinator ng English for Chinese program para gamitin sa pagtuturo ay maiikling kuwentong mula sa Estados Unidos. Mahuhusay na halimbawa naman ang nasa set at madadaling unawain ngunit para sa mga Tsinong ito, ang pagbabasa ng nasa set ay tulad ng pagtawid sa alambre ng mga baguhan pa lamang. Kaya pinili ni G. Leandro na ang mga pabula ni Esopo ang ipabasa sa mga mag-aaral niyang Tsino.

Dalawang linggo na ang  pero lumipas. Dalawang linggo na lang ang natitira sa programa. Madali naman ang mga pabula ni Esopo. Pero halos lutang ang isip ng mga Tsino kapag nagtatanong na siya ukol sa kanilang binasa. Paano na ito? Naisip ni G. Leandro kinagabihan ang isa pang solusyon.

Ngayon, sa klase, ikinabit niya ang VGA cord ng multimedia projector sa kanyang netbook. Lumabas sa projection screen ang apat na lalaki: naka-suit at moptop ang kanilang gupit.

"Ow, da Bitels!" sabi ng isang Tsinong mag-aaral.

At tumugtog na mula sa bluetooth speaker ang pamilyar na tugtog ng grupo.

Love, love me do
You know I love you
I'll always be true
So please... love me do

Oh-ho, love me do

At naging isang masayang English for Chinese class ni G. Leandro ang karaoke session na iyon. Bukas, gagamitin naman niya ang kanta ni Bob Dylan.


15 Hunyo 2017
Lungsod Quezon

Thursday, June 1, 2017

Liham

Liham
ni Louise Vincent B. Amante


Dumating ang iyong liham isang araw na wala ako sa bahay. Sinabi lang sa akin ni Aling Toyang na kapitbahay kong tindera. Ilang beses nang pabalik-balik ang matandang kartero. Siya na lang ang pumirma para hindi na mapagod ang lalaking iilan na lamang ang inihahatid na sulat sa panahon ngayon ng internet. (Pati nga ang mga diyaryo, napapansin kong halos hindi nabibili sa tindahan ni Aling Toyang.)

Iniabot niya ang liham sa akin kagabi pagdaan ko sa tindahan niya. Naroon si Anna, ang dati kong lugod. Ilang taon na siya sa Amerika at kagabi lang din umuwi. Masaya ang atmospera ng kanilang bahay dahil sa naroon ang mga apo ni Aling Toyang at iba pa niyang mga anak. Si Anna? Ngumingiti siya sa mga pamangkin pero may lumbay sa kanyang mga mata.

Dala-dala ko ang imaheng iyon pag-uwi ko sa bahay. Binuksan ko ang sobre. May talulot ng puting rosas sa loob. Natuwa ako. Binasa ko ang iyong liham. Nais mo akong sumunod sa iyo sa Paris. Napatingin ako sa salaming nakasabit sa dingding, malapit sa refrigerator.

Biglang lumabo ang tingin ko sa salamin.


1 Hunyo 2017
Lungsod Quezon

Saturday, May 9, 2015

(P)Utang(na)

(P)Utang(na)
182 bilang ng salita

Iniisa-isa niya ang mga gastusin sa bahay. Kuryente: P9,000. Tubig: P1,500. Renta: Nakikitira sa bahay ng mga biyenan, libre. Abot sa mga biyenan: P3,000. Diapers ng bunso... Matrikula ng panganay... Sariling pangyosi...

Nakukurta na ang utak niya sa pagkakalkula. Dumukot siya sa kanyang wallet ng bente pesos. “Manong, isa lang. Sa Kamias. Galing Morato.” Iniabot ng katabi ang pera sa drayber ng dyip.

Kaninanga bago mag-uwian, nagpasalamat siya sa may-ari ng karinderyang malapit sa kanyang pinapasukan. Kahit pamasahe lang ay pinahiram siya. Pangako niya, mababayaran niya ang mga utang pagdating ng katapusan sa susunod na linggo.

May sumakay na batang gusgusin, may dalang trapong napakarumi. Pinunasan niya isa-isa ang mga sapatos at maging ang paa ng mga nakatsinelas. Hindi niya pinansin ang ipinampunas ng bata, at ang bata mismo. Nakalahad ang palad nito, may bakas pa ng natuyong rugby.

“Sukli sa bente, o!” sabi ng drayber. Iniabot sa kanya ng katabi ang sukling sampung piso.

Bago pa dumampi sa palad niya ang barya, sinaklot na ito ng batang gusgusin, sabay karipas ng takbo pababa sa dyip.

Wala na siyang nasabi kundi "Putangna." #

Wednesday, June 4, 2014

Tagpo sa MRT

Sumakay siya ng tren sa MRT-Kamuning station kaninang alas-nuwebe ng umaga. Dahil punuan naman lagi ang tren, siniksik niya ang sarili sa hanay ng mga nakasakay na sa loob ng bagon. Nakapuwesto siya sa may baras na patayo malapit sa pintuan nito. Nag-signal na sa pagsara ang pinto. Sumara ito. Umandar na muli ang tren.

Kahit siksikan, madali siyang mapansin sa gitna ng mga katawang kasabay niya sa tren. Matingkad na dilaw na blouse ang suot niya, hanggang itaas ng tuhod ang laylayan. Hindi naman mababa ang neckline, pero kita ang cleavage niya. Nasa kasibulan siya ng kanyang edad. 

"Paparating na sa Cubao station. Mangyaring kumapit lang po sa mga safety hand rails at mag-ingat sa mga mandurukot..." paalala ng naka-record na boses ng isang babae.

Pagbukas ng pinto ng bagon sa Cubao station, limang pasahero ang nakipagsiksikan para lang makababa. Pero tatlong ulit nito ang nagpupumilit at matagumpay na nakasakay sa tren. Nakababa rin ang limang pasahero. Nasiksik pa siyang lalo. Sumara na muli ang pinto.

Isang lalaki na nakakahel na polo ang nasa likod niya. Nasa kuwarenta mahigit ang hitsura ng lalaki. Nasa gitnang bahagi ng tren ang lalaki at sa halip na sa itaas na baras, sa kinakapitan niyang baras din kumapit ang lalaki. Kaliwang kamay ng lalaki ang nakakapit sa baras na nasa harapan niya.

Hindi muna niya pinansin ang pantsatsansing ng lalaki. Malapit na sa Santolan station ang tren nang maramdaman niya ang pagsinghot ng lalaki sa kanyang buhok. Hindi kaya ng aircon na palamigin ang tren. Walang iniwan sa lata ng sardinas ang siksikan sa tren. Namamalas niya ang ilang butil ng pawis sa braso ng lalaki.

"Paparating na sa Shaw Blvd. station..."

Naghanda nang bumaba ang marami-raming pasahero. Naiipit siya sa paglabas ng mga tao. Hindi pa rin tinatanggal ng lalaki ang kanyang kamay sa baras hanggang sa dalawa sa mga nakaupong pasahero ang tumayo para makababa sa tren. Umupo siya agad. Tatabi dapat sa kanya ang lalaki pero naunahan ng isang babaeng pasahero na matagal na ring nakatayo kanina.

Tumapat sa kanya ang lalaki. Nakatungo ang ulo ng lalaki. Alam na niya kung bakit. Tumingala siya. Tiningnan ang lalaki.

Nagulat ang lalaki sa narinig sa kanya.

"May problema, pare?!" Ang tunay niyang boses. Boses-lalaki. #