Thursday, November 29, 2012

Nang magtagpo ang Buwan at Venus noong gabi ng Mayo 16, 2010 (multiply post, May 22, '10 8:46 PM)

    Naglakad ako pauwi. Hindi ko na piniling magtraysikel mula sa geyt ng subdibisyon. Mas maiging maglakad para tumibay-tubay naman ang mga tuhod ko.

    Pagdating ko sa amin, ibinabalita sa TV ang kakaibang tagpong iyon ng langit. Nagkaroon ng mukha ang dilim. Isang talang maningning ang naging mata. At isang biyak ng buwan ang naging ngiti ng gabi.

    Sa ulat, tumigil ang ilang naglalakad. Huminto ang mga nagmamaneho. Pinagmasdan ang kakaibang tagpong iyon. Kinunan ng mga may digicam at cellcam ang hulagway na iyon ng dilim. May mga nagpost agad sa facebook. Naglipana ang comments sa nasabing networking site.

    Binansagang “Lover’s Moon” ang pangyayari sa langit. Bihirang maganap sa loob ng mahabang panahon.

    Ako lang marahil ang hindi tumingala ng sandaling iyon.

5/22/2010
 

No comments:

Post a Comment