Saturday, November 24, 2012

Sukat at Tugma o Malayang Taludturan? (multiply post, Jul 9, '09 6:59 PM)




Ang hindi matapos-tapos na usapin ng dalawang uri sa pagtula
sa hanay ng mga kabataang manunulat

Habang nagmimiryenda sa Lutong Kapitbahay sa UP Diliman, naringgan ko ang pag-uusap ng isang babae at isang lalaki. Pinag-uusapan nila ang tungkol sa kanilang mga inenrolang klase. Binanggit ng lalaki ang tungkol sa MP at PP.

A, Malikhaing Pagsulat at Panitikang Pilipino ang tinutukoy nila, sa isip ko. Masaya raw ang ilang klase nila. Na kesyo mahirap magturo ang kanilang guro o kaklase nila si ganito-ganyan. Hanggang sa napunta sa oryentasyon sa pagsulat ng tula ang kanilang usapan.

“Si Sir B-----, itinuro niya sa amin na dapat may tugma at sukat ang mga tula namin. Pero si Sir M-----, wala siyang pakialam kung free verse ang ipapasa namin,” sabi ng lalaki.

Tumango naman ang babae. “Hindi ko pa sila nagiging prof. Mahirap nga naman mag-rhyme and meter.”

Mga estudyanteng manunulat pala ang nag-uusap na ito. Sang-ayon ako sa sinabi ng babae. Gayundin naman sa sinabi ng lalaki. Ganito rin ang naging dilemma ko noong nagsisimula pa lang akong magsulat. Ang modelo ko noon ay sina Jose Lacaba, Huseng Batute, Romulo Sandoval, at Rolando Tinio. Hayskul ko pa binasa ang mga tula nina John Milton, William Shakespeare, at Robert Frost; salamat sa mga teksbuk namin noon. Nitong huli ko lamang sinimulang marubdob na basahin sina TS Eliot at Lawrence Ferlinghetti.

Marahil ang mga kabataang manunulat ngayon ay mas marami nang nabasa sa akin. At mas mga makabago pang anyo’t estilo sa pagsulat ang kanilang natutunghayan. Kaya mas nakahihiligan nila ang malayang taludturan kaysa sa mahigpit na tugma at sukat.

Gustuhin ko mang sumabat sa kanilang usapan, mahirap nang makipagbanggaan ng ideya sa mga hindi ko naman kilala. Nagsusulat ako ng malayang taludturan at ng may sukat at tugma. Maigi nga sa isang manunulat, lalo na ang mga nais maging makata, na gamayin ang dalawang uring ito ng pagtula.

Sa aking palagay, kaya mas gusto ng mga kabataang manunulat ngayon ang malayang taludturan dahil:
   
1.    ito ang kanilang nababasa sa mga manunulat ngayon – na mula sa, aral sa, o kaya’y matindi ang impluwensiyang Kanluranin;
2.    lipas na ang halina ng tugma at sukat;
3.    isang piitan ang tugma at sukat, at walang gustong makulong dito; at
4.    mas ramdam ang daloy ng mga talinghaga sa malayang taludturan.

Nais kong palawigin ang aking mga obserbasyon. Sa panahon ng internet, hindi na kailangang bumili ng libro sa bookstore para maging up-to-date sa mga pinakahuling trend sa pagtula. Payo nga ng mga kaibigan kong naka-first prize na sa Palanca, magbasa ako ng mga US at UK writers para may edge ako sa mga kontest. Na sa palagay ko’y hindi na dapat dinggin ng mga sumisibol na manunulat ngayon – dahil ginagawa na nila ito.

At sa pagbabasa nila ng mga akdang galing sa labas, wala na silang makitaan ng mga tulang may tugma at sukat. Kung baga, inilibing na ito sa Kanluran. At hindi na dapat buhayin pa.

Kapag sinusubok nilang magsulat ng may tugma at sukat, mahirap isatitik ang nasasaisip. Kaya itatapon ang padron, sapagkat ang sumulat ng may tugma’t sukat ay kusang pagpapakulong dito. At nang ilipat sa malayang taludturan ang paksa, kaysaparap ng kalayaang nadama. Tuloy-tuloy ang daloy ng kanilang mga imahe, walang mintis, walang balakid.

Naramdaman ko ang ganitong mga kalayaan dahil sa malayang taludturan din ako natutong magsulat. Madali, walang duda. Wala rin namang sinusundang alituntunin kaya masarap isulat. Sa biglang tingin, parang Jackson Pollack ka kung sa pagpipinta. Ngunit nang matutuhan ko ang tugma at sukat, nasamyo ko ang halina nito, gayundin ang himig nito sa pandinig. Noong una’y para akong nakakulong. Pero habang tumatagal, na-realize kong dahop ako sa mga salita. Kulang ang aking bokabularyo. Na kapag walang katugma ang isa kong saknong, kailangan kong hagilapin ang susunod. Kaya magbabasa pa ako nang maigi. At kapag natapos ang tula, babasahin ko ito nang malakas. Maririnig ko ang indayog. Iyon nga ang tinatawag nilang awit na himig ng ating panulaan mula pa sa ating mga ninuno.

Nang magsimula uli akong mag-free verse, hindi ako malay na nalalagyan na ng mga tugma ang ilan kong saknong. Nakatutuwa ang ganoong mga realization sapagkat pumaloob na sa akin ang salamangka ng tugma at sukat. O mas angkop sabihing ako ang lumangoy sa tradisyon.

Kaya lalo kong na-appreciate ang aking pagsulat ng tula dahil sa tugma at sukat. Kung babalikan ang mga unang tula natin sa mga nakalap ng mga misyonerong Espanyol, lahat ng ito’y may tugma at sukat. Maging ang mga epiko, ambahan, at balitaw, may tugma at sukat. At kahit ang mga balagtasan ng unang bahagi ng ika-20 dantaon ay sikat na sikat noon, bukod sa mga isyu ng panahong tatalakayin at ididiskurso ng mga mambabalagtas, dahil sa tugma at sukat. Ilan sa mga nanalong tula sa Talaang Ginto, gaano man kahaba, ay may tugma at sukat. Si Sir M-----, tumutula ng may tugma at sukat. Sina Tinio at Lacaba, may tugma at sukat. Kapag lumayo ang mga kabataang manunulat sa Maynila at makipag-usap sa mga nasa kanayunan, malalaman nilang may tugma at sukat pa rin sa kanilang mga tula. Kahit na sa mga sikat na awit ng Juan dela Cruz Band at Eraserheads, may tugma at sukat. Nangangahulugan lang itong walang maliw at walang kupas ang himig ng tugma at sukat.

Sinabi na noon ni Alejandro G. Abadilla na “mag-aral munang magbilang ng pantig bago maghimagsik.” Isa siya sa nanguna ng pagtakwil sa tugma at sukat noong 1930s. Pero may mga tula pa rin siyang may tugma at sukat noong 1950s. Kahit si Amado V. Hernandez, hindi mawalan ng tugma bagama’t wala nang sukat ang mga huling tula niya. Hindi iilang kilalang makata sa Pilipinas ang “bumabali” sa tugma at sukat. Maaari din naman kasing mag-eksperimento sa loob ng tugma at sukat na hindi mawawala ang kinang ng tula.

Kung mahirap ang tugma at sukat, tingnan ang halimbawang ito:

    Pagod na’t nabuburo,
    Kalyo na sa araro,
    Sinuwag pa’t binuyo:
    Said na at tuliro!
    (“Api,” Diego A. Odchimar)

Ito ang pinakamaikling tulang agad kong nagustuhan pagkabasa. Malinaw ang haraya nito tungkol sa lugmok na kalagayan ng mga magsasaka: walang pera pero mayaman sa paggawa, walang lupa pero todo ang pagod, pinapatay pa ng mga maylupa. Bugbog na ako sa Florante at Laura ni Balagtas noong second year hayskul. Pero nang mabasa ko ang maikling tula sa itaas, sapol ang aking isip sa kariktan ng tanaga.

Kung ang mga kabataang manunulat ngayon ay ayaw pa rin ng tugma at sukat, subukin sana nilang tumula sa loob ng isang saknong. Balikan nila ang tanaga, dalit, at diona, at hindi sila magsisisi kung bakit dapat talagang dumaan at danasin ang paglikha ng tulang may tugma at sukat. Kapag nagawa na nila ito, tutuloy sila sa pagsulat ng korido at awit. Nakasisiguro akong tutungo sila sa paglikha ng soneto at villanelle. Pati ang pinakamahirap na sestina, susubukin nilang susulatin.

At malalaman nilang sa lahat ng hirap, laging may katumbas na sarap.


Salamat kay Prop. Vim Nadera na naging guro ko sa pagsulat ng tula noong 2001. Salamat din kay Sir Reuel Aguila sa pagtataguyod niya ng online poetry project na “Ang Pag-ibig ay…” gamit ang tanaga, dalit, diona, at iba pang maiikling anyo ng tula. At bilang huli, salamat sa dalawang estudyanteng naringgan ko ng pag-uusap hinggil sa pagsulat ng tula.


No comments:

Post a Comment