Thursday, November 29, 2012

Eleksyon, moral ascendancy, krisis, at protesta: Ang pagbangko ng pag-asa’t pagbabago sa rehimeng US-Aquino (multiply post, May 27, '10 6:02 PM)

Isa ako sa mga nahirati ng pangakong pagbabago na dala ng eleksyon nitong Mayo. Dahil automated, maikli ang panahong inilagi ko sa voting precint. At tulad ng mga nakaraang botohang aking kinasangkutan, kasabay ng kauna-unahang automated elections na ito ang pag-asa ko sa isang mariwasang Pilipinas.

Bagaman naniniwala akong hindi sapat ang eleksyon upang ma-wipe out ang mga demonyo sa pamahalaan, may kumpiyansa akong hindi mangyayari ang cyber dagdag-bawas. Sa palagay ko’y mahirap ma-hack ang network system ng Comelec at Smartmatic-TIM.

Pero sa mga nakaraang araw, at habang dumarami ang mga ulat sa cyberdayaan, bilihan ng boto, at hocus-PCOS, kating-kati na akong isulat ang blog entry na ito. Lalo na nang pagbukas ko ng TV isang araw matapos ang Mayo 10. Leading si Noynoy Aquino sa pagka-Pangulo! Inaykupu!

Pagbabago. Iyan ang slogan ni Noynoy. Kahit sina Erap, Villar, Gibo, at iba pang kandidatong pagkapangulo, gayondin ang sinasambit. Subalit ang isang tulad ni Noynoy na walang in-author na batas sa Senado at maski sa Kamara ay napaniwala ang maraming Pilipino na siya ang karapat-dapat na maging Pangulo kasunod nang walang kakwenta-kwentang administrasyong Arroyo.

Kung si Gloria Arroyo ang pinaka-corrupt na Pangulo mula pa kay Marcos, si Noynoy ang kabaligtaran nito. Walang bahid, walang dumi. Na sa kanyang administrasyon, isang malinis na pamahalaan ang mamamayani. Walang mangyayaring korupsyon. Sabi nga niya sa isang campaign ad, “Hindi ako magnanakaw.” Ito ba’y noun o future tense? Kung noun, mahirap paniwalaan. Wala raw siyang nakukuhang pork barrel. O baka naman wala kasi siyang naiisip na proyekto maging sa mga taga-Tarlac. Kaya wala siyang nakukuhang pork barrel. Kung ganito man si Noynoy, non-performing lawmaker siya.

Kung future tense naman, mahirap pa ring paniwalaan. Kasi mula pa 1957, ang mga kamag-anak niyang Cojuangco ang nakasimsim ng biyaya ng lupa ng Hacienda Luisita (HL). At nang magwelga ang mga magsasaka noong Nobyembre 2004, humingi ang mga Cojuangco ng tulong sa militar at pinaulanan ng mga bala ang mga nagwewelga. Hinihingi lang naman ng mga ito na dagdagan ng P150 ang kanilang sahod para lumaki naman ang P9.50 nilang net pay. Ayaw ng mga Cojuangco dahil nalulugi na raw ang HL. Kung nalulugi, ipagbili na sa mga magsasaka. Maski si Noynoy, iginiit na maliit na porsyento lang ang hawak ng pamilya Aquino sa asyenda. At bibitawan daw nila ito sa oras na maging Pangulo siya. Kung pagbabago ang kanyang islogan, pwedeng paniwalaan.

Pero may ulat na lumabas noon matapos ang masaker sa HL na iminungkahi ni Noynoy na itaas ng P5 ang sahod ng mga magsasaka. Napakalayo sa hinihingi ng mga magsasaka. At kung babalikan ang pangako ng mga Cojuangco at Aquino noong 1957 sa pamahalaan, sampung taon lang nilang aariin ang HL. Dahil pera mula sa GSIS (read: pera ng taumbayan) ang ipinambili ni Don Pepe Cojuangco Sr. ng HL mula sa dating mga may-ari nitong Español at Amerikano. Napakahirap para sa isang pamilyang asendero na basta ibigay na lang ang di-maliparang uwak na lupa sa mga “mangmang” na magsasaka.

Kung moral ascendancy ang pag-uusapan, bitbit lagi ni Noynoy ang pangalan ng kanyang mga magulang. Kung baga, supling siya ng mga itinuturing na bayani. Si Ninoy, pinatay noong 1983 sa tarmac. Nag-apoy ang galit ng tao laban kay Marcos. Kaya sa isang snap election, ang ipinambato ay si Cory Aquino, ang kabiyak ni Ninoy. Nanalo si Cory. Siya ang epitomya ng pag-asa noong 1986. Pagkatapos ng kanyang anim na taong termino, sadsad ang ekonomiya ng bansa.

At sa muling pag-upo ng isa pang Aquino bilang Pangulo, pag-asa pa rin ang sadya ng mga tao. Pero kung babasahin ang mga nasa dyaryo ilang araw bago ang eleksyon, nais ng IMF na itaas sa 15% ang EVAT. (Senador na uli si Recto, ang awtor ng batas na nagpataas ng EVAT mula 10% tungong 12%.) Nakipagkita na si Noynoy sa embahador ng United States (US) sa Pilipinas na si Harry K. Thomas Jr. Pwedeng tingnan na simple lang itong pagbati sa nanalong kandidato. Pero dapat suriin na sa lahat ng naging Pangulo ng Pilipinas, US ang nagmamando sa mga polisiya’t pamamalakad ng ating pamahalaan. Sa madaling salita, ang Pilipinas ay isang neokolonya ng US, anuman ang sabihin ng mga taong tutol sa bansag na ito.

Maituturing na simplistikong pagtataya sa kahihinatnan ng bansa ang aking sinulat dito. Pero komplikado ang mga problemang magpapatuloy sa panunungkulan ni Noynoy. Lalo na’t malalaking kalokohan ang iiwan sa kanya ni Arroyo at pamilya nito. Na posible pang madagdagan sa pag-ayon niya sa mga dikta ng US.

Hindi malayong tumindi ang krisis na nararamdaman ngayon ng mga Pilipino sa loob ng administrasyong Aquino. At hindi rin malayong sasalubungin si Noynoy ng mga kilos-protesta ng mamamayang mawawalan ng gana sa mga salitang sinabi niya noong kampanya. Ito ay kung hindi magiging indipendyente si Noynoy at kung hindi niya isasantabi ang kapakanan ng bayan. 
 

No comments:

Post a Comment