Saturday, November 24, 2012

Ang aking Panig sa Isyu ng National Artists 2009 (multiply post, Aug 10, '09 1:56 PM)

Marami nang naglabasang balita tungkol sa pinakahuling batch ng National Artists (NA) na pararangalan ngayong taon.

Mula sa apat na sinabmit ng Cultural Center of the Philippines at National Commission for Culture and the Arts (NCCA), isa ang nilaglag at apat ang idinagdag ng Pangulong Arroyo sa listahan. Natigatig ang marami sa mga artista ng bayan sa ganitong pangyayari. Kung kaya nagprotesta sila sa pamamagitan ng Internet. Pati ang mga nauna nang pinarangalan ay naghihimutok din sa nangyaring dagdag-bawas.

Matigas naman sina Cecile Guidote-Alvarez (Teatro) at Carlo J. Caparas (Pelikula at Sining-Biswal) sa kanilang pagsagot sa mga pumupuna sa kanila. At kakatwang ang pahayag ni Vilma Labrador ng NCCA ay ganito: "However, she said, there are some nominees that are also submitted to the President coming from some entities or personalities which have vast knowledge on whose artists that need to be given awards." Mababasa ang pahayag sa http://balita.ph/2009/08/06/no-violation-of-law-in-the-selection-of-national-artists-ncca-chair-says/

Sino kaya ang mga taong itong may vast knowledge? Ibig sabihin ba nito'y hindi maalam ang mga nasa komite na pinili ng CCP at NCCA na unang kumilatis sa kung sino ang dapat na tanghalin na NA? Maituturing palang tanga ang mga NA na kasama sa mga komiteng ito. Kawawa naman sila, matatanda na nga, wala pala silang pinagkatandaan matapos nilang lumikha at maging mahusay sa loob ng mahabang panahon.

Dapat ilabas at ipakilala ng Malacañang kung sino-sino ang mga taong itong may vast knowledge at naisipang magsingit ng dagdag na NA. Kung sa isyu ngayon ng mahigit isang milyong pisong dinner sa New York ng RP delegation na kasama ng Pangulong Arroyo nitong buwan ay mabilis ang pagtanggi at pagsagot, bakit sa isyu ng NA ay nananatili silang tahimik?

Pahabol: Walang nagrereklamo kung maging NA sina Pitoy Moreno (Fashion Design) at Francisco “Bobby” Mañosa (Arkitektura) dahil dapat naman silang parangalan.
 

No comments:

Post a Comment