Sukat at Tugma o Malayang Taludturan?
Ang hindi matapos-tapos na usapin ng dalawang uri sa pagtula
sa hanay ng mga kabataang manunulat
Habang
nagmimiryenda sa Lutong Kapitbahay sa UP Diliman, naringgan ko ang
pag-uusap ng isang babae at isang lalaki. Pinag-uusapan nila ang tungkol
sa kanilang mga inenrolang klase. Binanggit ng lalaki ang tungkol sa MP
at PP.
A, Malikhaing Pagsulat at Panitikang Pilipino ang
tinutukoy nila, sa isip ko. Masaya raw ang ilang klase nila. Na kesyo
mahirap magturo ang kanilang guro o kaklase nila si ganito-ganyan.
Hanggang sa napunta sa oryentasyon sa pagsulat ng tula ang kanilang
usapan.
“Si Sir B-----, itinuro niya sa amin na dapat may tugma
at sukat ang mga tula namin. Pero si Sir M-----, wala siyang pakialam
kung free verse ang ipapasa namin,” sabi ng lalaki.
Tumango naman ang babae. “Hindi ko pa sila nagiging prof. Mahirap nga naman mag-rhyme and meter.”
Mga
estudyanteng manunulat pala ang nag-uusap na ito. Sang-ayon ako sa
sinabi ng babae. Gayundin naman sa sinabi ng lalaki. Ganito rin ang
naging dilemma ko noong nagsisimula pa lang akong magsulat. Ang modelo
ko noon ay sina Jose Lacaba, Huseng Batute, Romulo Sandoval, at Rolando
Tinio. Hayskul ko pa binasa ang mga tula nina John Milton, William
Shakespeare, at Robert Frost; salamat sa mga teksbuk namin noon. Nitong
huli ko lamang sinimulang marubdob na basahin sina TS Eliot at Lawrence
Ferlinghetti.
Marahil ang mga kabataang manunulat ngayon ay mas
marami nang nabasa sa akin. At mas mga makabago pang anyo’t estilo sa
pagsulat ang kanilang natutunghayan. Kaya mas nakahihiligan nila ang
malayang taludturan kaysa sa mahigpit na tugma at sukat.
Gustuhin
ko mang sumabat sa kanilang usapan, mahirap nang makipagbanggaan ng
ideya sa mga hindi ko naman kilala. Nagsusulat ako ng malayang
taludturan at ng may sukat at tugma. Maigi nga sa isang manunulat, lalo
na ang mga nais maging makata, na gamayin ang dalawang uring ito ng
pagtula.
Sa aking palagay, kaya mas gusto ng mga kabataang manunulat ngayon ang malayang taludturan dahil:
1. ito ang kanilang nababasa sa mga manunulat ngayon – na mula sa, aral sa, o kaya’y matindi ang impluwensiyang Kanluranin;
2. lipas na ang halina ng tugma at sukat;
3. isang piitan ang tugma at sukat, at walang gustong makulong dito; at
4. mas ramdam ang daloy ng mga talinghaga sa malayang taludturan.
Nais
kong palawigin ang aking mga obserbasyon. Sa panahon ng internet, hindi
na kailangang bumili ng libro sa bookstore para maging up-to-date sa
mga pinakahuling trend sa pagtula. Payo nga ng mga kaibigan kong
naka-first prize na sa Palanca, magbasa ako ng mga US at UK writers para
may edge ako sa mga kontest. Na sa palagay ko’y hindi na dapat dinggin
ng mga sumisibol na manunulat ngayon – dahil ginagawa na nila ito.
At
sa pagbabasa nila ng mga akdang galing sa labas, wala na silang
makitaan ng mga tulang may tugma at sukat. Kung baga, inilibing na ito
sa Kanluran. At hindi na dapat buhayin pa.
Kapag sinusubok nilang
magsulat ng may tugma at sukat, mahirap isatitik ang nasasaisip. Kaya
itatapon ang padron, sapagkat ang sumulat ng may tugma’t sukat ay kusang
pagpapakulong dito. At nang ilipat sa malayang taludturan ang paksa,
kaysaparap ng kalayaang nadama. Tuloy-tuloy ang daloy ng kanilang mga
imahe, walang mintis, walang balakid.
Naramdaman ko ang ganitong
mga kalayaan dahil sa malayang taludturan din ako natutong magsulat.
Madali, walang duda. Wala rin namang sinusundang alituntunin kaya
masarap isulat. Sa biglang tingin, parang Jackson Pollack ka kung sa
pagpipinta. Ngunit nang matutuhan ko ang tugma at sukat, nasamyo ko ang
halina nito, gayundin ang himig nito sa pandinig. Noong una’y para akong
nakakulong. Pero habang tumatagal, na-realize kong dahop ako sa mga
salita. Kulang ang aking bokabularyo. Na kapag walang katugma ang isa
kong saknong, kailangan kong hagilapin ang susunod. Kaya magbabasa pa
ako nang maigi. At kapag natapos ang tula, babasahin ko ito nang
malakas. Maririnig ko ang indayog. Iyon nga ang tinatawag nilang awit na
himig ng ating panulaan mula pa sa ating mga ninuno.
Nang
magsimula uli akong mag-free verse, hindi ako malay na nalalagyan na ng
mga tugma ang ilan kong saknong. Nakatutuwa ang ganoong mga realization
sapagkat pumaloob na sa akin ang salamangka ng tugma at sukat. O mas
angkop sabihing ako ang lumangoy sa tradisyon.
Kaya lalo kong
na-appreciate ang aking pagsulat ng tula dahil sa tugma at sukat. Kung
babalikan ang mga unang tula natin sa mga nakalap ng mga misyonerong
Espanyol, lahat ng ito’y may tugma at sukat. Maging ang mga epiko,
ambahan, at balitaw, may tugma at sukat. At kahit ang mga balagtasan ng
unang bahagi ng ika-20 dantaon ay sikat na sikat noon, bukod sa mga isyu
ng panahong tatalakayin at ididiskurso ng mga mambabalagtas, dahil sa
tugma at sukat. Ilan sa mga nanalong tula sa Talaang Ginto, gaano man
kahaba, ay may tugma at sukat. Si Sir M-----, tumutula ng may tugma at
sukat. Sina Tinio at Lacaba, may tugma at sukat. Kapag lumayo ang mga
kabataang manunulat sa Maynila at makipag-usap sa mga nasa kanayunan,
malalaman nilang may tugma at sukat pa rin sa kanilang mga tula. Kahit
na sa mga sikat na awit ng Juan dela Cruz Band at Eraserheads, may tugma
at sukat. Nangangahulugan lang itong walang maliw at walang kupas ang
himig ng tugma at sukat.
Sinabi na noon ni Alejandro G. Abadilla
na “mag-aral munang magbilang ng pantig bago maghimagsik.” Isa siya sa
nanguna ng pagtakwil sa tugma at sukat noong 1930s. Pero may mga tula pa
rin siyang may tugma at sukat noong 1950s. Kahit si Amado V. Hernandez,
hindi mawalan ng tugma bagama’t wala nang sukat ang mga huling tula
niya. Hindi iilang kilalang makata sa Pilipinas ang “bumabali” sa tugma
at sukat. Maaari din naman kasing mag-eksperimento sa loob ng tugma at
sukat na hindi mawawala ang kinang ng tula.
Kung mahirap ang tugma at sukat, tingnan ang halimbawang ito:
Pagod na’t nabuburo,
Kalyo na sa araro,
Sinuwag pa’t binuyo:
Said na at tuliro!
(“Api,” Diego A. Odchimar)
Ito
ang pinakamaikling tulang agad kong nagustuhan pagkabasa. Malinaw ang
haraya nito tungkol sa lugmok na kalagayan ng mga magsasaka: walang pera
pero mayaman sa paggawa, walang lupa pero todo ang pagod, pinapatay pa
ng mga maylupa. Bugbog na ako sa Florante at Laura ni Balagtas noong
second year hayskul. Pero nang mabasa ko ang maikling tula sa itaas,
sapol ang aking isip sa kariktan ng tanaga.
Kung ang mga
kabataang manunulat ngayon ay ayaw pa rin ng tugma at sukat, subukin
sana nilang tumula sa loob ng isang saknong. Balikan nila ang tanaga,
dalit, at diona, at hindi sila magsisisi kung bakit dapat talagang dumaan
at danasin ang paglikha ng tulang may tugma at sukat. Kapag nagawa na
nila ito, tutuloy sila sa pagsulat ng korido at awit. Nakasisiguro akong
tutungo sila sa paglikha ng soneto at villanelle. Pati ang
pinakamahirap na sestina, susubukin nilang susulatin.
At malalaman nilang sa lahat ng hirap, laging may katumbas na sarap.
Salamat
kay Prop. Vim Nadera na naging guro ko sa pagsulat ng tula noong 2001.
Salamat din kay Sir Reuel Aguila sa pagtataguyod niya ng online poetry
project na “Ang Pag-ibig ay…” gamit ang tanaga, dalit, diona, at iba
pang maiikling anyo ng tula. At bilang huli, salamat sa dalawang
estudyanteng naringgan ko ng pag-uusap hinggil sa pagsulat ng tula.
http://lvbamante.multiply.com/journal/item/32
 |
sino sina sir b at m? wehe
1. ito ang kanilang nababasa sa mga manunulat ngayon – na mula sa, aral sa, o kaya’y matindi ang impluwensiyang Kanluranin;
>>kahit man sa mga literary majors ito ang gusto..
2. lipas na ang halina ng tugma at sukat;
>>hndi ako naniniwala.. me mga malalalim lang kse na wikang gamit.. bt di gamitin ang wika na gamay ng mga kabataan..
3. isang piitan ang tugma at sukat, at walang gustong makulong dito; at
>>para lang yang painting atbp
4. mas ramdam ang daloy ng mga talinghaga sa malayang taludturan.
>>hndi ako naniniwala dito.. me mga free verse na parang engot ang himig..
|
 |
reply
sa 1: ako rin naman. kasi walang makitang mabisang eksampol sa elem at
high school books na pampanitikan, bukod pa sa walang itinuturong
panunuri noon. ngayon, mayroon na. ang problema, hindi handa ang
teachers na ituro ang panunuri.
reply sa 2: hindi rin ako
naniniwala. walang salitang malalim kung gamay natin ang kulturang
pinanggalingan nito. eksperimento ang paggamit sa wika ng kabataan
ngayon. at okay ako riyan.
reply sa 4: hindi rin ako naniniwala rito. kaya magandang aralin ang tugma at sukat para magkapokus sa pananalinghaga.
kahit nga si AGA, may mga tulang prosaic ang dating sa kanyang free verse.
salamat sa inyong mga komento.
sir b at m? secret. 
haha! pasensha na wala ako sa akademya.. at never been.. kaya hndi ko klala itong si sir b at m.. b ba si ser joey?
tutal
narito nmn si ser reuel e gusto ko rin sabihin na lumaki ako sa Pahina
at Hirayamanawari..laking tulong ng Pahina sa pag-aaral ko ng tula
oido..
sinu2 ba kse ang mga editors ng mga textbooks na yan? ang
dami nang sources ng modern poetry.. hndi lng sa mga textbooks.. nasa
mga magasin at lit folio..
sa reply sa 2 mo, u r speaking siguro
bilang tao sa akademya.. ang mga karaniwang tao, pagbasahin mo ng mga
malalalalim na salita, sasabihin tlg nila, "ang lalim".. kahit man sa
mga nasusulat natin, kahit sa workshops kelangan ng unlocking of
difficult words..
oo, pr sakin magandang aralin ang sukat at
tugma.. nirerendahan niya, dinidisiplina ang tula mo.. para kang painter
o inhinyero na nag-aaral magdrawing ng perfect circle..
hindi ko pa nababasa lahat ng mga gawa ni AGA pero malamang me pattern din ang mga free verse nya.. di ko lam hehe..
|
 |
more opinions please from both sides
|
 |
Now... try to write tugma at sukat: 12 sylls per line, sesura sa ika-anim. Walang gagamit ng "an" bilang pangrima. goodluck
|
 |
You
hit the word.... pattern. Design din ang tawag dyan. Mapa-tugma at
sukat man o free verse o ano pa mang tula... may disenyo ang tula. Isa
ito sa hindi binibigyang pansin ng mga tumutula. Akala ng marami, basta
outpouring na lang (using automatic writing as excuse).
Ang design ay hindi lang sa porma... pati ito sa mga images na ginamit, wika, ... o sa kabuuang dating ng tula
Hindi ko rin kilala si B at M.
|
 |
maraming salamat po dito. dahil lang sa eavesdropping ko, kaya ko ito naisulat. tama si sir sa salitang pattern.
hindi ko naman ito problema. madali namang sumulat. dapat lang magpakagaling sa craft. :)
sir b at m? code ko lang iyan. hehe. kapag binunyag ko sila rito, naku, malaking iskandalo. haha.
maraming salamat uli, makoydakuykoy at sir reuel.
|