Thursday, November 29, 2012

Nang Pumalaot ang Kaliwa sa Dagat ng Pambansang Eleksyon (o Kumanan na nga ba ang Kaliwa?) (multiply post, Jul 4, '10 9:38 PM)

Long-delayed na ang sanaysay na ito. Pero kahit na, gusto ko pa ring ilabas ito. Ito ang masasabing karugtong ng “Eleksyon, moral ascendancy, krisis, at protesta: Ang pagbangko ng pag-asa’t pagbabago sa rehimeng US-Aquino” na in-upload ko rito sa Multiply noong May 27, 2010.

Hindi na bago ang pagpasok ng Kaliwa sa Pilipinas sa laro na kung tawagi’y eleksyon. Una nang sinuong ito nina Luis Taruc at mga kasama noong eleksyon ng 1946 sa ilalim ng Democratic Alliance (DA). Kasapi sila ng noo’y Partido Komunista ng Pilipinas na itinatag noong 1930 (PKP-1930). Ayon sa Philippine Society and Revolution ni Amado Guerrero (34), nakipagsanib ang DA sa Nacionalista Party para sa eleksyong ito. Nanalo ang tatlong senador ng DA ngunit hindi sila pinaupo ni Pangulong Manuel Roxas. Mula sa Liberal Party si Roxas, na binubuo ng mga pinatalsik na Nacionalista.

Ito ang masasabing unang paglahok ng Kaliwa sa pambansang halalan. Dahil may nanalong mga senador ang PKP-1930 noong 1946, may simpatya’t following na noon ang unang grupo ng mga Kaliwa sa bansa. Ang masasabing pinakamalaking pagkakamali ng PKP-1930 ay ang pag-abandon nito sa armadong pakikibaka. Mula rito’y unti-unti nang nalusaw ang kanilang organisasyon. Pinasidhi pa ito ng pagsuporta ng lideratong Jesus Lava sa administrasyong Marcos na kumakatawan daw sa “ascendancy of the reformist national bourgeosie over the feudal lords and the compradors” (Sison 58-61). Kaya itinatag muli ang PKP noong 1968 na naniniwala sa armadong pakikibaka bilang pangunahing armas na magpapabago sa lugmok na ekonomiya ng bansa sa kamay ng imperyalismong Estados Unidos (US).

Naniniwala ang bagong PKP na hindi lang eleksyon ang sagot sa mga problema ng bayan. Ginagamit lang ito ng mga naghaharing-uri upang mapanatili ang kanilang mga angkan sa itaas ng istrukturang pampolitika at siguruhin ang kanilang ari-arian. Kaya ituturing din ng mga kilusang makabayan at mga mamamayan na huwag lumahok at bumoto sa mga eleksyon. Boykot pa nga sila noong 1986. Pero sino’ng makapagsasabi noon na magkakaroon ng EDSA People Power? Tila isang biglang silab ang tumupok at nag-upos sa diktaturyang Marcos. At naluklok si Cory Aquino bilang Pangulo.

Tatlong pangulo na’ng nagdaan at muli, isa na namang Aquino ang nasa Malakanyang. Ano na kayang kahihinatnan ng kilusang Kaliwa sa Pilipinas? Kaiba sa pagkapanalo ng DA noon, hindi nagtagumpay ang candidacy nina Satur Ocampo at Liza Maza para maging Senador. Masasabing tinik sa lalamunan ng nakaraang administrasyong Macapagal-Arroyo ang mga makabayang mambabatas na ito mula nang manalo sila sa ilalim ng Bayan Muna party-list noong 2001. Inakusahan sila ng kung ano-anong kasong pulitikal at maging kriminal, bukod pa kina Teddy Casiño, Rafael Mariano, Joel Virador, at namayapa nang Crispin Beltran. Sila ang masasabing vocal critics ng mga polisiyang kontra-mamamayan, bukod pa sa mga ipinanukala nilang mga batas na pabor sa nakararaming mamamayan. Kaya gayon na lamang ang harassment sa kanila. Subalit mas masidhi pa ang pandarahas sa mga simpleng kasapi’t organisador ng Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Kabataan, at iba pang organisasyong progresibo.

Kaya nang ipahayag nina Ocampo at Maza ang intensyon nilang tumakbo sa pagka-Senador, suportado ito ng malaking hanay ng mga makabayang kagrupo nila. Maging ako’y nasa panig nina Ocampo at Maza. Subalit sa eleksyong ito’y hindi sapat ang intensyon at marubdob na adkihaing maglingkod sa mamamayan. Kahit na may koalisyong Makabayan na kanilang binuo noong isang taon, kinakailangan ng malaking makinarya upang ilunsad ang malawakang kampanya.

Unang napabalitang nakikipag-usap ang grupo nina Ocampo at Maza sa mga Liberal at Nacionalista na maging guest candidates. Hindi sila isinama sa senatorial line-up ni Aquino dahil mahigpit na tagasuporta ang Bayan Muna sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita. Maswerteng tinanggap naman sila ni Manny Villar sa Nacionalista. Pero kasama pala nila sa line-up si Bongbong Marcos, anak ng dating diktador. Ani Ocampo, he would not share the same stage with a Marcos. Nananatili ang mga isyu kahit na nakipagkamay si Marcos kay Ocampo sa isang event na kinover ng media.

Sa mga araw ng opisyal na kampanya, naglabas ng pahayag ang PKP at maging si Jose Ma. Sison sa isang intebyu na sumusuporta kay Manny Villar para maging Pangulo ng bansa. Ayon sa kanila, si Villar ay kiling sa mga programang pang-ekonomiya at pampolitika ng PKP. Ngunit sa mga panahon ding ito lumabas na secret candidate daw si Villar ng mga Arroyo, kaya binansagan ang tandem nilang Villarroyo.

At dumating ang eleksyon.

Dahil automated, mabilis ang dating ng mga resulta matapos ang Mayo 11. Hindi inaasahan ng marami, lalo na ng mga nasa kilusang makabayan, na lagpak ang pwesto nina Ocampo at Maza sa bilangan. Naungusan pa sila ni Risa Hontiveros-Baraquel na nasa ika-13 puwesto. Nadismaya ang mga nasa Kaliwa, maging ako na ibinoto ang mga makabayang ito. Mas mataas pa ang nakuha ni Bongbong Marcos para maging Senador ngayon. Bagaman malalaki ang bilang na nakuha ng Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Act-Teachers, at Kabataan party-lists, hindi mapasusubaliang may repleksyon sa Kaliwa ang kinahinatnan nina Ocampo at Maza.

Sa pakikipag-usap ko sa ilang kaibigan at kapanalig sa sining pagkatapos ng eleksyon, may mga punang lumabas sa pagpasok at pagkatalo ng Kaliwa sa eleksyong ito. Ang pagbabalik ng mga datihan na sa pambansang pamahalaan ay pagpapatuloy lang ng bulok na sistema ng halalan. Marami ang nagsasabing lumakad talaga ang pera, lalo na sa mga lokal na puwesto. At nito ngang buwan, naglipatan na ang mga nasa Kamara, gobernador, mayor, at iba pa sa Liberal Party. Sa ganang ito’y lalakas pa ang Kaliwa, lalo na’t walang malinaw na programa sa repormang agraryo ang administrasyong Aquino.

Pero, sabi nga ng iba, the numbers speak for themselves. Sa akala kong marami ang kabilang sa mga kilusang makabayan, magwawagi sina Ocampo at Maza na maging Senador. Dito nila maisasatinig ang hinaing ng mamamayan. Pero hindi nga ganoon ang nangyari. Masasabing maliit pala ang bilang ng mga kasapi ng mga grupong ito, bukod pa sa mga allies at symphatizers nito. Sa kabilang banda, maaaring dinaya ang bilang ng kanilang boto dahil kaya namang manipulahin ang PCOS machines, ayon na rin sa independent media at IT experts. Matindi rin ang balck propaganda na may links sa New People’s Army sina Ocampo at Maza. Sa isang discussion forum na ginanap sa UP Diliman nitong Hunyo, ipinahayag ni Ocampo na patuloy ang harassment ng militar sa mga kasapi ng Bayan Muna at mga katulad na samahan na huwag bumoto. Tinakot diumano ang mga kasapi. Sa bahaging open mic, isang manunulat ang nagpahayag na labag sa kagandahang-asal ang sinabing ito ni Ocampo. Kung natakot diumano ang mga tao, wala nang rebolusyong magaganap sa yugtong ito ng kasaysayan. Tila naputulan ng dila ang nasa panel ng nasabing forum. Maanghang ang puna ng manunulat, hindi inaasahan.

Ang pinakamabigat na argumento sa pagkakatalo nina Ocampo at Maza ay ang pagsali nila sa Nacionalista, lalo na’t nakabandera dito si Villar. Sa panahon ng kampanya, batuhan talaga ito ng putik. At matitindi ang ibinato kay Villar. Masasabing hindi nakabangon si Villar sa mga alegasyong korupsyon sa C-5 extension deal at sa hindi niya tunay na pagiging mahirap. Nadamay sina Ocampo at Maza. Sa kabila ng muling pag-expose ng Kaliwa sa Hacienda Luisita massacre noong 2004, hindi nagbago ang results ng survey hanggang sa araw ng eleksyon pabor kay Aquino.

Puna nga ng isang dating nasa kilusan, kung nagsariling lakad sina Ocampo at Maza, mas malaki pa ang tsansa nilang manalo. Tila opurtunismo ang namayani sa loob ng PKP, sabi niya. Mas maanghang naman ang galing sa isang manunulat, naging trapo na ang mga pinuno ng kilusang makabayan.

Habang ginagawa ko ito’y naniniwala akong may magandang kinabukasan ang Kaliwa sa Pilipinas. Sa pelikulang The Founding of a Republic, sinabi ni Mao Zedong – na ginampanan ni Tang Guoqiang – “we learn from our mistakes.” Wala pa akong nababasang pahayag na tumatasa sa karanasan ng Kaliwa sa nakaraang eleksyon. Maaaring tama o mali ang paglahok ng Kaliwa sa eleksyon ngayon. Sa tingin nila marahil, hinog na’ng panahon para umakyat sa Senado ang mga pinuno ng kilusan. They have proved themselves worthy of the tasks since their membership in the House. Pero hindi ito natuloy.

Sa ganang ito, hindi dapat mag-wallow sa pagkatalo ang Kaliwa. Hindi na baleng mawala ang isang larangan, huwag lang ang buong tiwala ng mamamayan.



Sanggunian:
Guerrero, Amado. Philippine Society and Revolution, 5th ed. Phils: Aklat ng Bayan, Inc, 2005.

Sison, Jose Ma. at Julieta De Lima. Philippine Economy and Politics. Phils: Aklat ng Bayan, Inc, 1998.

No comments:

Post a Comment