Saturday, November 17, 2012

Hulagway ng Nostalgia: Pagbaklas sa Mito ng Sentenaryong UP (Multiply post, Jun 22, '08 9:36 PM)

Piso lang daw ang halaga ng 493 ektaryang lupain ng Diliman,  para mailipat ang UP mula sa Ermita noon. Una ko itong narinig sa isang paligsahang pang-freshman. Hindi ko alam kung totoo nga ba ang trivia na ito o joke lang. Basta ang alam ko, nasa UP ako. Kabilang ako sa pinakamagagaling na estudyante ng bansang ito. Higit pa riyan, iskolar ako ng bayan.

Sa pagdiriwang ngayon ng sentenaryo ng UP, mamamalas ang maligayang aura ng kampus ng Diliman. Iwinagayway ng hangin ang mga bandilang pula’t luntian sa Acad Oval. Nakaladlad ang streamers ng mga kolehiyo tungkol sa kani-kanilang bersyon ng pagdiriwang. Magarbo ang kick-off na naganap nitong Enero sa Quezon Hall, kasama ang makukulay na fireworks at umaalingawngaw na “UP, Ang Galing Mo!”. Makikitang matagal na pinaghandaan ang pagdiriwang na ito.

Bukod pa sa ganitong grandyosong pagdiriwang, kailangan din namang ipakita ng isang taga-UP ang kasiyahang hatid ng sentenaryo. Kaya nakasuot ako ngayon ng UP Centennial shirt. Pero, hindi ko ito nakuha nang libre.

Tatak UP
Iba nga naman ang hatid ng isang bagay kung may tatak UP ito. May ilalabas ngayong Hunyo na P100 bill ang Bangko Sentral. May UP insignia sa kaliwang bahagi nito. Sa pagpapakalat ng memorabilia na ito, maipamamalas na ang buong bansa’y kaisa sa pagdiriwang ng sentenaryo ng UP.

Maliban sa Form 5, ID, at bluebook, mas maipagmamalaki ang pagka-UP kung may suot na UP shirt. Naipapakita natin sa marami ang pagka-UP dahil may UP logo at imahe ni Oble sa suot natin. Bagaman may kasiyahang magsuot ng UP shirt, kapalit nito ang perang ipinambayad. Dahil sentenaryo ngayon ng UP, mabibili ng P180 ang UP Centennial shirt. Pero ang karaniwang UP shirt ay P150. May ibinebenta ring baseball caps, jackets, at payong na may UP Centennial logo. May magagamit nga namang tatak UP taon-taon.

Madali nga namang ipagbili ang alinmang pangalang may UP. Kahit hindi sentenaryo ngayon, naririyan pa rin ang nosyon na dalawa lang ang pamantasan sa Pilipinas: UP and others. Ipinagmamalaki sa taunang Freshmen Assembly na nagkalat sa buong mundo ang UP alumni at nagtatagumpay sa kanilang mga larangan. Kaya halos lahat ng graduating high school students ay sumusubok sa UPCAT. Taglay rin nito ang nosyon na edukasyon ang mag-aahon sa kani-kanilang mag-anak sa hirap. Pero, mas malaki ang bilang ng mga estudyante sa UP System na galing sa mga pribadong eskwelahan na kayang magbayad ng matrikulang higit sa P1,000 kada unit – na ipinatupad isang taon bago ang sentenaryo ng UP. At dahil may mabangong diploma ang UP, igagapang ng estudyante sa alinmang paraan makamit lang ang edukasyong tatak UP.

Tayang UP
May napapanood at nababasa tayong TV at print ad na nagsasabing “’Pag tumaya ka sa UP, tumataya ka sa bayan.” Para ito sa pondo ng UP upang ipagpatuloy ang araw-araw nitong operasyon. Kung kaya nakalikom ng higit sa $1 milyon ang UPAA ng America para sa pagpapaayos ng Carillon. Upang hindi mapunta sa Ateneo at De La Salle ang magagaling na propesor ng UP, inihihingi ng donasyon ang professorial chairs na aabot ng P1.4 milyon ang isa at faculty grants na aabot ng P700,000 ang isa. Pangunahin nitong target ang UP alumni sa iba’t ibang panig ng mundo para magbigay sa kanilang alma mater.

Maraming tumugon sa panawagang ito ng UP. Hindi raw nila makalimutan ang mga alaala nila sa UP, lalo na ang itinuro nitong pagsisilbi sa bayan. Hindi nakapagtatakang nanlilimos ang UP sa alumni nito. Pero nakapagtatakang kahit na hinuhubog diumano ng UP ang pinakamagagaling sa lahat ng magagaling, tuloy-tuloy pa rin ang pagliit ng pondong inilalaan dito ng pamahalaan. Ayon sa pahayag ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy-UP noong Hunyo 12, ang pagiging national university ng UP mula sa state university ay hindi nagtataas sa antas ng UP bilang institusyon. Alinsunod sa bagong UP Charter, posibleng hindi na ito tustusan ng pamahalaan. Sa taunang badyet ng pamahalaan, state universities ang tumatanggap ng subsidyo.

Kalayaang UP
Kapag taga-UP, sinasabing may kalayaan tayong ipahayag ang nasasaloob natin. Isa ito sa mga itinuturo sa loob ng klasrum upang lumabas sa pakikipagdiskurso ang katotohanan. Mula rito’y makapag-aambag sa pag-unlad ng bansa ang isang taga-UP.

Hindi naman maitatangging landmark ang UP sa kasaysayan ng bansa. Minsan nang naging notoryus ang pangalang UP sa mata’t tainga ng mga diktador. Tumutol ang komunidad ng UP sa batas militar ni dating Pangulong Marcos. Tinawag pa ni Justice Secretary Raul Gonzalez noong 2005 na terorista ang mga produkto ng UP. Nilalabanan daw ng mga taga-UP ang gobyerno na tumutustos dito.

Pero, maski rito sa loob ng UP ay minamaliit ng ilan ang mapagpalayang mga ideyang umuusbong mula sa komunidad nito. Isinasara ng mga propesor ang pinto ng klasrum huwag lang maistorbo ng mga nagrarali sa loob ng gusali ang kaniyang paglelekytur. Ipinagbawal din ng dating UP President Nemenzo ang pag-imbita sa klase ng mga panauhing tagapagsalita na magsasaka’t manggagawa. Tinawag pa nga niyang “transients” lang ang mga estudyante dito sa UP. Kaya hindi pinakikinggan ng UP ang pagtutol ng estudyante sa pagtaas ng mga matrikula sa loob ng pamantasan.

Sa ganitong masayang pag-alala ng sentenaryo ng UP, naipapakita natin na malalaking tipak ang inambag ng UP sa kasaysayan ng bansa, lalo na sa larangan ng edukasyon. Tani-tanikalang alaala ang binabaybay ng mga naging bahagi ng mga bulwagan ng pamantasang ito. Pero, higit pa sa pagsusuot ng UP Centennial shirt ang hinihingi ng UP. Mapanganib kung iwawaglit sa memorya na ang UP ay nakararanas din ng mga suliranin. Na hindi mabubura ng magagarbong pagdiriwang.

No comments:

Post a Comment