Friday, November 30, 2012

Lihim (multiply post, May 23, '12 9:14 AM)

labis na ang kanyang pagtitiiis na huwag isiwalat
ang kanyang nalalaman, at maging sa mga karaniwan
niyang gawain ay ginagambala siya ng mga pangitain
at alaalang kipkip niya sa mahabang panahon.
siya na inatasang isilid sa kanyang gunita
ang mga lihim ng kanilang lahi. sa oras na
ito ay mabunyag, kapahamakan ang lalapit sa kanyang
mga kababayan. ayaw niyang humantong sa malagim
na wakas ang kanilang kasaysayan at kabihasnan.
ngunit sadyang napakabigat na ng kanyang dalahin.
lumisan siya isang araw at inakyat ang tuktok
ng pinakamataas na bundok ng kanilang mundo.
naroon ang isang matandang puno na kung tawagin
ay Methuselah. umukit siya roon ng isang maliit at malalim
na butas at doon niya ibinulong, ibinuhos ang lahat
ng lihim ng kanilang lipi. saka siya dumura sa lupa,
hinalo ang laway at lupa’t tinakpan ang butas
na iyon ng putik. lumulutang siya sa hangin
habang bumababa sa bundok na yaon.
hindi na niya nasaksihan ang unti-unting pagpanaw
ng mga dahon ng punong Methuselah.

05/11/2012

No comments:

Post a Comment