Naroon pa rin ang concern ko sa kanya at alam niyang higit pa roon ang gusto kong sabihin.
Disyembre. Ito ang buwang inaabangan ko. At gusto ko ring iwasan, kung maaari.
Inaabangan,
hindi dahil sa Pasko. Oo, masaya ang Pasko pero hindi na ako ang
nabibigyan. Ako na ang nagbibigay. Hindi naman sa maramot ako.
Mahirap lang talagang kumita ng pera, lalo na sa panahong ito ng global
financial crisis. Kaya pati ang mga pulubi mahihirapang maambunan ng
pera ngayong Pasko.
Iwasan, kung maaari. Sa buwang ito nangyari ang mga bagay na gusto kong sariwain. Nostalgic, kung baga. At pati ‘yung mga dapat kinalilimutan na. Na gusto kong mabago.
Kaarawan
ni Lyn. Pero hindi ko kayang mabati man lang siya. Gusto kong iabot
nang personal ang regalo para sa kanya. Alam ko ang bahay nila dahil
nagpunta na ako roon noong isang Pasko. At iyon ang Pasko na tinawagan
ko siya. Sinabi niyang hindi ako gusto ng nanay niya, lalo na’t hindi
ako nag-po at opo. Dugtong pa niya, “Ayaw na kitang makita!”
Isang
taon matapos iyon, nagpatulong ako kay Mon para makarating kay Lyn ang
regalo. Si Mon din ang humarap kay Lyn. Nasa kanto lang ako ng kalsada,
nagtatago, dahil baka galit pa rin si Lyn sa akin. “Hinahanap ka niya,”
sabi ni Mon. Ayaw kong humarap. Ibinibigay ni Mon ang number ni Lyn.
Hindi ko kinuha. Kung magkikita kami, magkikita kami, sabi ko. Pero sa
loob ko’y natutuwa ako’t nakarating kay Lyn ang regalo. Isang kopya ng Little Prince at isang DVD ng Windstruck.
Kinabukasan,
nagsisimba ako kasama ang mga kaibigan, napansin ko si Lyn na
paparating. Hindi ko alam kung saan ako pupunta huwag niya lang ako
makita. Mabuti na lang, madilim sa lugar namin at hindi niya ako
napansin. Pero, pagkatapos ng misa, nakita niya ako at hindi na ako
makaiwas. “Thank you sa gift,” sabi niya.
Kumusta
ka na, sabi ko. Maayos naman siya. Naroon pa rin siya sa trabaho niyang
inaabot ng alas dos o alas tres ng umaga ang uwian matapos lang ang
reports ng isang oil company. Dito ko siya sinusundo kahit ayaw na ayaw
niya. Ako lang ang mapilit. Nag-aabang ako roon hanggang sa uwian nila.
Alam kong malabo ang patutunguhan ng panunuyo ko pero ang nasa isip ko’y
baka kahit katiting ay may pag-asa.
Nasabi ko sa kanya noon na unfair labor practice ang nangyayari sa kanila dahil 8pm
pa magsisimula ang kanilang overtime pay. “Hindi naman kasi ako tulad
mong aktibista,” sagot niya. Hindi naman ito isyu ng aktibismo o anuman,
balik ko.
“Gusto
ko na ngang mag-resign,” sabi ni Lyn. May malilipatan ka na ba, tanong
ko. “Wala pa,” sabi niya. Mahirap iyan lalo na’t dalawa lang kayo ng
Nanay mo, sabi ko. Tiyaga na muna, Lyn, dugtong ko. Naroon pa rin ang
concern ko sa kanya at alam niyang higit pa roon ang gusto kong sabihin.
At
nasabi ko na iyon sa kanya. Sakay kami ng bus pauwi mula sa Ortigas.
Sinabi kong hindi mahalaga sa akin ang kanyang nakaraan. Pero nakatingin
siya sa labas ng bintana.
Nakita siya ng mga kaklase niya at nagkumustuhan sila. Sinabi pa ng isa, “O, ingatan mo si Lyn.” Napangiti lang ako, at iyon naman talaga ang gusto kong mangyari. Sabay kaming lumabas ng simbahan at nag-abang nang masasakyan.
“Huwag mo na akong ihatid sa ‘min, ha?” sabi niya. Okay, tugon ko. “Salamat sa gift,” nakangiti niyang sinabi.
Iyon ang huling ngiti niyang nakita ko bago siya sumakay ng tricycle. Hanggang ngayon.
*nalathala sa Philippine Collegian, Tomo 86 Isyu 18
http://lvbamante.multiply.com/journal/item/19
No comments:
Post a Comment