ni Rolando B. Tolentino
PUBLISHED ON August 2, 2009 AT 1:47 PM
http://www.bulatlat.com/main/2009/08/02/cory-dilaw-at-iba-pang-paglisan/3/
Nabuhay
akong nagkaroon ng politikal na kamulatan sa kasagsagan ng diktaduryang
Marcos. At bahagi ng kamulatang ito, ang pag-challenge ni Cory Aquino
sa diktadurya. Bago siya pumasok sa asasinasyon ng kanyang asawang si
Ninoy, isinumpa raw ang henerasyon namin—“ang martial law babies”—na ang
tangi naming pangulong makikilala ay si Marcos, at matapos, si Imelda.
Matingkad ang alaala ni Cory dahil tunay itong masigasig sa
anti-diktaduryang pakikibaka. Ilang beses ko itong nakitang magsalita sa
De La Salle, at mga rali sa Ayala. Halos abot-kamay lamang sa mga
pagkakataong ito dahil tunay naman ang simpatya ng karamihan ay sa
balong umako ng pakikipaglaban ng kanyang asawang politiko. Hindi pa
siya politiko noong mga panahon ito, at maningning ang sinseridad niya
sa adhikaing pagbabago.
At dilaw ang kanyang kulay, na pakutya
ni Imelda ay nagpapaalaala raw sa kanya ng jaundice, o ang paninilaw ng
balat at mata. Sa pananaw ng Marcoses, si Cory ay isang sakit na
mawawala rin. Pero nagkamali sila dahil kumapit ang mga tao kay Cory
bilang representatibong figura ng pagbabago sa pamunuan at sistema. Ito
ang panahon na daan-daang libo ang mga tao kapag nagpatawag ng rali sa
Liwasang Bonifacio.
Umuulan ng yellow confetti (putol-putol na
pahina ng Yellow Pages lang naman, na isa ring pagkadismaya sa kawalan
ng kalidad ng serbisyo ng PLDT, ang may monopolyo sa linya ng telepono)
sa Ayala Avenue. Pati ang rali ng YS (youth and students) ay dinudumog.
May atraksyon na lumabas sa kalye, hindi nakakasapat ang kaalamang
itinuturo sa eskwelahan, at ang tunay na pag-aaral ay nasa labas ng
klasrum.
Ang mantra sa YS noon ay “do not let the classroom
interfere with your education.” Masigla ang produksyon ng
kontra-kulturang anti-diktadurya ng panahong ito. Ang kaibigang skolar
si Joi Barrios ay gumawa ng kanyang masteral thesis ukol sa pagiging
manggagawang pangkultura sa panahong ito. Dito kami unang nagkakilala,
at marahil, kahit nasa ibang bansa kami ay patuloy pa rin ang
pakakaibigan at paninindigan.
Hindi lang naman si Cory ang
dahilan ng masigabong kilusang masa sa panahon ng diktadurya. Hindi
naman pamalit-personalidad lang ang hinahanap ng mamamayan sa panahong
ito. Na kahit ang biruan na kapag aso ang lumaban sa eleksyon kay
Marcos, mananalo ang aso, ay hindi naman nangyari na natalo si Marcos.
Sa snap elections ng 7 Pebrero1986, si Cory ang asong tumalo kay Marcos.
Na kahit sa ofisyal na bilangan ay nanalo si Marcos, ang kapangyarihan
ni Cory na nagpatawag ng civil disobedience at people power ang siyang
nagpaluhod sa diktadura.
Nais kong alalahanin si Cory sa
bookends—simula at pagtatapos—ng politikal na buhay nito. Impit at
monotono ang boses pero milyon-milyon ang nakikinig sa kanya, kahit
paulit-ulit ang kanyang kwento at walang kapaguran na sinasambit na
“Tama na, sobra na, palitan na” ang Marcoses. Nang siya ay manungkulan,
maraming kahinaan at kasalatan si Cory. Bumalik ang kumpiyansa ko sa
kanya sa panahon ni Gloria Arroyo at ang kanyang di matatawarang
bottomline—kailangang mag-resign si Arroyo, kailangan labanan ang
panunumbalik ng tiraniya.
May tumawag sa akin na nagtratrabaho
sa stasyon sa telebisyon, gusto raw akong interbyuhin ukol sa kulturang
popular ni Cory. Tinanggihan ko dahil sa pananaw ko, hindi ba’t sila
dapat ang nagsasaliksik nito? Na kalakhan ng karanasan ko sa panayam ay
pagsagot sa mga general kundi man pointed na tanong, na kundi ginagamit
ka lang bilang resource person ay gusto kang gamitin bilang taga-bigay
ng soundbytes sa kanilang nabuo nang argumento.
Iba ang
kulturang popular na dulot ng popularidad ni Cory. May Cory dolls na may
marka ng personahe nito: nakadilaw na damit, nakasalaming malapad,
naka-L ang daliri. May Australian television mini-series hinggil sa EDSA
uprising, si Tessie Tomas ang gumanap na Imelda at si Laurice Guillen
bilang Cory. Nang mag-Oscar awards ilang buwan matapos ang EDSA, binati
ni Jane Fonda ang Pilipinas at nag-L sa harap ng bilyong manonood.
Parating pinagtatapat ang dalawang babae ng panahong ito, na tunay
namang maa-outlive ang kanilang mga asawa. Labanan ng mga balo, at sila
ang magpapahiwatig kung ano ba tayo bilang bansa. Sa figura ni Imelda,
ang kultura ng amnesia na makakapanumbalik sa kapangyarihan kundi man sa
limelight ang dating kalahating bahagi ng pinaka-corrupt na pamunuan sa
mundo. Hindi ito masasakdal sa anumang krimen hinggil sa ill-gotten
wealth, makakapag-party pa rin ito—bawas nga lang sa mga international
celebrity well-wishers—na parang hindi ito naghihirap o nahihirapan.
Nananatili siyang “puta-puta” sa henerasyong nakatunghay sa diktadurya.
Sa mga hindi, ang Marcoses ay si Imeldang ikonikong lumabas sa t-shirts
na parang si Che Guevarra, o si Borgy Manotoc, ang bad-boy pero model
na socialite (pwede pala itong identidad). Si Cory naman ay ang kultura
ng pagpiling tignan lang siya sa isang dimesyon, bilang isang santa.
Na parang siya si Joan of Arc na hinango tayo sa diktadurya, at
ibinalik ang demokrasya. O birhen na dinadambana dahil siya mismo ay
isang relihiyosong Katoliko. Ang one-dimensional woman mode kay Cory ang
nagpalabo ng mga detalyeng makapanghuhusga sa tunay niyang kontribusyon
sa kasaysayan.
Hindi maaalaala si Cory sa kanyang mga
kapalpakan sa mismong yugto ng kasaysayang ipinagkaloob sa kanya—hindi
niya ito binago, pinaigting niya ang paghahari ng ibang faksyon ng
namamayaning sistema, inihanda niya ang bansa sa “shock therapy”
magja-jumpstart sa paglahok ng bansa sa imperialistang globalisasyon.
Lalo na sa kanyang lamay at libing, pasiyam at 40th day, si Cory ay
maalaala lamang sa kanyang one-dimensional na pagkatao.
Na isa
pa ring uri ng pambansang amnesia—na ang mga santo at mandirigma nito,
tulad din ni Manny Pacquiao, at mga sumikat sa ibang panig ng mundo,
sina Lea Salonga, Arnel Pineda at Charice Pempengco, ay walang
ginagawang masama. Tanging sa positibo lang sila piniling alalahanin sa
kolektibong imahinasyon. Si Cory ang bayaning hindi pa napapanahong
itumba. Kung si Marcos nga ay dinadakila na sa textbooks ng kasaysayan
bilang modernizer ng bansa, paano pa ang negation ng katiwalian ng
administrasyong Cory?
Hindi binabanggit ang paglipat ni Cory ng
ekonomikong yaman na kinamkam ng Marcos sa dati nitong may-ari. Na kahit
nga ang kontrobersyal na Meralco na inulat na naibenta naman daw bago
pa man ideklara ni Marcos ang martial law ng 1972, ay muling nabalik sa
mga Lopez. Dispalsipikado ang napasang agrarian reform law dahil sa
napakalaking butas na nagpapahintulot ng land conversion (gawing
subdivision, mall, golf course at special economic zone, at kung ganito,
exempted na), at corporaticization (bigyan ng papel na shares ang
magsasaka imbes na lupa).
Hindi binago ang ekonomikong sistema
sa higit pang kabutihan nang nakararaming nasa abang lagay na nakibaka
para sa kanyang tagumpay. Bagkus, maraming kalabisan sa pambansang
kalagayan sa kanyang panunungkulan ang sinabing pamana kasi ng mahabang
panahon ng diktadurya. Naalaala ko ang kalahating araw na brownouts
araw-araw, kundi man gabi, dahil luma na ang turbines at nilusaw niya
ang departamento ng enerhiya.
Naalaala kong ilang ulit na
nagpahukay, nagpakabit ng tubo, muling nagpahukay at nagpakabit ng
bagong tubo ang nanay ko dahil sa kasalatan ng supply ng tubig. Kulang
ang supply kahit may pambayad dahil sa lawak ng saklaw ng kawalan ng
tubig. Marami sa mga batas ng pribatisasyon na maaproba sa panahon ni
Fidel Ramos ay nakonseptwalisa sa panahon ni Cory.
Ang pagbuwag
sa monopolyo ng PLDT, at pagpasok ng iba pang telecom companies ay
nasimulan sa administrasyon ni Cory. Pero hindi nito binitiwan ang
na-sequester na mga kompanya ni Marcos at cronies nito, malaki ang tubo
rito. Ito ang shock therapy (na galing sa Shock Doctrine: The Rise of
Disaster Capitalism, 2007, ni Naomi Klein) na sa panahon ng matinding
pambansang ligalig ay nailulusot ng gobyerno ang pinakamatinding bigwas
ng neoliberalisasyon.
Maraming pagbanggit sa Pilipinas sa
panahon nina Marcos at Cory ang bahagi ng shock therapy. Sa
pinakamatinding yugto ng panunupil sa mamamayan ni Marcos, higit nitong
naipatupad ang mga polisiya ng IMF-World Bank. Imbes na baguhin ni Cory
ang kalakaran, kahit nagkaroon ito ng pagkakataon sa maagang yugto ng
panunungkulan, malinaw na ipapatupad niya at palalawakin pa ang mga
kasunduan ni Marcos. Patuloy ang pagbabayad ng utang sa Bataan Nuclear
Power Plant, isinabatas ang pag-peg ng debt-servicing sa pambansang
budget, mga bagong taxes at utang na pagkukuhan ng pondo ng
administrasyon ni Cory.
Dagdag pa rito, pinalawak ni Cory ang
suporta sa naghaharing faksyon ng militar, pinolitisa rin ito, gaya ng
gawa ni Marcos, para sa pagtataguyod ng politikal na interes ng bagong
naghaharing elite sa kanyang administrasyon. Ang pagbe-baby sa militar
ay nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan, lalo na sa termino ni Arroyo.
Marami ring kaso ng paglabag sa karapatang-pantao sa administrasyon ni
Cory, bigwas ng pag-“unleash” ng “sword of war” nito laban sa pambansang
demokratikong kilusang sumuporta sa kanya.
Namutiktik ang
kanayunan sa mga grupong vigilante na drinadramatisa sa pelikulang
Orapronobis (Lino Brocka, 1989), na bahagi pa rin na supilin ang
pangunahing daluyan ng militanteng pakikibaka sa bansa.
Naging dilawan
ang pambansang pamamalakad: dilawan na unyonismo, dilawan na peryodismo,
dilawan na politika na ang pangunahing layunin ay pahinain ang kilusang
masa at palaganapin ang neoliberalismo ng pambansang ekonomiya.
Ang sinasambit na kasalanan ni Cory sa kanyang panunungkulan ay ang
pag-miss out sa kasaysayan, na pwede na sana niyang baguhin, pero hindi
niya lubos na ginawa, kinabig muli sa pagpapanatili ng bangkaroteng
sistema. Bahagi siya ng paglikha ng continuum ng disenyo ng paghahari ng
Arroyo, ang matingkad na kaibahan nga lang, ang batayan ng paghahari ng
huli sa lantarang tiraniya.
Sa kaso ni Cory, nag-comeback pa
nga ang dispalsipikadong agrarian reform nito sa Hacienda Luisita
massacre 2004. Sambit ng mga administrasyong politiko kay Arroyo,
“history will be kind on her.” Hindi ito totoo, kahit makapag-comeback
pa ito, tulad ng Marcoses, hindi lubos ang pagbabalik. May naiiwan na
hindi kasing ningning ang magiging comeback. Ang kasaysayang mapagpasya
ay ang kasaysayang nakapagpabuti sa lagay ng nakararaming mamamayan. Na
hindi sila ginamit lang para sa pagmimintina ng politika ng naghaharing
faksyon, kundi na may sinseridad na iangat sila sa pangkasaysayang
kinasasadlakan.
Ito o ang dustpan ng kasaysayan.
(Bulatlat.com)