Showing posts with label national artists. Show all posts
Showing posts with label national artists. Show all posts

Tuesday, September 28, 2021

Isang mataas at maalab na pagpupugay sa iyo, Sir Bien!

Ang may-akda at si Likha kasama si Sir Bienvenido Lumbera (nasa kanan) sa auditorium ng Miriam College, 2014.

Dalawang ulit kong naging guro si Sir Bienvenido Lumbera sa graduate courses sa UP Diliman. Pero wala akong larawan kasama siya. Ang mayroon lang kami ay ang kuhang ito ni Margie noong 2014 sa π‘―π’Šπ’π’‚π’ƒπ’Šπ’π’ˆ π‘―π’‚π’“π’‚π’šπ’‚ ng The Raya School na ginanap sa auditorium ng Miriam College sa Katipunan Avenue, Quezon City. Sa Raya pa noon nag-aaral ang dalawa niyang apo.

Una kong nakausap si Sir Bien noong 2003 sa isang event ng Concerned Artist of the Philippines. Di ko na maalala ang naging talakayan. Pero naalala kong kipkip niya ang isang maliit na aklat na ang pamagat ay π‘€π‘Žπ‘œ π‘œπ‘› πΏπ‘–π‘‘π‘’π‘Ÿπ‘Žπ‘‘π‘’π‘Ÿπ‘’ π‘Žπ‘›π‘‘ π΄π‘Ÿπ‘‘ nang akin siyang kausapin.

Sumunod ay sa La Salle-Manila, 2008. Nakabilang ako noong 2006 sa Departamento ng Filipino dito. Inilunsad noong 2007 ang Seryeng Panayam 2007-2008: Bienvenido Lumbera. Isa ako sa sampung nagsalita sa seryeng panayam na ito. Naging paksa ko ang omnibus na pelikulang π‘°π’Žπ’‚π’‰π’†π‘΅π’‚π’”π’šπ’π’ (2006) gamit ang naging mga pagdadalumat ni Sir Bien ukol sa pelikulang Filipino. Binanggit ko ritong ang bawat maikling pelikula sa π‘°π’Žπ’‚π’‰π’†π‘΅π’‚π’”π’šπ’π’ ay binubuo ang imahen ng nasyon sa loob ng 20 taon matapos ang pag-aalsang Edsa 1. Isa ang aking maikling lektura na nagpaparangal sa mga naiambag ni Sir Bien sa kritika ng pelikulang Filipino bukod pa sa wika at panitikan. Marso 2008 ay nagbigay siya ng omnibus na tugon para sa sampung panayam. 

Naging pormal na akong estudyante ni Sir Bien noong 2013 at 2018. Parehong mga penalty course ko sa graduate school. Mga dalawang meeting lamang ang kanyang lektura tapos kami namang mga estudyante niya ang mag-uulat. Kapag hindi ka handa, naku po, masasabon ka nang wala sa oras! Uuwi kang hindi nabanlawan! Sa una kong salang, hayun, nakaranas ako. Sabi ko sa sarili, babawi ako. Sa ikalawa, naibigay ko rin ang hinahanap niya sa pag-uulat ng paksa. May isang klase ako sa kanya na tatlong papel agad ang ipapasa. Paspas na pagsusulat. Araw na ng pasahan: pasa na. Paglipas ng isang linggo, nagkita na ulit kami sa klase. Isinauli niya ang mga papel namin. Tatlong 1.0 ang natanggap ko. Bawing-bawi na ako! πŸ™‚

Sa gitna ng mga ito ay pagkikita namin sa ilang mga forum, book launching, at ang minsang panonood sa "Rak of Aegis" sa PETA Center.

Ang huling kita ko kay Sir Bien ay noong huling bahagi ng 2019 sa isang event sa UP. Sabi ko'y malapit ko nang matapos ang aking graduate thesis. Sabi niya, "Mabuti naman at nang makapag-research ka na ng gusto mo. Marami pang kailangang i-research." Ang simpleng tugon ko: Yes, Sir!

Pumanaw si Sir Bien kaninang umaga (Setyembre 28, 2021). Pakikiramay sa kanyang minamahal na pamilya. Pati na rin sa mga naging estudyante niya at kasama sa pakikibaka tungong panlipunang katarungan.

Isang mataas at maalab na pagpupugay sa iyo, Sir Bien!

Monday, July 7, 2014

Nililigalig at Nanliligalig

Ngayong batbat ng dungis ang politika ng administrasyong Aquino, mula PDAF hanggang DAP, gayon din ang nagaganap sa larangan ng kultura at ng edukasyon.

Una, pinopolitika ang larangan ng sining, partikular sa usaping National Artist Award para kay Nora Aunor na hindi inaprubahan ng Pangulong Aquino. Tulad ng sabi ng isang rayter sa Inquirer, "It is a Presidential Award." Tama naman ang kanyang argumento. Subalit may "National" doon sa National Artists. Samakatwid, may usapin ng pagkabansa ang gawad na ito, kaya may titingalaing alagad ng sining ang bansa dahil sa taglay niyang galing sa sining. At hindi dahil sa adik siya sa droga dati.

Sabi rin ng rayter, bakit ngayon ay napag-uusapan na sa media maski ang nominasyon na dati naman ay hindi pinapansin ng mga diyaryo, TV, at radyo? Ang ganitong obserbasyon niya ay malinaw sa kanyang pinanggagalingang posisyon: elitista. Katulad niya ang Pangulong Aquino sa makitid na pananaw ng huli sa larangan ng sining at kultura ng bansa.

Bukod pa rito, bakit ang mga grupong pansining ay walang inilalabas na pahayag ukol dito? Halos tahimik ang mga grupong panteatro at pampelikula. May mga indibidwal nang personalidad na pumosisyon panig kay Nora Aunor. Ngunit mas magiging matingkad ang panawagan kung magkakaisa ang mga nasa industriya ng pelikula at teatro para kay Nora Aunor.

Ikalawa, pinopolitika ang larangan ng edukasyon, partikular sa usaping pag-alis ng mga kursong Filipino sa kolehiyo. Malinaw ang tunguhin ng edukasyon ng ating bansa ngayong panahon: skills oriented. Wala na ang dati'y holistic, responsible, proud Filipino na mabubuo mula sa mga mag-aaral na Pilipino. Hindi naman dahil ginagamit na sa komunikasyon sa bahay at sa komunidad ang Filipino ay sapat na ito. Malinaw sa Konstitusyon (Art. XIV, Sek. 6 hanggang 9) na dapat malinang ang wikang pambansa. At ang isang facet para dito ay ang edukasyon. Samakatwid, dapat ay may Filipino sa kolehiyo. Hindi lang ito bilang midyum ng pagtuturo kundi bilang disiplina/larangan.

Marami-rami nang kumontra sa balaking ito ng Comission on Higher Education (CHEd). Nagkakasundo ang mga guro ng Filipino sa kolehiyo na dehado sila sa ganitong set-up. Na hindi sila kinonsulta man lang. Nasa balag ngayon ng alanganin ang mga guro ng Filipino sa kolehiyo. Sa kolokyal na wika, iniwan sila sa ere.

Pumoposisyon ngayon ang mga guro kontra dito. Malinaw iyan, walang duda. Pero mabagal o halos wala ang mga pangkat ng mga manunulat, sa panitikan man o sa peryodismo. Maski ang mga grupong nakabase sa mga pamantasan, halos tahimik sa usaping ito. Nakalulungkot na kahit statement of unity o manifesto ay walang nasisilayan mula sa kanila. Pero dapat ding lampasan nila ang paglalabas lamang ng mga pahayag at polyeto.

Kung ang mga nasa larangan ng kultura at edukasyon ngayon ay nililigalig, dapat tumbalikin ito at sila naman ang manligalig.

Friday, November 30, 2012

Si Mang Dolphy at ang National Artists Award (multiply post, Jul 19, '12 6:51 PM)

(Nagsimula lang ito bilang isang status update sa aking Facebook account. Pero pinahaba ko na't ginawang sanaysay para madaling mahanap sa aking Facebook. At narito na rin sa aking multiply account.)

Nakikiramay ako sa mga iniwan ni Comedy King Dolphy. Alam kong nangungulila ang sambayanan sa paglisan ng isang cultural icon nitong Hulyo 10 ng gabi. Maging ako'y ilang beses napatawa sa mga kalokohan ni John Puruntong, ni Kevin Cosme sa pelikula at telebisyon.

Ngunit, kung maaari lamang po, huwag na munang ungkatin ang National Artist Award (NAA) na hindi iginawad kay Mang Pidol. Mismong siya na ang nagsabi noong nabubuhay pa siya, "Kung ibibigay sa akin, tatanggapin ko. Kung hindi, okay lang naman." Nagmumukha kasing tanga ang mga nakikisawsaw dito, lalo na ang mga resolusyong inilalatag sa Senado at Kamara.

Bakit? Una, may prosesong sinusunod ang paggawad nitong NAA. Ito'y para maiwasan ang naging "patronage politics" sa larangan ng sining ng mga taong 1972 hanggang 1986. Pagkapalit ng administrasyon, ginawang demokratiko ang pagpili ng mga posibleng gawaran. Nasa kamay ito ng mga artist at academician na kung tawago'y Council of Peers. Kung hindi alam ng mga nakikisawsaw ang salitang peer, may diksyunaryo kahit saang sulok ng bookstore, lalo na sa mga iPod nila. At doon tayo mag-nominate ng gusto nating maging National Artist. Kung nakapanghihinayang na hindi ito nakuha ni Dolphy samantalang buhay pa siya, i-nominate na rin natin sina Vic Sotto, Piolo Pascual, Judy Ann Santos, Michael V., at iba pa. Walang dudang magagaling silang aktor. Buhay pa sila, di ba? Gawaran na ng NAA. Si Jose Abueva nga, nasa kanyang 40s nang bigyan ni Madam Imelda Marcos ng NAA.

Ikalawa, tinitimbang ang gagawaran sa kalidad ng kanyang body of work. Suhetibo ito, sa isang banda, pero huwag na huwag ikokomento ang moral na aspekto ng mga ito. Na dapat may laging may moral lesson ang mga gawa niya, lalo pa ang naging buhay ng artist. Kung ito lang ang pagbabatayan, laglag na si Mang Dolphy. Case closed.

Ikatlo, hindi ito usapin kung patay o buhay ang gagawaran. Si Fernando Amorsolo nga, patay na nang gawaran siya noong 1972 bilang unang National Artist. Wala nga namang kapantay ang ligayang matanggap ang NAA habang buhay pa ang artist na gagawaran. Kung hindi pa rin ito naiintindihan, balikan ang una kong punto.

Ikaapat, ayusin muna ng Supreme Court ang status quo ruling nito ukol sa 2009 NAA.

Ikalima at huling punto, hindi lang NAA ang may problema, pati ang GAMABA o Gawad Manlilikha ng Bayan, hindi na nasundan mula 2005. Pwede bang pati ito pansinin ng mga maykapangyarihan. Sa halip na ipautang ang $1 bilyon natin sa International Monetary Fund, bakit hindi ipagkaloob ang bahagi nito sa mga artist at cultural worker ng Pilipinas?
 
In short, rest in peace, Mang Dolphy. Saka ka na namin gagambalain kapag iginawad na sa inyo ang National Artist Award/Gawad Pambansang Alagad ng Sining.

07/12/2012
Quezon City

Saturday, November 24, 2012

Ang aking Panig sa Isyu ng National Artists 2009 (multiply post, Aug 10, '09 1:56 PM)

Marami nang naglabasang balita tungkol sa pinakahuling batch ng National Artists (NA) na pararangalan ngayong taon.

Mula sa apat na sinabmit ng Cultural Center of the Philippines at National Commission for Culture and the Arts (NCCA), isa ang nilaglag at apat ang idinagdag ng Pangulong Arroyo sa listahan. Natigatig ang marami sa mga artista ng bayan sa ganitong pangyayari. Kung kaya nagprotesta sila sa pamamagitan ng Internet. Pati ang mga nauna nang pinarangalan ay naghihimutok din sa nangyaring dagdag-bawas.

Matigas naman sina Cecile Guidote-Alvarez (Teatro) at Carlo J. Caparas (Pelikula at Sining-Biswal) sa kanilang pagsagot sa mga pumupuna sa kanila. At kakatwang ang pahayag ni Vilma Labrador ng NCCA ay ganito: "However, she said, there are some nominees that are also submitted to the President coming from some entities or personalities which have vast knowledge on whose artists that need to be given awards." Mababasa ang pahayag sa http://balita.ph/2009/08/06/no-violation-of-law-in-the-selection-of-national-artists-ncca-chair-says/

Sino kaya ang mga taong itong may vast knowledge? Ibig sabihin ba nito'y hindi maalam ang mga nasa komite na pinili ng CCP at NCCA na unang kumilatis sa kung sino ang dapat na tanghalin na NA? Maituturing palang tanga ang mga NA na kasama sa mga komiteng ito. Kawawa naman sila, matatanda na nga, wala pala silang pinagkatandaan matapos nilang lumikha at maging mahusay sa loob ng mahabang panahon.

Dapat ilabas at ipakilala ng MalacaΓ±ang kung sino-sino ang mga taong itong may vast knowledge at naisipang magsingit ng dagdag na NA. Kung sa isyu ngayon ng mahigit isang milyong pisong dinner sa New York ng RP delegation na kasama ng Pangulong Arroyo nitong buwan ay mabilis ang pagtanggi at pagsagot, bakit sa isyu ng NA ay nananatili silang tahimik?

Pahabol: Walang nagrereklamo kung maging NA sina Pitoy Moreno (Fashion Design) at Francisco “Bobby” MaΓ±osa (Arkitektura) dahil dapat naman silang parangalan.