Wednesday, November 21, 2012

(A)Politika (multiply post, Feb 6, '09 1:13 PM)

Bakit ba napunta sa UP ang batang ito nang hindi man lang nagbabasa at nakikinig?


Natapos na ang pagboto natin ukol sa Codified Rules on Student Regent Selection (CRSRS) referendum, kung pabor pa ba tayo o hindi rito. At habang sinusulat ang kolum na ito, nag-aabang tayo sa magiging resulta.

Mababanggit ko rito na may mga pangkat na nasa panig ng Yes at ng No. Naging mainit na usapin ito sa loob ng mga kampus ng UP, pati sa Multiply. Kesyo ang pagboto ng Yes ay isang bulag na pagsunod na status quo at isang kabobohan ang pagboto ng No. Madali lang naman ang sagot dito: aralin ang kasaysayan ng pagkakaroon ng SR sa Board of Regents (BOR). At mula rito’y tingnan natin ang nagawa ng mga SR hanggang sa kasalukuyang si Hon. Shahana Abdulwahid.

Mahalagang tungkulin ang nakapasan sa isang SR dahil siya ang inaaasahan nating magtatanggol sa mga mag-aaral sa anupamang polisiyang ipapatutupad ng BOR. Subalit dapat banggitin ritong ang SR ay hindi lang para sa mga mag-aaral. Mangyari pa’y bitbit din niya ang isyu ng mga non-academic employees, manininda, at kahit ang tinaguriang “informal settlers” sa mga lupain ng UP. Wala naman kasi silang kinatawan sa BOR kaya ang SR na ang umaako niyon. Kaya napakahalaga rin ng nakaraang CRSRS referendum para sa mga sektor na ito.

Nakaaawa nga lang ang ilang estudyanteng hindi nakaboto, lalo na iyong mga hindi bumoto. Dahil panahon ng midterms kaya subsob sila sa karerebyu. Pinakakaraniwang rason ito. ‘Yun nga lang, pinakamatagal na ang isang minuto na pagtagal sa polling precint para sa referendum. May naringgan nga akong mas nanaisin pa niyang mag-aral kaysa bumoto sa isang bagay na hindi niya alam. Hindi pala niya alam ang CRSRS. Ang ibig sabihin lang nito, hindi siya nagbabasa ng mga poster sa bulletin boards sa AS, sa CS, sa CAL, saanmang kolehiyo (Bakit ba kasi tinanggal ang bulletin boards sa mga sakayan natin?). Hindi siya nakikinig sa mga naga-RTR na mga pangkat, mapa-Yes o No man iyan. Hindi rin siya nagbabasa ng KulĂȘ o ng college paper nila (Ilan nga bang college paper ang aktibo pa sa Diliman?). Bakit ba napunta sa UP ang batang ito nang hindi man lang nagbabasa at nakikinig?

Karaniwan nang sinasabi na nasa UP ang pinakamagagaling na mag-aaral. Magaling ka nga sa akademiks, walang duda. Pero kung hanggang diyan lang, dapat iyang lampasan. Nakasasawa mang pakinggan, ngunit totoong iskolar tayo ng bayan. Buwis ng sambayanan ang nagpapaaral sa atin. Kung bakit naging P1000/unit ang dating P300/unit ay hindi ko na masasagot. Nagpabaya kaya ang maraming UP students ng nakaraang tatlong taon?

Naaalala ko ang akdang “Kuwentong Alay sa isang Kuwago.” Isang propesor ang subsob sa kanyang saliksik habang nagbabarikada ang mga estudyante sa checkpoint. Pakikiisa ito sa mga tsuper at pagtutol sa pagtaas ng P0.02/litro ng diesel, mula sa P0.29 patungong P0.31. Lumusob ang Metrocom upang buwagin ang barikada. Nagpaputok sila. Pinagbabato sila ng mga estudyante gamit ang mga bato’t silya. Idineklara nilang isang malayang komunidad ang Diliman noong Pebrero 1971. Tumagal ang barikada ng ilang araw. Subalit ang propesor, walang pakialam sa labas. Nakakulong siya sa kuwarto para sa saliksik.

Mag-aapat na dekada na iyong Diliman Commune. Tila malayo sa hinagap pero naganap. Sa solidong hanay ng mga estudyante, may ibayong lakas na sumiklab. Sa panahon ngayon, hindi maaari ang pagkakawatak-watak. Kung isang institusyong mag-aaral ang nasa panganib, sino ba ang dapat magligtas nito?

Nagpapasalamat ang manunulat kay Dr Fanny Garcia para sa maikling kuwentong binanggit; kay Prop. Reuel Aguila para sa datos ukol sa Diliman Commune. 

*Nalathala sa Philippine Collegian, Tomo 86, Isyu 24

No comments:

Post a Comment