Showing posts with label soneto. Show all posts
Showing posts with label soneto. Show all posts

Monday, February 4, 2013

Kung Sakaling Malagot Itong Ating Pag-ibig



Kung sakaling malagot itong ating pag-ibig,
Susuong tayo bawat sandali ng ligalig,
Hihimlay sa pastulang karayom ng tag-init,
Ngangatngat ng kalansay, malalagim na tinik.

Itong ating pag-ibig kung sakaling malagot,
Inipong alaala di agad malilimot;
Pagtatagpo tuwina’y naiibsan ang pagod
At sabay naapuhap ating labas at loob.

Malagot itong ating pag-ibig kung sakali,
Titipirin ang antok, pupuslit sa pusali,
Magkukubli hanggang sa pumuti ang labi
At magising na lusaw ang dila ng salapi.

Kung sakaling malagot itong pag-ibig natin,
Pinid ang ating puso sa gayong pangitain.


02/04/2012