Showing posts with label love poem. Show all posts
Showing posts with label love poem. Show all posts

Tuesday, September 19, 2023

Hindi pamamaalam ang paglisan

Hindi pamamaalam ang paglisan
Hindi pamamaalam ang paglisan.
Iyan ang aking natatandaan
mula pa nang iwan ako ng aking alaala.
Sumakay ito ng bangka,
sinagupa ang mararahas na alon,
nakarating sa papalubog na araw,
namahinga sa piling ng kaylamig na gabi.
Ako naman, pabiling-biling
sa higaan, nakapagkit ang mga mata
sa kumukurap na kisame.
Isang araw, tinungo ko ang dagat.
Bumabati ang mga unang silahis
ng umaahong araw.
Humahalik sa mga paa
ko ang mabibining alon ng aking anino.
 

09/19/2012

Friday, October 19, 2018

Babasaging Liyab

Larawan mula sa https://lifeconfusions.files.wordpress.com/2013/10/hand_of_fire_by_qzr1.jpg

Babasaging Liyab
ni Louise Vincent B. Amante

natupok
ng babasaging liyab
ang gulanit na palad
sa sulok
na inaamag, isip
ang di pa makaidlip.

naidlip
ang inamag na sulok
agad-agad natupok,
gulanit
ang babasaging liyab, 
sugatan pati palad.

19 October 2018
Pasig City



Monday, July 30, 2018

Dalawang Tula

Panaginip*

Nagising akong wala 
ka sa aking tabi. 
At naging basag na salamin
ang ating higaan.

Dagli akong bumangon. 
Inapuhap ka sa labas ng bahay. 

Nilakad ko ang kalsadang 
puno ng makikintab na bubog.

Nakarating ako sa kalapit na ilog. 
Nagniningning ang mga basag nitong alon.

At naroon ka sa kabilang pampang. 
Nais kitang tawagin, abutin. 

Ngunit nabasag ang aking tinig.


12/03/2010
*orihinal na multiply post, 8 December 2010, 2:27PM


Paggising**

Paggising ko, 

wala ka na sa aking tabi. 
Pinagpapawisan ako nang malamig.

Basag ang liwanag
mula sa poste sa labas. 

Sumusugat sa aking paningin 
ang ilang piraso 
ng basag
                na salamin
ng tokador.


12/03/2010
**orihinal na multiply post, 8 December 2010, 2:27PM
nirebisa: 28 Hulyo 2018

Thursday, July 6, 2017

Karera ng mga Bituin

Larawan mula sa: https://qph.ec.quoracdn.net/main-qimg-0c87ab099771532e0da233d7c893354c-c

Karera ng mga Bituin
 
ni Louise Vincent B. Amante

Nagkarerahan ang mga bituin

upang makarating 
sa ating paningin.
Nag-aagaw-liwanag
pa lamang nang tayo'y tumingala
sa indigong langit.

"Hayun, ang Venus!"
"Di ba sa umaga lang iyon?"

Inaabangan pa natin

ang pagdating ni Orion
at ni Cassiopeia.
Ngunit nagbabanta na ang sinturon
ni Tatay na hawak ni Nanay.

Kaya umuwi tayo sa sarili

nating mga bahay na parang namatayan.

Mga musmos tayo noon.

Saka na lang natin malalamang
bilyong taon nang natapos
ang karera ng mga bituin.


6 Hulyo 2017
Lungsod Pasig


Sunday, April 2, 2017

"Ang Mabutong Tadyang ni Adan" ni Jewel Kilcher

A detail from Michaelangelo's paintings in the Sistine Chapel in Rome, Italy. Photo from http://www.fineartprintsondemand.com/artists/michelangelo/creation_of_eve-400.jpg

Ang Mabutong Tadyang ni Adan
Jewel Kilcher

Nilisan ko ang mabutong tadyang ni Adan
para sa bunga
ng aking
sariling kagustuhan

Nakadagan ang samyo niyon
sa aking laman
ang aking pagkawala
ay tinik
sa kanyang tagiliran

Ngunit ngayon ang tiyan ko’y
hungkag at kumikirot
               nangungulila sa punla
               nangungulila sa mga halik
subalit sa labas pumaswit ang daan

at natagpuan ko ang sarili
na isinisilid ang pagiging babae
sa isang lumang bag na gawa sa balat

dahan-dahang humahakbang ang pag-ibig
palayo sa pinto

Salin sa Filipino ni Louise Vincent B. Amante

From:
Kilcher, Jewel. A Night Without Armor. NY: HarperEntertainment, 1999, p 2.

Wednesday, March 22, 2017

Orpheus

Orpheus and the Bacchantes (Gregorio Lazzarini, circa 1710, oil on canvas)
Photo f
rom https://ferrebeekeeper.files.wordpress.com/2014/10/gregorio_lazzarini_-_orpheus_and_the_bacchantes_-_wga12527.jpg


Orpheus
Louise Vincent B. Amante 

Melancholy
fingers
plucking
the chords
of your lyre.
Dusk beginning to end.
"I've been up all night
Thinking of the hill
We used to climb..."
Drinking
your tears,
the strings
now
b
   r
      o
         k
            e
              n.
It was taken
as a signal
by the Bacchanals
to pluck out
your heartstrings.



22 March 2017
Quezon City 

Saturday, February 4, 2017

Haplos sa Apoy

Nang haplusin ko ang apoy,
napasò ang aking palad.
Minsan ay bughaw
at minsan ay dilaw
                   ang ningas
na aking namamalas.
Madalas, pula ang hugis
nitong aking nasasalat.
At nang dumaiti
ang aking hintuturo
                   sa liyab,
nadama ko
ang iyong nakadadarang
na pag-irog.


4 Pebrero 2017
Lungsod Quezon

Paghanap sa Mahiwagang Himig

Hangad kong masulyapan
ang himig sa hangin
ng mahiwagang daigdig
ng iyong lawas na mahiwaga.
Kung bakit ay makasasagot
ang bawat mong galaw
at bakas patungo sa lawag 
ng mga landas
na walang ngalan.

Umaalingawngaw rito
ang mahiwagang himig.
Inaawit ang iyong mukha,
ang iyong dibdib,
ang iyong baywang,
ang iyong hita...

Sasabay ako sa iyo
sa pagtunton at pagtungtong.
Dahil naniniwala akong naroon
ang hangad kong mahanap.
Sabi ng matatanda,
sundin ko ang aking kalooban
ay masusumpungan
ko ang aking pangarap.

Lalakad, tatakbo,
aakyat, gagapang ako
kung ibig mo -- masulyapan lamang
ang himig sa hangin
ng mahiwagang daigdig
ng iyong lawas na mahiwaga.



4 Pebrero 2017
Lungsod Quezon

Monday, October 24, 2016

"Pag-ibig sa Unang Sulyap" ni Wislawa Szymborska


Pag-ibig sa Unang Sulyap
ni Wislawa Szymborska

Kapwa sila naniniwalang
isang biglaang buhos ng damdamin ang nagbibigkis sa kanila.
Kayganda ng katiyakan,
ngunit higit na maganda ang pag-aalinlangan.

Sapagkat hindi nila kilala ang isa’t isa noon, akala nila’y
walang nagaganap sa kanilang dalawa.
Ano na ang mga lansangan, hagdanan, at mga pasilyong
kanilang pinagsalubungan noon-noon pa?

Nais ko silang tanungin
kung kanilang maalala— marahil sa isang puerta giratoria
nagtagpo sila’t nagkatinginan?
isang “excuse me po” sa gitna ng mga tao
o isang sagot na “mali po kayo nang nai-dial” sa telepono.
Subalit alam ko ang kanilang tugon:
hindi, hindi nila maalala.

Higit silang mamamanghang
mabatid na noon pa’y
pinaglalaruan na sila ng pagkakataon.

Kahit na hindi pa handang
pagtagpuin sila ng tadhana,
lumapit ito sa kanila, pagdaka’y umatras,
humarang sa kanilang daanan
at, habang iniipit ang kanyang hagikgik,
sadyang tumabi.

May mga tanda, senyal:
ngunit ano kung hindi naman ito mawari.
Marahil tatlong taon na’ng lumipas,
o noong Martes
may isang polyetong
dumapo’t nagpanagpo sa kanilang mga balikat?
May kung ano’t nawala’t nasumpungan.
Sino’ng nakaaalam ngunit iyon ay isang bolang
nasa likod ng palumpong ng kamusmusan.

May mga seradura’t kampanilyang
kanina’y
nagdampian at muling nagdadampian.
Mga magkakatabing bag sa silid-maleta.
Marahil magkakatulad sila ng mga panaginip minsan isang gabi
na agad-agad nabubura pagkagising.

Bawat simula
ay pagpapatuloy lamang,
at ang aklat ng mga pangyayari
ay hindi lubusang nakabuklat.

Salin sa Filipino ni Louise Vincent B. Amante

From: http://www.mission.net/poland/warsaw/literature/poems/lovesigh.htm 

Thursday, June 23, 2016

Kaisampalad ni Lilia Quindoza-Santiago

Kaisampalad
ni Lilia Quindoza-Santiago

Minsan, kapag binabanghay natin
Ang mga pandiwa ng pag-ibig,
Di ko maiwasan ang kahit paano'y manalig
Sa tinatawag na kapalaran.

Ikaw ay akin, ako ay iyo;
Pinagtagpo tayo ng tadhana.
Di maiiwasan, tayo nga talaga
Ang laan sa isa't isa.

Kahapon, halimbawa,
Nang kalagin ng iyong tula
Ang aking pangungulila,
Halos di ako makapaniwala.

Kaya ngayon, habang binibigkis ko
Ang timyas at pait ng pagmamahal,
Habang sinisikap punan ang mga pagkukulang,
Gayon nga talaga, sabi ko, gayon nga talaga.

Pagkat bukas, inaasam-asam ko
Kapit-bisig pa rin nating babagtasin
Ang lawak at lalim, ang liwanag at dilim.
Tatanda tayong magkaisampalad pa rin.

Subalit malimit din
Kapag binabaklas ko na
Ang mga walang saysay na pang-uring
Ikinatnig sa paggiliw,

Nadarama kong ako'y ako lamang,
Ikaw ay ikaw. Minsan nagsasanga ang ating landasin.
May kanya-kanyang langit tayong nais na marating,
May kanya-kanyang sariling nais na hubugin.

Kaisampalad ka sa hirap at ginhawa,
Kabalikat kita sa tamis at dusa.
Sakali mang landas natin ay magsanga,
May pag-asa kayang tayo'y magtagpo pa?

Sakali lamang, mahal, sakali lang namang
Tayo ay matulad sa maraming nag-iba,
Sana'y pisilin mo lamang ang aking palad
At tatapikin naman kita sa balikat.