Showing posts with label Filipino. Show all posts
Showing posts with label Filipino. Show all posts

Tuesday, September 28, 2021

Isang mataas at maalab na pagpupugay sa iyo, Sir Bien!

Ang may-akda at si Likha kasama si Sir Bienvenido Lumbera (nasa kanan) sa auditorium ng Miriam College, 2014.

Dalawang ulit kong naging guro si Sir Bienvenido Lumbera sa graduate courses sa UP Diliman. Pero wala akong larawan kasama siya. Ang mayroon lang kami ay ang kuhang ito ni Margie noong 2014 sa π‘―π’Šπ’π’‚π’ƒπ’Šπ’π’ˆ π‘―π’‚π’“π’‚π’šπ’‚ ng The Raya School na ginanap sa auditorium ng Miriam College sa Katipunan Avenue, Quezon City. Sa Raya pa noon nag-aaral ang dalawa niyang apo.

Una kong nakausap si Sir Bien noong 2003 sa isang event ng Concerned Artist of the Philippines. Di ko na maalala ang naging talakayan. Pero naalala kong kipkip niya ang isang maliit na aklat na ang pamagat ay π‘€π‘Žπ‘œ π‘œπ‘› πΏπ‘–π‘‘π‘’π‘Ÿπ‘Žπ‘‘π‘’π‘Ÿπ‘’ π‘Žπ‘›π‘‘ π΄π‘Ÿπ‘‘ nang akin siyang kausapin.

Sumunod ay sa La Salle-Manila, 2008. Nakabilang ako noong 2006 sa Departamento ng Filipino dito. Inilunsad noong 2007 ang Seryeng Panayam 2007-2008: Bienvenido Lumbera. Isa ako sa sampung nagsalita sa seryeng panayam na ito. Naging paksa ko ang omnibus na pelikulang π‘°π’Žπ’‚π’‰π’†π‘΅π’‚π’”π’šπ’π’ (2006) gamit ang naging mga pagdadalumat ni Sir Bien ukol sa pelikulang Filipino. Binanggit ko ritong ang bawat maikling pelikula sa π‘°π’Žπ’‚π’‰π’†π‘΅π’‚π’”π’šπ’π’ ay binubuo ang imahen ng nasyon sa loob ng 20 taon matapos ang pag-aalsang Edsa 1. Isa ang aking maikling lektura na nagpaparangal sa mga naiambag ni Sir Bien sa kritika ng pelikulang Filipino bukod pa sa wika at panitikan. Marso 2008 ay nagbigay siya ng omnibus na tugon para sa sampung panayam. 

Naging pormal na akong estudyante ni Sir Bien noong 2013 at 2018. Parehong mga penalty course ko sa graduate school. Mga dalawang meeting lamang ang kanyang lektura tapos kami namang mga estudyante niya ang mag-uulat. Kapag hindi ka handa, naku po, masasabon ka nang wala sa oras! Uuwi kang hindi nabanlawan! Sa una kong salang, hayun, nakaranas ako. Sabi ko sa sarili, babawi ako. Sa ikalawa, naibigay ko rin ang hinahanap niya sa pag-uulat ng paksa. May isang klase ako sa kanya na tatlong papel agad ang ipapasa. Paspas na pagsusulat. Araw na ng pasahan: pasa na. Paglipas ng isang linggo, nagkita na ulit kami sa klase. Isinauli niya ang mga papel namin. Tatlong 1.0 ang natanggap ko. Bawing-bawi na ako! πŸ™‚

Sa gitna ng mga ito ay pagkikita namin sa ilang mga forum, book launching, at ang minsang panonood sa "Rak of Aegis" sa PETA Center.

Ang huling kita ko kay Sir Bien ay noong huling bahagi ng 2019 sa isang event sa UP. Sabi ko'y malapit ko nang matapos ang aking graduate thesis. Sabi niya, "Mabuti naman at nang makapag-research ka na ng gusto mo. Marami pang kailangang i-research." Ang simpleng tugon ko: Yes, Sir!

Pumanaw si Sir Bien kaninang umaga (Setyembre 28, 2021). Pakikiramay sa kanyang minamahal na pamilya. Pati na rin sa mga naging estudyante niya at kasama sa pakikibaka tungong panlipunang katarungan.

Isang mataas at maalab na pagpupugay sa iyo, Sir Bien!

Monday, August 6, 2018

Limang Haiku

Limang Haiku
ni Louise Vincent B. Amante

1. Mouse
Left saka right click.
Ang cursor ay nagbi-blink.
Save ba or delete?

2. Monitor
Waiting for updates...
15% completed...
1 hour  na 'kong late.

3. Keyboard
Press Ctrl + S.
ThesisLastNaTo.docx
Save? OK ka lang?!

4. External Hard Drive
Pang-back up nga lang,
Nadali pa ng virus.
Extra savings ko, damay.

5. Wi-fi
Nakikabit. Yey!
Buti simple ang password:
PaTokhangNiLord.

Agosto 6, 2018
Cainta, Rizal

Thursday, June 30, 2016

Pasya



Pasya

Ang batang gamugamo
ay sumuway sa ina.
S’ya’y nakihalubilo
sa lawag ng lampara.

Nasunog kanyang pakpak
pati katawa’y natupok.
Bilin ng Donya: “Anak,
‘wag sumuway sa utos.”

Ngunit si Pepe, titig
na titig sa insektong
natusta. Siya’y naakit
na maging gamugamo.


19 Hunyo 2016
Lungsod Quezon


revised:
24 Hunyo 2016
Lungsod Pasig

Grasya


Grasya 

Bago lumapat ang lapis 
Sa lawas ng papel na sulit, 
Ay! Parang hulog ng langit
Ang himig na humagupit
Sa kisame – ang mabait
Na butiking nakadikit.


24 Hunyo 2016
Lungsod Pasig

Thursday, June 2, 2016

Ang Pagkatay

Ay gawaing mani lamang sa matadero.
May sistema siyang sinusunod.
Maswerte ang mga baboy sa kanya.
Ganito: hahatakin niya ang baboy
mula sa kulungan. Susunod naman
ang kawawang hayop. Sa isang iglap,
hinataw ng matadero ang ulo ng baboy.
Nabuwal saka nanigas ang katawan.
Isusuot sa ulo ng baboy ang isang timba
saka gigilitan ang leeg para masahod
ang dugo ng pinaslang na hayop.
Magpupumiglas ang mga paa nito
hanggang sa hindi na gumalaw.
Ibababad sa kumukulong tubig
saka kakayasin ang balat ng baboy.
Isasabit, bibiyakin ang tiyan, aalisin
ang lamang-loob, pupugutan ng ulo.
(Kung lilitsunin, aba,
maswerteng baboy iyan.)
Laging magpasalamat sa matadero
'pagkat lagi niyang tinutupad
ang tadhana ng mga baboy na makatay.


2 Hunyo 2016




Monday, July 7, 2014

Nililigalig at Nanliligalig

Ngayong batbat ng dungis ang politika ng administrasyong Aquino, mula PDAF hanggang DAP, gayon din ang nagaganap sa larangan ng kultura at ng edukasyon.

Una, pinopolitika ang larangan ng sining, partikular sa usaping National Artist Award para kay Nora Aunor na hindi inaprubahan ng Pangulong Aquino. Tulad ng sabi ng isang rayter sa Inquirer, "It is a Presidential Award." Tama naman ang kanyang argumento. Subalit may "National" doon sa National Artists. Samakatwid, may usapin ng pagkabansa ang gawad na ito, kaya may titingalaing alagad ng sining ang bansa dahil sa taglay niyang galing sa sining. At hindi dahil sa adik siya sa droga dati.

Sabi rin ng rayter, bakit ngayon ay napag-uusapan na sa media maski ang nominasyon na dati naman ay hindi pinapansin ng mga diyaryo, TV, at radyo? Ang ganitong obserbasyon niya ay malinaw sa kanyang pinanggagalingang posisyon: elitista. Katulad niya ang Pangulong Aquino sa makitid na pananaw ng huli sa larangan ng sining at kultura ng bansa.

Bukod pa rito, bakit ang mga grupong pansining ay walang inilalabas na pahayag ukol dito? Halos tahimik ang mga grupong panteatro at pampelikula. May mga indibidwal nang personalidad na pumosisyon panig kay Nora Aunor. Ngunit mas magiging matingkad ang panawagan kung magkakaisa ang mga nasa industriya ng pelikula at teatro para kay Nora Aunor.

Ikalawa, pinopolitika ang larangan ng edukasyon, partikular sa usaping pag-alis ng mga kursong Filipino sa kolehiyo. Malinaw ang tunguhin ng edukasyon ng ating bansa ngayong panahon: skills oriented. Wala na ang dati'y holistic, responsible, proud Filipino na mabubuo mula sa mga mag-aaral na Pilipino. Hindi naman dahil ginagamit na sa komunikasyon sa bahay at sa komunidad ang Filipino ay sapat na ito. Malinaw sa Konstitusyon (Art. XIV, Sek. 6 hanggang 9) na dapat malinang ang wikang pambansa. At ang isang facet para dito ay ang edukasyon. Samakatwid, dapat ay may Filipino sa kolehiyo. Hindi lang ito bilang midyum ng pagtuturo kundi bilang disiplina/larangan.

Marami-rami nang kumontra sa balaking ito ng Comission on Higher Education (CHEd). Nagkakasundo ang mga guro ng Filipino sa kolehiyo na dehado sila sa ganitong set-up. Na hindi sila kinonsulta man lang. Nasa balag ngayon ng alanganin ang mga guro ng Filipino sa kolehiyo. Sa kolokyal na wika, iniwan sila sa ere.

Pumoposisyon ngayon ang mga guro kontra dito. Malinaw iyan, walang duda. Pero mabagal o halos wala ang mga pangkat ng mga manunulat, sa panitikan man o sa peryodismo. Maski ang mga grupong nakabase sa mga pamantasan, halos tahimik sa usaping ito. Nakalulungkot na kahit statement of unity o manifesto ay walang nasisilayan mula sa kanila. Pero dapat ding lampasan nila ang paglalabas lamang ng mga pahayag at polyeto.

Kung ang mga nasa larangan ng kultura at edukasyon ngayon ay nililigalig, dapat tumbalikin ito at sila naman ang manligalig.

Monday, August 19, 2013

Lagpasan na natin ang komemorasyon ng Buwan ng Wika

Ito ang panahong masasabi nating "ipinagmamalaki ko ang pagiging Pilipino" at "mahal ko ang aking wika: Filipino" dahil Buwan ng Wika ang Agosto.

Mula sa ating mga bayani bago hanggang sa matapos ang Himagsikan laban sa mga unang naging kolonisador ng ating bansang Pilipinas, wika ang isang mabisang instrumento upang mapagbuklod ang mga mamamayang tinawag nila noong indio.

Wika rin ang ginamit upang ipakintal sa nagsisimula't kumakapal na bilang ng mga manggagawa noong maagang yugto ng kolonyalismong Estados Unidos (US) ang pangangailangang magbuklod para sa sahod na bumubuhay, maalwang kondisyon sa mga pagawaan, at iba pa na magiging bukambibig bilang mga "karapatan".

Hanggang ngayon, masasabing gamit na gamit na ang ating mga wika, bukod pa sa Filipino, bilang mga wika ng pakikipagtalastasan at ugnayan sa loob at labas ng ating bansa partikular sa ating mga kababayan. Bukod dito, hindi na rin mapasusubalian na may merkado na ang wikang Filipino sa mga unibersidad sa labas ng Pilipinas; kaya't di na iilang study programs for Filipino speaking-foreigners ang inilulunsad sa mga nangungunang unibersidad sa ating bansa.

Isa lang ang ibig sabihin nito: matatag na ang wikang Filipino.

May ilang pangkat lamang na makulit na tinitibag ang tindig ng Filipino at winawalang-bahala ang naabot nito. Anila, dapat ding pagyamanin ang iba pang wikang katutubo. Walang suliranin dito at mula rito'y yayaman pang lalo ang wikang Filipino. Subalit, kapag kanilang ihahapag ang katwiran ng kanilang panig, sila'y nagi-Ingles. Kakatwang paraan.

Hindi tayo tutol sa Ingles bilang wika na ginagamit din sa Pilipinas. Subalit pangunahin bilang wikang opisyal ng bansa ang Filipino. Kaya't dapat itong payabungin ng mga Pilipino mismo. Hindi mga Pilipino ang magpapayabong ng Ingles dahil hindi ito ang wikang kinagisnan ng ating dila. Marami sa ating mga pribadong paaralan ang mahigpit pa rin ang kapit sa Ingles bilang pinto natin sa daigdig. Nabubuhay ang mga administrador nito sa malayong nakaraan. Isang pag-aaral ang lumabas kamakailan na isa na lamang ang Ingles na ginagamit sa Internet, ang kasalukuyang pinakaabanteng imbensyon ng panahong ito.

Sa ngayon, ang hamon kaugnay ng wika ay lagpasan na natin ang mariringal na pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Bukod sa mga estadistika, dapat na nating tingnan ano pa ang magagawa ng wika sa mga susunod na taon upang malutas ang matagal nang kalaban ng bansang ito: Kahirapan. Kung noong panahon ng Himagsikang 1896 ay may silbi ang wika upang putulin ang tanikala ng kolonyalismo, lalo't higit na may silbi ang wika sa panahong ito.

Nahaharap ang bansa sa matitinding bigwas ng kahirapan matapos ang Edsa 1. Ngayong Agosto, ginulantang tayo ng matinding eskandalo ukol sa pork barrel ng Kongreso -- na galing sa mga buwis natin ang pondo. Sa ganang ito, malaki ang magagawa ng wikang Filipino upang masaling muli ang damdaming makabayan natin. "Umaalingasaw ang baho", 'ika nga. 

Kaya't huwag lang nating iugnay ang Buwan ng Wika sa mga kultura't tradisyon ng nakaraan, bagkus ituon ang wika sa kasalukuyan patungo sa maaliwalas at masaganang kinabukasan.