Sa Tungki Ng
Ilong
ni Louise Vincent B. Amante
Rebyu ng Citizen
Jake
Pelikula ni Mike De Leon; Iskrip nina Mike De Leon,
Noel Pascual, at Atom Araullo; Produksyon ni Mike De Leon at Cinema Artists
Philippines
NASA TUNGKI ng ating ilong ang pandarambong, pagtataksil, at pagsasamantala ng
mga nasa poder ng kapangyarihan.
Nasa harap na natin ngunit hindi makita dahil
nagtatago. O marahil ay nagbabalatkayo. Kaya nagbubulag-bulagan maging ang mga
sumasamba sa kanila.
Sa ganitong mga imahen maaaring panoorin ang
pinakahuling pelikulang nilikha ni Mike de Leon: ang Citizen Jake.
Taong 1999 ipinalabas ang huling pelikula ni de
Leon, ang Bayaning Third World. Isa
itong mala-imbestigasyon sa pagkabayani ni Jose Rizal kaugnay ng selebrasyon noong
1998 ng Sentenaryo ng Kalayaan ng Pilipinas mula sa kolonyalismong Espanyol.
Mula 1996 hanggang 1998, pinaggastusan ng administrasyong Ramos ang Sentenaryo
gaya ng pagpapatayo ng Centennial Expo sa Pampanga, mga patimpalak sa
panitikan, mga programang pantelebisyon ukol sa Himagsikang Pilipino, at iba
pa. At halos naging poster boy si Rizal ng pagdiriwang na ito. Bagaman
ibinabandila ang nasyonalismong nanaig sa mga panahong iyon, binubura naman ng Sentenaryong
ito ang naganap na pagsupil sa kalayaang ito ng kolonyalismong Estados Unidos
mula 1899 hanggang 1946.
Tulad ng paglalantad ng Bayaning Third
World sa mga hindi pinag-uusapang bahagi ng buhay ni Rizal – tulad ng
kanyang diumano’y pagbabalik-loob sa pananampalatayang Katoliko at ang
pagtatakwil niya sa Himagsikang Pilipino – isinisiwalat ng Citizen Jake ang mga pangyayaring pangkasaysayang nauulit lamang
gamit ang ibang pangalan at mukha. Ngunit halos hindi natin pansinin.
Tagapagpalaganap
Sa blog naglalathala si Jake Herrera (Atom Araullo) ng
mga kritikal niyang artikulo, makasakit man ito sa kahit sino maski ang kanyang
amang senador na si Jacobo (Teroy De Guzman) at kuyang kinatawan sa Kamara na
si Roxie (Gabby Eigenmann). Dahil sa maaanghang niyang artikulo, napilitang magbitiw
si Jake sa pinapasukang pahayagan at nagtuturo sa isang kolehiyo sa Baguio
City. Napamahal siya sa lungsod na ito dahil sa dito niya laging naaalala ang
kanyang namayapang ina (Dina Bonnevie).
Taong 2016. Malapit na ang pambansang eleksyon. Mula Baguio, ipinatawag si Jake
ng kanyang ama sa Maynila upang pag-usapan ang planong politikal ng pamilya.
Muling tatakbo si Jacobo sa pagka-senador at si Roxie ay sa gayunding posisyon.
Tumanggi si Jake na kumandidato rin. Naungkat pati ang pagiging
journalist-blogger ni Jake na panay sakit ng ulo ang hatid sa kanyang pamilya,
lalo na kapag nauungkat ang koneksyon ni Jacobo sa pamilya ng dating Pangulo at
diktador na si Ferdinand Marcos. Hinayang na hinayang naman ang amang senador
sa kanya, lalo na ang potensyal sa politika ni Jake bilang isang Herrera. Inis
na bumalik si Jake sa Baguio.
Bukod sa pagtuturo at pagsusulat, kaagapay ni Jake
sa buhay niya sa Baguio ang kasintahan at kapwa-gurong si Mandy (Max Collins)
at ang kababatang si Jonie (Adrian Alandy) na anak ng mga tagapangalaga (Ruby
Ruiz at Nanding Josef) ng bahay ng mga Herrera sa nasabing lungsod.
Isang krimen ang magpapasidhi sa malamig na relasyon
ni Jake sa kanyang pamilya. Isang estudyante ni Mandy ang walang awang
pinaslang at hinalay sa isang cottage sa lungsod. Dahil na rin sa udyok ni
Mandy, nag-imbestiga si Jake ukol sa krimen.
Lingid kay Jake, pinamamatyagan siya ni Roxie sa bodyguard
niyang si Enchong (Richard Quan) sa lahat ng ginagawa ng una sa Baguio. Maging
si Jonie ay pinilit ni Roxie na matyagan si Jake. Nang magpunta sa Baguio si
Roxie para ipaalam kay Jake na ipagbibili na niya ang bahay, galit niyang
pinaalis ang kanyang kuya. Ngunit ibinunyag ni Roxie na alam niya ang lahat
nang pinaggagawa ni Jake sa Baguio, maging ang iniimbestigahan nitong krimen. Galit
na galit si Jake kay Jonie kahit na humihingi na ito ng tawad.
Sa pag-iimbestiga ni Jake sa krimen, malalaman
niyang may kaugnayan ang biktima sa isang hukom (Nonie Buencamino) at kay Ms.
Patti (Cherie Gil), mga maimpluwensiyang kaibigan ng pamilya Herrera. Ang hukom
ay naging tagatangkilik ng escort services na pinatatakbo ni Ms. Patti, minsang
naging kalaguyo ng dating Pangulo. Malalaman din niyang may koneksyon sa amang
si Jacobo ang pagkamatay ng kanyang ina. Dala-dala ang baril na nabili niya sa
isang pulis, sumugod siya pa-Maynila at kinumpronta ang ama. Naroon si Enchong
at nag-aabang sa mga susunod na pangyayari. Nang itutok ni Jake ang baril sa
ama, akmang bubunot din ng baril si Enchong. Ngunit binaril siya ni Jake. Mula
rito’y hindi na siya makikipagkita sa kanyang pamilya.
Kasaysayan
Sinasabi ng mga peryodista na ang pamamahayag ay pagmamadali
sa pagsulat ng kasaysayan, lalo na’t isinasagawa ito sa araw-araw at may
hinahabol na deadline. Ngunit ngayon, di lang iilang mga nasa poder ng
kapangyarihan ang nagbansag sa tradisyonal na media bilang tagapagpalaganap ng
“fake news” o ng mga ulat na layunin lamang siraan ang administrasyon o
sinumang nasa gobyerno ngayon. At naging matindi pa ang labanang ito dahil sa
pagsulpot ng mga kung ano-anong websites, blogs, at social media na panay “feel
good” o magagandang balita lamang ang inuulat upang kontrahin ang tradisyonal
na media.
Sa ganitong konteksto maikakawing ang paglikha sa Citizen Jake. Tahasang kinokontra ng
pelikulang ito ang mga lumalaganap sa social media ukol sa mga mito ng pamilya
Marcos nang sila pa ang nasa Malacañang. Ang palitang piso kada isang dolyar kaya
maunlad ang buhay noong pangulo pa si Marcos. Ang yaman ng pamilya Marcos na
kayang bayaran ang utang ng Pilipinas. Ang sandamakmak na medalya ni Marcos
dahil sa kabayanihan niya noong kolonyalismong Hapon. At ang naunsyaming
ala-Singapore ng Pilipinas ngayon kung hindi lang nawala sa poder ang mga
Marcos. Ngunit pinatunayan ng mismong aide-de-camp
ni Marcos na si Primitivo Mijares na peke ang marami sa mga medalya ng dating
Pangulo. Na mahilig sa sapatos si Imelda kaya umabot ng libo-libong pares ang
kanyang pinagbibili sa labas ng bansa. Ito at ang iba pang insider information ay
nilathala ni Mijares sa kanyang aklat na The
Conjugal Dictatorship of Ferdinand and Imelda Marcos (1976). Pagkalathala
ng aklat, hindi na nakita pang muli si Mijares. Ang isang bahagi ng impormasyon
sa aklat ay ginamit sa pelikula upang buhayin ang karakter ni Ms Patti sa Citizen Jake. At si Ms Patti ang
bumibigkas ng matatamis na salita sa mga babaeng gipit sa salapi upang
mag-escort service.
Ipinakikita rin sa pelikula ang kahalagahan sa
edukasyon, partikular sa laging pag-alala sa kasaysayan. Isa sa makukulay na
karakter sa Citizen Jake si Lucas
(Lou Veloso), kapwa-guro ni Jake sa Baguio. Naging aktibista si Lucas noong
dekada 1970, nahuli, at nakaranas ng tortyur noong panahon ng Batas Militar.
Maswerteng nabuhay at nagturo sa pamantasan. Sa isang eksenang nag-uusap sila
ni Jake ukol sa eleksyon, binigkas ni Lucas na “Eleksyon na naman! Yes! New set
of a**holes! Yeah!”
Tahasang binabangga ng Citizen Jake ang umiiral na paniniwalang maging apolitikal na lamang ang isang mamamayan at gumawa nang mabuti para sa sarili at sa pamilya. Isa itong dilemma kay Jake dahil alam niyang may mantsa ang pangalang Herrera ngunit kagalang-galang pa rin sa mata ng marami, lalo na ang mga nasa itaas. Kaya kailangang tumbalikin ni Jake ang sarili at maging mamamahayag, sumulat ng maaanghang na artikulo kahit masaktan ang kanyang pamilya.
Politikal
Ang Citizen
Jake na marahil ang pinakapolitikal na pelikula ni De Leon mula pa sa Batch ’81 (1982) at Sister Stella L. (1984). At ang dalawang pelikulang nabanggit ay
nilikha ni De Leon sa kasagsagan ng diktaduryang Marcos. Sa administrasyon
ngayon na lantarang maka-Marcos, mapapansing kung ano ang naging mga
istratehiya at taktika ng dating diktadurya ay siyang naging pamamaraan din ngayon
ni Duterte.
Isa sa mga ito ay ang paggamit sa isyu ng iligal na
droga upang maipatupad ang isang de facto police state. At mapakulong at
mapatay ang sinuman dahil dito. Umaabot na ngayon sa mahigit 6,000 ang mga
napatay dahil sa Oplan Tokhang nang wala man lang patunay kung sangkot nga ba
sa iligal na droga ang marami sa mga ito.
Binansagan din ang media bilang mga nanggugulo sa
mga polisya ng administrasyong Duterte. Kaya ginipit sa iba’t ibang paraan ang
pahayagang Inquirer at news website na Rappler huwag lang silang makapaghatid
ng mga ulat. Lumaganap naman ang “fake news” ngayon sa social media, na dinadala
ng mga lehitimong opisina ng pamahalaan.
Pinakamasahol sa mga ito ay ang pagpapalibing sa
dating diktador sa Libingan ng mga Bayani. Pinatunayan na ng mga korte sa US na
nandambong ng bilyon-bilyong piso ang pamilya Marcos at naging polisiya noong
Martial Law ang pagdakip at pagtortyur sa mga kritiko nito.
Ilan lamang ang mga ito sa tinalakay ng Citizen Jake. Gamit ang voiceovers at
montage, isinalaysay ni Jake ang naging madugo at marahas na kasaysayan ng
Pilipinas sa loob ng mahigit 50 taon. Na kung tutuusin ay nauulit lamang sa
ibang lugar at ibang pangalan. Nasa harap na natin ngunit hindi natin makita.
Dahil nasa tungki pala ng ating ilong ang
kaaway. #
*Ang mga larawan ay mula sa Facebook account ng Citizen Jake.