Thursday, February 8, 2018

"Mahal na Lungsod," ni Conchitina Cruz


Larawan mula sa http://www.cbcpnews.com/cbcpnews/wp-content/uploads/2012/08/DSC_7201.jpg


Mahal na Lungsod,
Conchitina Cruz

Hayaan mong ipaalala namin sa iyo: biyaya ang anumang mula sa langit, hindi kaaway ang ulan. Paksa ng dalangin ang ulan, isang mabuting tugon ng mga santo. Mahal na Lungsod, ipaliwanag ang iyong kawalang galang: sa iyo, isang panauhing walang patutunguhan ang ulan. Nasaan ang lupang
pag-ibig ng tubig ang tanging batid? Nasaan ang mga landas patungo sa iyong puso? Kahabagan ang tubig na humihimpil at umaapaw sa mga kalsada, kahabagan ang tubig na nagpapabaha sa mga bahay, napakaitim at napakarumi at sagana sa mga daga at dahong patay at plastik. Hiyang-hiya ang tubig sa sinapit niya dahil sa iyo. Ano ang iyong ginawa sa kagandahan niya, ang kaaya-ayang lawas niya sa mga larawan ng karagatan, ang malinaw na mukha niya sa salamin? Lumalakad kami sa baha at hindi namamalas ang aming mga paa. Nalimutan naming magpasalamat sa kabutihang-loob ng mga diyos. Naghahanap kami nang masisisi at ikaw iyon, walang kuwentang lungsod, dahil kami ay mga taong may dangal, pinakakain namin ang aming mga anak tatlong beses kada araw, hindi kami sumasablay bumoto. Ang tanging paliwanag ay ikaw, mahal na lungsod. Tapos na ang ating pag-uusap. Wala nang iba pang maysala.


Salin sa Filipino ni Louise Vincent B. Amante



From:
Cruz, Conchitina. "Dear City," in Dark Hours. Quezon City: University of the Philippines Press, 2005, p. 3.

No comments:

Post a Comment