Monday, March 19, 2018

Kalidad (o kung bakit masarap pa rin sa Ma Mon Luk)

Larawan mula sa: https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEiXLHo7o-vJFjwkUwHKotv3LEGJN-K4_U-P8gWMWktT_gJDL1cPhmuNeoOkzMzwlYpnaBuQ8ZuQ0l3EmVQiOriYrkTNwrTSCFPk5aCHQh-Hb8IcR819k3y7ytCbVSB-YcaGNgM59kLEhuY/s1600/Mamonluk%252C1955+copy.jpg
Kalidad (o kung bakit masarap pa rin sa Ma Mon Luk)
ni Louise Vincent B. Amante

Gustong-gusto ko ang homiliya kahapon ni Rev. Fr. Mon Eloriaga, ang kura paroko ng St. Joseph Shrine sa Anonas, Quezon City. Kahit na umabot ng kalahating oras ang kanyang sermon ukol sa Ebanghelyo, isang bahagi nito ang nakakiliti ng aking atensyon. At maging intelektwal na "kulit."

Sa umpisa ng kanyang homiliya, ibinahagi niya ang tungkol sa balak niyang papiyesta ngayong araw. (Marso 19 ang araw ng Pista ni San Jose.) Balak niyang ipakain ay mami at siopao mula sa Ma Mon Luk. Sabi niya sa homiliya, "Pinapili ko sila: regular mami plus special siopao o special mami at regular siopao? O parehong regular o parehong siopao? Pareho namang masarap iyon," paniguro niya.

Pumunta agad sa Ma Mon Luk si Father kasama ang Parish Management Officer (PMO). "Ngunit ang sabi ng manager ng Ma Mon Luk, 'Sorry po, but we could not do your request.' "Nagtaka si Father at ang PMO. "Daragdagan lang naman ng crew ng Ma Mon Luk ang regular na nilang inihahandang mami at siopao para sa Pista ni San Jose. Ngunit ulit ng manager ng Ma Mon Luk, 'Sorry po, but we could not do your request.' " 

Saka na nagpaliwanag ang manager. Ayon sa homiliya ni Father, " 'Pine-preserve po namin ang quality ng Ma Mon Luk.'

" 'Ang init pa rin dito. Hindi iyon quality. Bakit hindi kayo mag-aircon?' tanong ko.


" 'Ginawa na po namin iyan. Para mas komportable sa customers. Pero nagbago po ang lasa ng mami at siopao.'

" 'Pero bakit nga hindi ninyo magagawa ang order namin?' ang PMO na ang nagtanong.

" 'Kasi po, kung ano po ang dami ng mami at siopao na ginagawa namin, iyon lang po ang ginagawa namin. Since magsimula po ang Ma Mon Luk, iyon na po ang sinusunod namin.'


"Umaalingawngaw sa aking pandinig ang salitang 'quality.'"
Saka na nagpatuloy si Father sa pag-ugnay ng kaniyang ikinuwento sa Ebanghelyo.

Ano'ng mayroon dito? Matagal na akong huling nakakain ng special mami at special siopao sa Ma Mon Luk. Una kong nabasa ang ngalang ito sa tula ni Pete Lacaba na "Ang Kagila-gilalas na Pakikipagsapalaran ni Juan dela Cruz." Kaya nang makita kong may Ma Mon Luk sa Quezon Avenue, naging lugar na namin ito ni Margie (asawa ko ngayon) para mag-date doon. Kahit ang anak naming si Likha, gustong-gusto ang siopao ng Ma Mon Luk.

Sa sinabi ni Father, tumpak ang salitang quality para sa Ma Mon Luk. Hindi man nakapag-expand -- ang isa pang branch nito ay sa Quiapo malapit sa Raon -- walang tatalo sa kalidad ng kanilang produkto. Tulad sa pangalan at dangal, dapat ingatan at hindi sinasayang.

Kaya hindi totoo ang sinasabing karne ng pusa ang laman ng kanilang siopao. Sino'ng nagkalat ng tsismis na ito at hindi mamamatay-matay? Ayon sa isang chef na nakausap ko ilang taon na ang nakararaan, isang sikat na sikat fast food chain ang pasimuno nito.

Nawa'y manatili pa ng mahabang panahon ang kalidad ng produkto ng Ma Mon Luk.


19 Marso 2018
Lungsod Quezon

No comments:

Post a Comment