Thursday, May 24, 2018

Sa Tungki Ng Ilong (Rebyu ng Citizen Jake)


Image result for citizen jake
 

Sa Tungki Ng Ilong
ni Louise Vincent B. Amante

Rebyu ng Citizen Jake
Pelikula ni Mike De Leon; Iskrip nina Mike De Leon, Noel Pascual, at Atom Araullo; Produksyon ni Mike De Leon at Cinema Artists Philippines

NASA TUNGKI ng ating ilong ang pandarambong, pagtataksil, at pagsasamantala ng mga nasa poder ng kapangyarihan.

Nasa harap na natin ngunit hindi makita dahil nagtatago. O marahil ay nagbabalatkayo. Kaya nagbubulag-bulagan maging ang mga sumasamba sa kanila.

Sa ganitong mga imahen maaaring panoorin ang pinakahuling pelikulang nilikha ni Mike de Leon: ang Citizen Jake.

Taong 1999 ipinalabas ang huling pelikula ni de Leon, ang Bayaning Third World. Isa itong mala-imbestigasyon sa pagkabayani ni Jose Rizal kaugnay ng selebrasyon noong 1998 ng Sentenaryo ng Kalayaan ng Pilipinas mula sa kolonyalismong Espanyol. Mula 1996 hanggang 1998, pinaggastusan ng administrasyong Ramos ang Sentenaryo gaya ng pagpapatayo ng Centennial Expo sa Pampanga, mga patimpalak sa panitikan, mga programang pantelebisyon ukol sa Himagsikang Pilipino, at iba pa. At halos naging poster boy si Rizal ng pagdiriwang na ito. Bagaman ibinabandila ang nasyonalismong nanaig sa mga panahong iyon, binubura naman ng Sentenaryong ito ang naganap na pagsupil sa kalayaang ito ng kolonyalismong Estados Unidos mula 1899 hanggang 1946.

Tulad ng paglalantad ng Bayaning Third World sa mga hindi pinag-uusapang bahagi ng buhay ni Rizal – tulad ng kanyang diumano’y pagbabalik-loob sa pananampalatayang Katoliko at ang pagtatakwil niya sa Himagsikang Pilipino – isinisiwalat ng Citizen Jake ang mga pangyayaring pangkasaysayang nauulit lamang gamit ang ibang pangalan at mukha. Ngunit halos hindi natin pansinin.

Tagapagpalaganap
Sa blog naglalathala si Jake Herrera (Atom Araullo) ng mga kritikal niyang artikulo, makasakit man ito sa kahit sino maski ang kanyang amang senador na si Jacobo (Teroy De Guzman) at kuyang kinatawan sa Kamara na si Roxie (Gabby Eigenmann). Dahil sa maaanghang niyang artikulo, napilitang magbitiw si Jake sa pinapasukang pahayagan at nagtuturo sa isang kolehiyo sa Baguio City. Napamahal siya sa lungsod na ito dahil sa dito niya laging naaalala ang kanyang namayapang ina (Dina Bonnevie).

Image result for citizen jakeTaong 2016. Malapit na ang pambansang eleksyon. Mula Baguio, ipinatawag si Jake ng kanyang ama sa Maynila upang pag-usapan ang planong politikal ng pamilya. Muling tatakbo si Jacobo sa pagka-senador at si Roxie ay sa gayunding posisyon. Tumanggi si Jake na kumandidato rin. Naungkat pati ang pagiging journalist-blogger ni Jake na panay sakit ng ulo ang hatid sa kanyang pamilya, lalo na kapag nauungkat ang koneksyon ni Jacobo sa pamilya ng dating Pangulo at diktador na si Ferdinand Marcos. Hinayang na hinayang naman ang amang senador sa kanya, lalo na ang potensyal sa politika ni Jake bilang isang Herrera. Inis na bumalik si Jake sa Baguio.

Bukod sa pagtuturo at pagsusulat, kaagapay ni Jake sa buhay niya sa Baguio ang kasintahan at kapwa-gurong si Mandy (Max Collins) at ang kababatang si Jonie (Adrian Alandy) na anak ng mga tagapangalaga (Ruby Ruiz at Nanding Josef) ng bahay ng mga Herrera sa nasabing lungsod. 

Isang krimen ang magpapasidhi sa malamig na relasyon ni Jake sa kanyang pamilya. Isang estudyante ni Mandy ang walang awang pinaslang at hinalay sa isang cottage sa lungsod. Dahil na rin sa udyok ni Mandy, nag-imbestiga si Jake ukol sa krimen.
Image result for citizen jake 
Lingid kay Jake, pinamamatyagan siya ni Roxie sa bodyguard niyang si Enchong (Richard Quan) sa lahat ng ginagawa ng una sa Baguio. Maging si Jonie ay pinilit ni Roxie na matyagan si Jake. Nang magpunta sa Baguio si Roxie para ipaalam kay Jake na ipagbibili na niya ang bahay, galit niyang pinaalis ang kanyang kuya. Ngunit ibinunyag ni Roxie na alam niya ang lahat nang pinaggagawa ni Jake sa Baguio, maging ang iniimbestigahan nitong krimen. Galit na galit si Jake kay Jonie kahit na humihingi na ito ng tawad.

Sa pag-iimbestiga ni Jake sa krimen, malalaman niyang may kaugnayan ang biktima sa isang hukom (Nonie Buencamino) at kay Ms. Patti (Cherie Gil), mga maimpluwensiyang kaibigan ng pamilya Herrera. Ang hukom ay naging tagatangkilik ng escort services na pinatatakbo ni Ms. Patti, minsang naging kalaguyo ng dating Pangulo. Malalaman din niyang may koneksyon sa amang si Jacobo ang pagkamatay ng kanyang ina. Dala-dala ang baril na nabili niya sa isang pulis, sumugod siya pa-Maynila at kinumpronta ang ama. Naroon si Enchong at nag-aabang sa mga susunod na pangyayari. Nang itutok ni Jake ang baril sa ama, akmang bubunot din ng baril si Enchong. Ngunit binaril siya ni Jake. Mula rito’y hindi na siya makikipagkita sa kanyang pamilya.

Kasaysayan  
Image result for citizen jakeSinasabi ng mga peryodista na ang pamamahayag ay pagmamadali sa pagsulat ng kasaysayan, lalo na’t isinasagawa ito sa araw-araw at may hinahabol na deadline. Ngunit ngayon, di lang iilang mga nasa poder ng kapangyarihan ang nagbansag sa tradisyonal na media bilang tagapagpalaganap ng “fake news” o ng mga ulat na layunin lamang siraan ang administrasyon o sinumang nasa gobyerno ngayon. At naging matindi pa ang labanang ito dahil sa pagsulpot ng mga kung ano-anong websites, blogs, at social media na panay “feel good” o magagandang balita lamang ang inuulat upang kontrahin ang tradisyonal na media.

Sa ganitong konteksto maikakawing ang paglikha sa Citizen Jake. Tahasang kinokontra ng pelikulang ito ang mga lumalaganap sa social media ukol sa mga mito ng pamilya Marcos nang sila pa ang nasa Malacañang. Ang palitang piso kada isang dolyar kaya maunlad ang buhay noong pangulo pa si Marcos. Ang yaman ng pamilya Marcos na kayang bayaran ang utang ng Pilipinas. Ang sandamakmak na medalya ni Marcos dahil sa kabayanihan niya noong kolonyalismong Hapon. At ang naunsyaming ala-Singapore ng Pilipinas ngayon kung hindi lang nawala sa poder ang mga Marcos. Ngunit pinatunayan ng mismong aide-de-camp ni Marcos na si Primitivo Mijares na peke ang marami sa mga medalya ng dating Pangulo. Na mahilig sa sapatos si Imelda kaya umabot ng libo-libong pares ang kanyang pinagbibili sa labas ng bansa. Ito at ang iba pang insider information ay nilathala ni Mijares sa kanyang aklat na The Conjugal Dictatorship of Ferdinand and Imelda Marcos (1976). Pagkalathala ng aklat, hindi na nakita pang muli si Mijares. Ang isang bahagi ng impormasyon sa aklat ay ginamit sa pelikula upang buhayin ang karakter ni Ms Patti sa Citizen Jake. At si Ms Patti ang bumibigkas ng matatamis na salita sa mga babaeng gipit sa salapi upang mag-escort service.

Ipinakikita rin sa pelikula ang kahalagahan sa edukasyon, partikular sa laging pag-alala sa kasaysayan. Isa sa makukulay na karakter sa Citizen Jake si Lucas (Lou Veloso), kapwa-guro ni Jake sa Baguio. Naging aktibista si Lucas noong dekada 1970, nahuli, at nakaranas ng tortyur noong panahon ng Batas Militar. Maswerteng nabuhay at nagturo sa pamantasan. Sa isang eksenang nag-uusap sila ni Jake ukol sa eleksyon, binigkas ni Lucas na “Eleksyon na naman! Yes! New set of a**holes! Yeah!”      

Tahasang binabangga ng Citizen Jake ang umiiral na paniniwalang maging apolitikal na lamang ang isang mamamayan at gumawa nang mabuti para sa sarili at sa pamilya. Isa itong dilemma kay Jake dahil alam niyang may mantsa ang pangalang Herrera ngunit kagalang-galang pa rin sa mata ng marami, lalo na ang mga nasa itaas. Kaya kailangang tumbalikin ni Jake ang sarili at maging mamamahayag, sumulat ng maaanghang na artikulo kahit masaktan ang kanyang pamilya.

Image result for citizen jake
Politikal
Ang Citizen Jake na marahil ang pinakapolitikal na pelikula ni De Leon mula pa sa Batch ’81 (1982) at Sister Stella L. (1984). At ang dalawang pelikulang nabanggit ay nilikha ni De Leon sa kasagsagan ng diktaduryang Marcos. Sa administrasyon ngayon na lantarang maka-Marcos, mapapansing kung ano ang naging mga istratehiya at taktika ng dating diktadurya ay siyang naging pamamaraan din ngayon ni Duterte.

Isa sa mga ito ay ang paggamit sa isyu ng iligal na droga upang maipatupad ang isang de facto police state. At mapakulong at mapatay ang sinuman dahil dito. Umaabot na ngayon sa mahigit 6,000 ang mga napatay dahil sa Oplan Tokhang nang wala man lang patunay kung sangkot nga ba sa iligal na droga ang marami sa mga ito.

Binansagan din ang media bilang mga nanggugulo sa mga polisya ng administrasyong Duterte. Kaya ginipit sa iba’t ibang paraan ang pahayagang Inquirer at news website na Rappler huwag lang silang makapaghatid ng mga ulat. Lumaganap naman ang “fake news” ngayon sa social media, na dinadala ng mga lehitimong opisina ng pamahalaan.
Image result for citizen jake gabby eigenmann

Pinakamasahol sa mga ito ay ang pagpapalibing sa dating diktador sa Libingan ng mga Bayani. Pinatunayan na ng mga korte sa US na nandambong ng bilyon-bilyong piso ang pamilya Marcos at naging polisiya noong Martial Law ang pagdakip at pagtortyur sa mga kritiko nito.

Ilan lamang ang mga ito sa tinalakay ng Citizen Jake. Gamit ang voiceovers at montage, isinalaysay ni Jake ang naging madugo at marahas na kasaysayan ng Pilipinas sa loob ng mahigit 50 taon. Na kung tutuusin ay nauulit lamang sa ibang lugar at ibang pangalan. Nasa harap na natin ngunit hindi natin makita.

Dahil nasa tungki pala ng ating ilong ang kaaway. #



*Ang mga larawan ay mula sa Facebook account ng Citizen Jake.

Monday, March 19, 2018

Kalidad (o kung bakit masarap pa rin sa Ma Mon Luk)

Larawan mula sa: https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEiXLHo7o-vJFjwkUwHKotv3LEGJN-K4_U-P8gWMWktT_gJDL1cPhmuNeoOkzMzwlYpnaBuQ8ZuQ0l3EmVQiOriYrkTNwrTSCFPk5aCHQh-Hb8IcR819k3y7ytCbVSB-YcaGNgM59kLEhuY/s1600/Mamonluk%252C1955+copy.jpg
Kalidad (o kung bakit masarap pa rin sa Ma Mon Luk)
ni Louise Vincent B. Amante

Gustong-gusto ko ang homiliya kahapon ni Rev. Fr. Mon Eloriaga, ang kura paroko ng St. Joseph Shrine sa Anonas, Quezon City. Kahit na umabot ng kalahating oras ang kanyang sermon ukol sa Ebanghelyo, isang bahagi nito ang nakakiliti ng aking atensyon. At maging intelektwal na "kulit."

Sa umpisa ng kanyang homiliya, ibinahagi niya ang tungkol sa balak niyang papiyesta ngayong araw. (Marso 19 ang araw ng Pista ni San Jose.) Balak niyang ipakain ay mami at siopao mula sa Ma Mon Luk. Sabi niya sa homiliya, "Pinapili ko sila: regular mami plus special siopao o special mami at regular siopao? O parehong regular o parehong siopao? Pareho namang masarap iyon," paniguro niya.

Pumunta agad sa Ma Mon Luk si Father kasama ang Parish Management Officer (PMO). "Ngunit ang sabi ng manager ng Ma Mon Luk, 'Sorry po, but we could not do your request.' "Nagtaka si Father at ang PMO. "Daragdagan lang naman ng crew ng Ma Mon Luk ang regular na nilang inihahandang mami at siopao para sa Pista ni San Jose. Ngunit ulit ng manager ng Ma Mon Luk, 'Sorry po, but we could not do your request.' " 

Saka na nagpaliwanag ang manager. Ayon sa homiliya ni Father, " 'Pine-preserve po namin ang quality ng Ma Mon Luk.'

" 'Ang init pa rin dito. Hindi iyon quality. Bakit hindi kayo mag-aircon?' tanong ko.


" 'Ginawa na po namin iyan. Para mas komportable sa customers. Pero nagbago po ang lasa ng mami at siopao.'

" 'Pero bakit nga hindi ninyo magagawa ang order namin?' ang PMO na ang nagtanong.

" 'Kasi po, kung ano po ang dami ng mami at siopao na ginagawa namin, iyon lang po ang ginagawa namin. Since magsimula po ang Ma Mon Luk, iyon na po ang sinusunod namin.'


"Umaalingawngaw sa aking pandinig ang salitang 'quality.'"
Saka na nagpatuloy si Father sa pag-ugnay ng kaniyang ikinuwento sa Ebanghelyo.

Ano'ng mayroon dito? Matagal na akong huling nakakain ng special mami at special siopao sa Ma Mon Luk. Una kong nabasa ang ngalang ito sa tula ni Pete Lacaba na "Ang Kagila-gilalas na Pakikipagsapalaran ni Juan dela Cruz." Kaya nang makita kong may Ma Mon Luk sa Quezon Avenue, naging lugar na namin ito ni Margie (asawa ko ngayon) para mag-date doon. Kahit ang anak naming si Likha, gustong-gusto ang siopao ng Ma Mon Luk.

Sa sinabi ni Father, tumpak ang salitang quality para sa Ma Mon Luk. Hindi man nakapag-expand -- ang isa pang branch nito ay sa Quiapo malapit sa Raon -- walang tatalo sa kalidad ng kanilang produkto. Tulad sa pangalan at dangal, dapat ingatan at hindi sinasayang.

Kaya hindi totoo ang sinasabing karne ng pusa ang laman ng kanilang siopao. Sino'ng nagkalat ng tsismis na ito at hindi mamamatay-matay? Ayon sa isang chef na nakausap ko ilang taon na ang nakararaan, isang sikat na sikat fast food chain ang pasimuno nito.

Nawa'y manatili pa ng mahabang panahon ang kalidad ng produkto ng Ma Mon Luk.


19 Marso 2018
Lungsod Quezon

Thursday, March 15, 2018

Areglo


Larawan mula sa http://www.sunstar.com.ph/sites/default/files/styles/large/public/field/image/article/blind_street_performer_busking_0.jpg?itok=Mm_jQHTG
Areglo
ni Louise Vincent B. Amante

Ilang ulit nang kinaskas

ng bulag na musikero
ang gitarang may biyak
ang bibig at ang mga kuwerdas
ay halos kalawangin na.
Silindro'y laylay 

sa sinasabitang batok.
Mikropono'y pumapalya.
 
Pero sige lang nang sige.


Pamilyar na mga kanta
ang tinutugtog, inaawit,
umaalingawngaw hanggang
sa kabilang panig ng overpass.
Ngunit kanina pa 
kinakapos
ang melodiya
ng mga barya
sa donation box.


Lungsod Quezon
15 Marso 2018

Thursday, February 8, 2018

"Mahal na Lungsod," ni Conchitina Cruz


Larawan mula sa http://www.cbcpnews.com/cbcpnews/wp-content/uploads/2012/08/DSC_7201.jpg


Mahal na Lungsod,
Conchitina Cruz

Hayaan mong ipaalala namin sa iyo: biyaya ang anumang mula sa langit, hindi kaaway ang ulan. Paksa ng dalangin ang ulan, isang mabuting tugon ng mga santo. Mahal na Lungsod, ipaliwanag ang iyong kawalang galang: sa iyo, isang panauhing walang patutunguhan ang ulan. Nasaan ang lupang
pag-ibig ng tubig ang tanging batid? Nasaan ang mga landas patungo sa iyong puso? Kahabagan ang tubig na humihimpil at umaapaw sa mga kalsada, kahabagan ang tubig na nagpapabaha sa mga bahay, napakaitim at napakarumi at sagana sa mga daga at dahong patay at plastik. Hiyang-hiya ang tubig sa sinapit niya dahil sa iyo. Ano ang iyong ginawa sa kagandahan niya, ang kaaya-ayang lawas niya sa mga larawan ng karagatan, ang malinaw na mukha niya sa salamin? Lumalakad kami sa baha at hindi namamalas ang aming mga paa. Nalimutan naming magpasalamat sa kabutihang-loob ng mga diyos. Naghahanap kami nang masisisi at ikaw iyon, walang kuwentang lungsod, dahil kami ay mga taong may dangal, pinakakain namin ang aming mga anak tatlong beses kada araw, hindi kami sumasablay bumoto. Ang tanging paliwanag ay ikaw, mahal na lungsod. Tapos na ang ating pag-uusap. Wala nang iba pang maysala.


Salin sa Filipino ni Louise Vincent B. Amante



From:
Cruz, Conchitina. "Dear City," in Dark Hours. Quezon City: University of the Philippines Press, 2005, p. 3.

Monday, January 22, 2018

Busal at Parangal

Larawan mula sa https://assets.rappler.com/612F469A6EA84F6BAE882D2B94A4B421/img/4D97A822896049D38022052928B81B72/fake-news-quiz-20170308.jpg



Busal at Parangal

ni Louise Vincent B. Amante

'Pag Rappler at Inquirer ang nag-ulat,
panay paninira daw ang ikinakalat
at fake news agad ang ibinabansag.
'Pag sina Sexy Dancer, Taxi Boy, at Trans na Sikat
ang nag-blog ng mga papuri kay Tatay Tusongdumb,

libo-libo ang nagla-like, panay pa thumbs-up!

22 Enero 2018

Sunday, September 24, 2017

Magngangalit ang pagbagsak ng ulan, Kas

Magngangalit ang pagbagsak ng ulan, Kas
ni Louise Vincent B. Amante

Magngangalit ang pagbagsak ng ulan, Kas.
Ngayo'y ikaapat na Lunes ng buwang Hulyo.

Nakaraang buwan pa nang magsimula
Tayong lahat na maglakad mula porbinsyang
Nakapaligid sa sentrong Maynila.
Nakitulog tayo sa piling ng mga kalsada't

Landas na maalikabok. Silong nati'y
Tagpi-tagping telang naghuhumiyaw

Sa ating mga hinaing na hiling
Pa ng ating mga lolo't lola,
maging sa tuhod 
at talampakan;
Naipasa sa ating mga ama at ina
At tayo ngayon ang nagsasatinig.
Pudpod na ang aking Check Taylor's
Ngunit halos patay na ang iyong mga kuko

Sa paa sa pag-akyat ng mga puno ng niyog
At paninimbang sa mga pilapil.


Magngangalit ang pagbagsak ng ulan, Kas.
Ngayo'y ikaapat na Lunes ng buwang Hulyo.

Nakapagluto na sina Aling Mercy at Tata Greg,

Salamat sa mga nag-aabot na estudyante
Ng kolehiyo. Salamat din kay Ka Tonyo

At Ka Myrna, mga lider na nagpalakas
Ng ating loob na tayong mga nasa kanayunan
Ang dapat na makapangyari. Salamat

Kay Prop. Neil na nagbahagi na higit pa
Sa apat na sulok ng silid-aralan
Ang matututuhan mula sa aming piling.
Bawat ginigiling ng ating mga bituka
Ay may nagpawis sa tirik na araw.


Magngangalit ang pagbagsak ng ulan, Kas.
Ngayo'y ikaapat na Lunes ng buwang Hulyo.
Mula sa kampuhan, nagmamartsa tayo patungo
Roon sa bulwagan ng mga nakabarong at ternong
Makukulay, magagara. Nagniningning sa brilyante't
Esmeralda. Suot nati'y halos maging basahan na
Sa sahig, isasampay na lang sa bakod. Haharangan
Pa tayo ng mga de bota't de yantok at de kalasag.
Mga tagapamayapa? Di ba't siglo nang hindi natin
Naaamoy ang samyo ng kapayapaan?

Ngunit naisasaulo ng ating ilong ang sanghaya

Ng nasusunog na mga halimaw na papel.

Magngangalit ang pagbagsak ng ulan, Kas.
Ngayo'y ikaapat na Lunes ng buwang Hulyo.

Alam na natin ang sasabihin ng tatayo sa harap
Ng grandiyosong bulwagan. Batid na rin niya
Ang kanyang pagtataksil sa ating lahat:
Na naririto't nasa labas ng bulwagan ng mamamayan.


23 Hulyo 2017
Angono, Rizal

Wednesday, September 20, 2017

Plate Number

Plate Number
ni Louise Vincent B. Amante

Isang kuting
Maingat na tumatawid
Sa kalsada
Humaharurot ang kotse
Sa kanang direksyon
Sapul ang kuting
Nangingisay
Nakabuka ang bibig
Mula sa bungo
Ng hayop
Napaliguan ng dugo
Ang mainit na kalsada
Nakunan ng cctv
Ang pangyayari
Ang plaka ng kotse
PDU 301




18 Setyembre 2017