Mula ang larawan sa https://thekevinpableo.files.wordpress.com/2020/05/stickerhappy-1.jpg?w=723&h=485
Gitara
Louise Vincent B. Amante
Kinandong ko ang gitarang
binili ni Tatay sa naglalakong matanda.
Di ko alam kung bakit napabili si Tatay,
matamis kaya ang dila ng nagbebenta?
Tinipa-tipa ko ang kuwerdas.
Binuklat ko ang chord chart
na nasa songhits ni Ate.
Di lumalapat ang mga daliri ko
para mapatunog ang A chord.
Sumasabit ako sa pag-istram.
Inulit ko nang inulit, wala pa rin.
Paano nga ulit ang D, E, C, at G?
Madali lang ang E minor, A minor, D minor.
Saka na ang F, F#, G#, Bb, B, C#, at Eb.
Isinilid ko muna sa case ang gitara.
Dinala ko kina Kuya Ely.
Kinuha niya sa case ang gitara at itinono.
Tumipa siya ng G chord. Tapos ay C.
Apat na kumpas kada chord. Inulit ang pattern.
"O, pare ko . . ."
Saka ako natutong magmurá.
Agosto 6, 2021
Lungsod Quezon
No comments:
Post a Comment