Sumakay siya ng tren sa MRT-Kamuning station kaninang alas-nuwebe ng umaga. Dahil punuan naman lagi ang tren, siniksik niya ang sarili sa hanay ng mga nakasakay na sa loob ng bagon. Nakapuwesto siya sa may baras na patayo malapit sa pintuan nito. Nag-signal na sa pagsara ang pinto. Sumara ito. Umandar na muli ang tren.
Kahit siksikan, madali siyang mapansin sa gitna ng mga katawang kasabay niya sa tren. Matingkad na dilaw na blouse ang suot niya, hanggang itaas ng tuhod ang laylayan. Hindi naman mababa ang neckline, pero kita ang cleavage niya. Nasa kasibulan siya ng kanyang edad.
"Paparating na sa Cubao station. Mangyaring kumapit lang po sa mga safety hand rails at mag-ingat sa mga mandurukot..." paalala ng naka-record na boses ng isang babae.
Pagbukas ng pinto ng bagon sa Cubao station, limang pasahero ang nakipagsiksikan para lang makababa. Pero tatlong ulit nito ang nagpupumilit at matagumpay na nakasakay sa tren. Nakababa rin ang limang pasahero. Nasiksik pa siyang lalo. Sumara na muli ang pinto.
Isang lalaki na nakakahel na polo ang nasa likod niya. Nasa kuwarenta mahigit ang hitsura ng lalaki. Nasa gitnang bahagi ng tren ang lalaki at sa halip na sa itaas na baras, sa kinakapitan niyang baras din kumapit ang lalaki. Kaliwang kamay ng lalaki ang nakakapit sa baras na nasa harapan niya.
Hindi muna niya pinansin ang pantsatsansing ng lalaki. Malapit na sa Santolan station ang tren nang maramdaman niya ang pagsinghot ng lalaki sa kanyang buhok. Hindi kaya ng aircon na palamigin ang tren. Walang iniwan sa lata ng sardinas ang siksikan sa tren. Namamalas niya ang ilang butil ng pawis sa braso ng lalaki.
"Paparating na sa Shaw Blvd. station..."
Naghanda nang bumaba ang marami-raming pasahero. Naiipit siya sa paglabas ng mga tao. Hindi pa rin tinatanggal ng lalaki ang kanyang kamay sa baras hanggang sa dalawa sa mga nakaupong pasahero ang tumayo para makababa sa tren. Umupo siya agad. Tatabi dapat sa kanya ang lalaki pero naunahan ng isang babaeng pasahero na matagal na ring nakatayo kanina.
Tumapat sa kanya ang lalaki. Nakatungo ang ulo ng lalaki. Alam na niya kung bakit. Tumingala siya. Tiningnan ang lalaki.
Nagulat ang lalaki sa narinig sa kanya.
"May problema, pare?!" Ang tunay niyang boses. Boses-lalaki. #
No comments:
Post a Comment