Thursday, June 1, 2017

Liham

Liham
ni Louise Vincent B. Amante


Dumating ang iyong liham isang araw na wala ako sa bahay. Sinabi lang sa akin ni Aling Toyang na kapitbahay kong tindera. Ilang beses nang pabalik-balik ang matandang kartero. Siya na lang ang pumirma para hindi na mapagod ang lalaking iilan na lamang ang inihahatid na sulat sa panahon ngayon ng internet. (Pati nga ang mga diyaryo, napapansin kong halos hindi nabibili sa tindahan ni Aling Toyang.)

Iniabot niya ang liham sa akin kagabi pagdaan ko sa tindahan niya. Naroon si Anna, ang dati kong lugod. Ilang taon na siya sa Amerika at kagabi lang din umuwi. Masaya ang atmospera ng kanilang bahay dahil sa naroon ang mga apo ni Aling Toyang at iba pa niyang mga anak. Si Anna? Ngumingiti siya sa mga pamangkin pero may lumbay sa kanyang mga mata.

Dala-dala ko ang imaheng iyon pag-uwi ko sa bahay. Binuksan ko ang sobre. May talulot ng puting rosas sa loob. Natuwa ako. Binasa ko ang iyong liham. Nais mo akong sumunod sa iyo sa Paris. Napatingin ako sa salaming nakasabit sa dingding, malapit sa refrigerator.

Biglang lumabo ang tingin ko sa salamin.


1 Hunyo 2017
Lungsod Quezon

No comments:

Post a Comment