Saturday, May 9, 2015

(P)Utang(na)

(P)Utang(na)
182 bilang ng salita

Iniisa-isa niya ang mga gastusin sa bahay. Kuryente: P9,000. Tubig: P1,500. Renta: Nakikitira sa bahay ng mga biyenan, libre. Abot sa mga biyenan: P3,000. Diapers ng bunso... Matrikula ng panganay... Sariling pangyosi...

Nakukurta na ang utak niya sa pagkakalkula. Dumukot siya sa kanyang wallet ng bente pesos. “Manong, isa lang. Sa Kamias. Galing Morato.” Iniabot ng katabi ang pera sa drayber ng dyip.

Kaninanga bago mag-uwian, nagpasalamat siya sa may-ari ng karinderyang malapit sa kanyang pinapasukan. Kahit pamasahe lang ay pinahiram siya. Pangako niya, mababayaran niya ang mga utang pagdating ng katapusan sa susunod na linggo.

May sumakay na batang gusgusin, may dalang trapong napakarumi. Pinunasan niya isa-isa ang mga sapatos at maging ang paa ng mga nakatsinelas. Hindi niya pinansin ang ipinampunas ng bata, at ang bata mismo. Nakalahad ang palad nito, may bakas pa ng natuyong rugby.

“Sukli sa bente, o!” sabi ng drayber. Iniabot sa kanya ng katabi ang sukling sampung piso.

Bago pa dumampi sa palad niya ang barya, sinaklot na ito ng batang gusgusin, sabay karipas ng takbo pababa sa dyip.

Wala na siyang nasabi kundi "Putangna." #

No comments:

Post a Comment