Tuesday, June 15, 2021

San Clemente, Pintakasi

Larawan ni Nicole Marionette De Castro, mula sa Twitter post ng St. Clement Parish (@scpangono). Link sa larawan: https://twitter.com/scpangono/status/1065783484608696321/photo/1 

San Clemente, Pintakasi*
Louise Vincent B. Amante

Nang itali sa ‘yong leeg
Angklang bago at makinis,
Hudyat itong mapapatíd
Ang hininga mo ng tubig.

Tubig din ang nagsiwalat
Taon-taon sa ‘yong rilag.
Mula sa pusod ng dagat,
Itong himala’y namalas.

Namalas ng buong mundo
Di ang tiara sa ‘yong ulo
Kundi pag-ibig mong puro
Umabot sa bayang ito.

Itong mahal naming bayan
Angono ang tanging ngalan
Sa lupa’t tubig nabuhay
Kami dahil sa ‘yong gabay.

Gabay ka sa paglalayag
Ng pagodang matataas
Palamuti’y banderitas
Sa lawaang kumikislap.

Kumikislap mga kulay
Ng kambas, mga awitan.
Sining ng baya’y yumaman
Sagana sa bagay-bagay.

Bagay naming sinasabi
Mga salitang mabuti’t
Higit sa mga brilyante:
San Clemente, Pintakasi. #

Hunyo 2, 2021


*Kabilang sa SAMBANGKA: 15 Tula, proyektong koleksiyon ng mga tula/awit ng Angono Tres-Siete (3/7) Poetry Society para sa pamimintuho sa Mahal na Patrong San Clemente at ambag sa panawagang maituring na diocesian shrine ang Parokya ni San Clemente sa Angono, Rizal. Unang nilimbag sa facebook page ng Angono Rizal News Online, 6 Hunyo 2021.

No comments:

Post a Comment