Tuesday, June 15, 2021

Ichthus

Larawan ni Nicole Marionette De Castro, mula sa Twitter account ng St. Clement Parish (@scpangono). Link ng larawan: https://twitter.com/scpangono/status/1065783484608696321/photo/1


Ichthus* Louise Vincent B. Amante

Pagdaong ng pagoda, Huhudyat ang tambol
Ng stacatto na ritmo.
Susunod ang palo
sa mga tom-tom at bajo.
Mabilis ang melodiyang
Umiihip sa mga plawta,
Klarinete, saksopono,
Trombón, trompeta:
Umiindak ang bayan
Sa tugtog na pandanggo.

Sa pagbalik ng prusisyon
Sa simbahan,
Nasa angkla ng patron
Ang nahuling mga isda ng lawa.
May kanduli, bangus,
Tilapia, ayungin, karpa.
Kapag matataba’t
higit sa labindalawa,
sagana ang buong taon.
Kapag payat at kulang sa pito,
Baya’y mapapaantanda’t
Mapapabuntonghininga.

Pagdating sa patio,
Basâ ang damit ng lahat.
Tutugtog naman ng paso doble
Ang mga tambol at tom-tom,
Bajo, plawta,
Klarinete, saksopono,
Trombón, trompeta.
Sabay-sabay ang bayan sa pag-indak.
Iuugoy ang patron sa kanyang andas.
Pati mga isda’y napapasayaw
Sa galiáng kanilang nasasaksihan. #

Hunyo 2, 2021

*Kabilang sa SAMBANGKA: 15 Tula, proyektong koleksiyon ng mga tula/awit ng Angono Tres-Siete (3/7) Poetry Society para sa pamimintuho sa Mahal na Patrong San Clemente at ambag sa panawagang maituring na diocesian shrine ang Parokya ni San Clemente sa Angono, Rizal. Unang nilimbag sa facebook page ng Angono Rizal News Online, 6 Hunyo 2021. 

No comments:

Post a Comment