[H]indi ba matagal na nating pinatay ang gunita ng Haring Felipe ng España nang gamitin ng bansa ang ngalang "Pilipinas"?
*****
Nitong mga nakaraang araw, tigib sa mga komentong mahusay at maging mga dunung-dunungang isip ang Facebook, rappler.com, inquirer.net, GMANewsOnline, at iba pang websites tungkol sa mungkahing pagpapalit-ngalan ng ating bansa.
Naglabas ng Resolusyon Blg. 13-19 ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na mula sa Pilipinas, magiging Filipinas na ang ngalan ng ating bansa. Ayon sa resolusyon:
"IPINAPASIYA, gaya ng ginagawang pagpapasiya ngayon, na ibalik ang gamit ng 'Filipinas' habang pinipigil ang paggamit ng 'Pilipinas' upang mapalaganap ang opisyal at modernisadong katawagan ng bansa na kumikilala sa kasaysayan at pag-unlad ng pagkabansa nito."Sa biglang tingin, magtatanong tayong mga karaniwang mamamayan ng "Bakit papalitan?" Tulad ng mga nagtatanong at nagtataka ngayon, wala akong nakikitang suliranin o pagkakamali sa baybay na Pilipinas na pangalan ng ating bansa. Na madali rin namang ikatwiran -- na akin ding sinasang-ayunan -- na nakasanayan na ang ganyang ispeling: Pilipinas.
Ayon sa sanaysay na "Patayin ang 'Pilipinas'" ng Punong Komisyoner Virgilio S. Almario na lumabas sa pahayagang Diyaryo Filipino noong 1992,
"Modernisado na ang ating alpabeto at kasama sa mga dagdag na titik ang 'F.' Kaya hindi na 'Pilipino' kundi 'Filipino' ang ating wikang pam bansa. Sagisag ng diwa ng modernisasyon at pagiging pambansa ng wika ang pagbabago ng unang titik mula sa 'P' tungo sa 'F.' Kaya’t sagisag din ng patuloy nating pagdadalawang-isip at pagbabantulot palaganapin nang puspusan ang 'Filipino' ang patuloy pa nating paggamit sa 'Pilipinas.'"Maaaring tingnan na nagagamit ngayon ni G. Almario ang kanyang naging mga pananaliksik sa wika tungo sa pagpapaunlad ng wikang Filipino, bilang Punong Komisyoner ng KWF. Sa ganitong paraan, maipagpapasalamat ang kanyang malasakit sa wikang Filipino at ang pagiging instrumental ng KWF sa mga usaping tulad nito. Ngayon ay nararamdamang-muli ng mga mamamayan na may ahensya pala ng pamahalaan na may pakialam sa wikang Filipino.
Balikan natin ang siniping pahayag sa itaas mula sa Resolution Blg. 13-19. Nakasaad dito na ang ngalang Filipinas at ang pagpapalaganap ng ganitong baybay sa ngalan ng bansa "ang opisyal at modernisadong katawagan ng bansa na kumikilala sa kasaysayan at pag-unlad ng pagkabansa nito." Tanong ko: kailan naging opisyal na ngalan ng bansa ang Filipinas? May sagot agad ang KWF. Ayon sa kanila, ito ang ipinangalan ng conquistador na Español na si Villalobos sa ating kapuluan noong 1548 at tuluyang ginamit ng conquistador din na si Legazpi noong 1565 upang tukuyin ang buong arkipelago. (Matatagpuan ang kanilang sagot sa "Mungkahing Pagbabalik ng Gamit ng 'FILIPINAS' habang pinipigil ang paggamit ng 'Pilipinas'.)
Ayon naman sa Republic Act No. 8491, Chapter IV, Sec. 41:
Na kung babaguhin ang ngalan ng ating bansa patungong Filipinas, kailangang amyendahan ang batas na ito. Batay ito sa mga kakilala kong abogado at mga nagtapos ng political science. Samakatwid, ang ngalang Pilipinas ang opisyal na ngalan ng bansa.The National Coat-of-Arms shall have:Paleways of two (2) pieces, azure and gules; a chief argent studded with three (3) mullets equidistant from each other; and, in point of honor, ovoid argent over all the sun rayonnant with eight minor lesser rays. Beneath shall be the scroll with the words “REPUBLIKA NG PILIPINAS,” inscribed thereon.
Sa huling bahagi ng resolusyon ng KWF, matatagpuan ang salitang "mungkahi". Na ito pala'y isang mungkahi lamang ng KWF. Ibig sabihin, nasasaating mamamayan ng bansang Pilipinas kung susundin at babaguhin na natin ang baybay ng ngalan ng bansa tungong Filipinas. (Kung ganito man, maghihintay tayo ng order mula sa Department of Education upang ipatupad sa mga paaralan na gamitin ang ngalang Filipinas para makabuo ng salinlahing gagamit ng ngalang ito para sa ating bansa.)
Napag-uusapan na rin ang mga mamamayan ng Pilipinas na tinatawag bilang mga Pilipino. Kabilang sa mga Pilipino ang mga nakatira sa Batanes hanggang Tawi-Tawi, hilaga hanggang timog ng bansa. Ayon sa mga nag-aaral ng wika, humigit-kumulang 170 ang mga wika ng bansa. Nangangahulugan lamang ito na may pagkakaiba at pagkakatulad ang mga wika ng Pilipinas dahil sa pinagmulang Austronesian at Malayo-Polynesian language groups at impluwensya ng mga kalapit-bansa. Bukod pa rito ang mga salitang napasali sa ating mga wika mula sa Ingles at Español.
Samakatwid, kaya Filipino ang tawag sa ating wikang pambansa simula 1987 ay dahil malayo na ito sa Tagalog na wikang pambansa noong 1937. Ayon sa Konstitusyong 1987, pag-iibayuhin ang wikang Filipino batay sa mga umiiral na wika ng bansa. Kaya pati alpabetong Filipino ay malayo na rin sa abakadang Tagalog. At nasa diksyonaryong Filipino na ngayon ang mga salitang katutubo na may /f/, /v/, /z/, /q/, /c/, /x/, /j/, at /ñ/. Pinatutunayan ito ng isang artikulo ni Dr. Pamela Constantino ng UP Diliman.
Tanong ko naman: bakit hinahanap natin sa ngalang Filipinas ang pagpapatunay na may /f/ sa ating mga wika? Nagawa na iyan ng ngalang Filipino bilang wikang pambansa. Walang problema sa pagkilala sa mga natatanging tunog ng ibang wika na bumubuo sa korpus ng wikang Filipino. Pero bakit ipinagdidiinan ang pagkakaiba kaysa mga pagkakatulad? Ang alam ko, ang salitang "mata" ay nasa lahat ng wika sa Pilipinas. Bakit hindi natin makita ang pagkakatulad na ito?
Hindi pa ba sapat na panatilihin na lang ang ngalang Pilipinas dahil mayroon din itong batayang pangkasaysayan? Mula Filipinas noong panahon ng Español ay napalitan ito ng Pilipinas dahil naging Tagalog ang wikang pambansa noong 1937. Ito'y isang hakbang pasulong kaugnay ng wika. Ang pagbabalik ng pangalang Filipinas, sa palagay ko, ay isang hakbang paatras sa dapat na pagsulong ng kasaysayan at ng wika. Sinasang-ayunan ko pa ang opinyon ni G. Richard Gappi kaugnay ng paggamit ng Rizal News Online na "patayin ang 'Felipe'" sa ngalang Filipinas.
Pero hindi ba matagal na nating pinatay ang gunita ng Haring Felipe ng España nang gamitin ng bansa ang ngalang "Pilipinas"?
Kaya, sa Pilipinas pa rin ako.
No comments:
Post a Comment