Wednesday, July 31, 2013

Mga Bagani



Mabagal man ang pagsulong, lumalawak ang larangan
Tuwing silay ang liwanag ng umagang bagong gising;
Sakbat-sakbat ang pag-asang malaon nang hinihintay.

Hinanda na'ng mga gamit sa malayong paglalakbay
Luto na rin ang agahan sa hapag ng nagpahimpil. 
Mabagal man ang pagsulong, lumalawak ang larangan.

Natitisod mga paang hapong-hapo sa batuhan
Magpahinga'y para lamang muling masdan ang bituin;
Sakbat-sakbat ang pag-asang malaon nang hinihintay.

Aawitin sa isipan mga sakit at tagumpay
Habang himbing mga backpack, bolpen, papel, pati baril.  
Mabagal man ang pagsulong, lumalawak ang larangan.

Pagsapit sa sonang muog, di mapigil kasiyahan
mga pusong may giliw sa kan'lang hukbong bagong dating.
Sakbat-sakbat ang pag-asang malaon nang hinihintay.

Nakaikot ngayon, mga labing uhaw sa salaysay
sa harap ng panginori't kanayunan pang lalakbayin.
Mabagal man ang pagsulong, lumalawak ang larangan;
Sakbat-sakbat ang pag-asang malaon nang hinihintay.


07/31/2013

No comments:

Post a Comment