Ito ang panahong masasabi nating "ipinagmamalaki ko ang pagiging Pilipino" at "mahal ko ang aking wika: Filipino" dahil Buwan ng Wika ang Agosto.
Mula sa ating mga bayani bago hanggang sa matapos ang Himagsikan laban sa mga unang naging kolonisador ng ating bansang Pilipinas, wika ang isang mabisang instrumento upang mapagbuklod ang mga mamamayang tinawag nila noong indio.
Wika rin ang ginamit upang ipakintal sa nagsisimula't kumakapal na bilang ng mga manggagawa noong maagang yugto ng kolonyalismong Estados Unidos (US) ang pangangailangang magbuklod para sa sahod na bumubuhay, maalwang kondisyon sa mga pagawaan, at iba pa na magiging bukambibig bilang mga "karapatan".
Hanggang ngayon, masasabing gamit na gamit na ang ating mga wika, bukod pa sa Filipino, bilang mga wika ng pakikipagtalastasan at ugnayan sa loob at labas ng ating bansa partikular sa ating mga kababayan. Bukod dito, hindi na rin mapasusubalian na may merkado na ang wikang Filipino sa mga unibersidad sa labas ng Pilipinas; kaya't di na iilang study programs for Filipino speaking-foreigners ang inilulunsad sa mga nangungunang unibersidad sa ating bansa.
Isa lang ang ibig sabihin nito: matatag na ang wikang Filipino.
May ilang pangkat lamang na makulit na tinitibag ang tindig ng Filipino at winawalang-bahala ang naabot nito. Anila, dapat ding pagyamanin ang iba pang wikang katutubo. Walang suliranin dito at mula rito'y yayaman pang lalo ang wikang Filipino. Subalit, kapag kanilang ihahapag ang katwiran ng kanilang panig, sila'y nagi-Ingles. Kakatwang paraan.
Hindi tayo tutol sa Ingles bilang wika na ginagamit din sa Pilipinas. Subalit pangunahin bilang wikang opisyal ng bansa ang Filipino. Kaya't dapat itong payabungin ng mga Pilipino mismo. Hindi mga Pilipino ang magpapayabong ng Ingles dahil hindi ito ang wikang kinagisnan ng ating dila. Marami sa ating mga pribadong paaralan ang mahigpit pa rin ang kapit sa Ingles bilang pinto natin sa daigdig. Nabubuhay ang mga administrador nito sa malayong nakaraan. Isang pag-aaral ang lumabas kamakailan na isa na lamang ang Ingles na ginagamit sa Internet, ang kasalukuyang pinakaabanteng imbensyon ng panahong ito.
Sa ngayon, ang hamon kaugnay ng wika ay lagpasan na natin ang mariringal na pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Bukod sa mga estadistika, dapat na nating tingnan ano pa ang magagawa ng wika sa mga susunod na taon upang malutas ang matagal nang kalaban ng bansang ito: Kahirapan. Kung noong panahon ng Himagsikang 1896 ay may silbi ang wika upang putulin ang tanikala ng kolonyalismo, lalo't higit na may silbi ang wika sa panahong ito.
Nahaharap ang bansa sa matitinding bigwas ng kahirapan matapos ang Edsa 1. Ngayong Agosto, ginulantang tayo ng matinding eskandalo ukol sa pork barrel ng Kongreso -- na galing sa mga buwis natin ang pondo. Sa ganang ito, malaki ang magagawa ng wikang Filipino upang masaling muli ang damdaming makabayan natin. "Umaalingasaw ang baho", 'ika nga.
Kaya't huwag lang nating iugnay ang Buwan ng Wika sa mga kultura't tradisyon ng nakaraan, bagkus ituon ang wika sa kasalukuyan patungo sa maaliwalas at masaganang kinabukasan.
No comments:
Post a Comment