Thursday, June 23, 2016

Kaisampalad ni Lilia Quindoza-Santiago

Kaisampalad
ni Lilia Quindoza-Santiago

Minsan, kapag binabanghay natin
Ang mga pandiwa ng pag-ibig,
Di ko maiwasan ang kahit paano'y manalig
Sa tinatawag na kapalaran.

Ikaw ay akin, ako ay iyo;
Pinagtagpo tayo ng tadhana.
Di maiiwasan, tayo nga talaga
Ang laan sa isa't isa.

Kahapon, halimbawa,
Nang kalagin ng iyong tula
Ang aking pangungulila,
Halos di ako makapaniwala.

Kaya ngayon, habang binibigkis ko
Ang timyas at pait ng pagmamahal,
Habang sinisikap punan ang mga pagkukulang,
Gayon nga talaga, sabi ko, gayon nga talaga.

Pagkat bukas, inaasam-asam ko
Kapit-bisig pa rin nating babagtasin
Ang lawak at lalim, ang liwanag at dilim.
Tatanda tayong magkaisampalad pa rin.

Subalit malimit din
Kapag binabaklas ko na
Ang mga walang saysay na pang-uring
Ikinatnig sa paggiliw,

Nadarama kong ako'y ako lamang,
Ikaw ay ikaw. Minsan nagsasanga ang ating landasin.
May kanya-kanyang langit tayong nais na marating,
May kanya-kanyang sariling nais na hubugin.

Kaisampalad ka sa hirap at ginhawa,
Kabalikat kita sa tamis at dusa.
Sakali mang landas natin ay magsanga,
May pag-asa kayang tayo'y magtagpo pa?

Sakali lamang, mahal, sakali lang namang
Tayo ay matulad sa maraming nag-iba,
Sana'y pisilin mo lamang ang aking palad
At tatapikin naman kita sa balikat.

No comments:

Post a Comment