Sunday, October 23, 2022

Noong unang panahon

Mahal, aking tinaga
Ang halimaw. Hindi na siya
Makauumang ng sandata.
Sinunod ko ang pasya’t
 
Habilin ng mumbaki:
“Pagdating ng lansa ng gabi,
Huwag isipin ang sarili.
Karuwaga’y iwaksi.”
 
Pagdilat ng liwanag,
Nasa kahon na’ng walang pitlag
Na mutya ng kaaway. Bakas
Nito’y wala nang dahas.
 
Narito, aking mahal
Pangako ko’y di binitiwan.
Mula sa kabilang barangay:
Ang ulo ng kaaway.
 
10/15/2010

Wednesday, June 1, 2022

๐—ฅ๐—ฒ๐˜ƒ๐—ผ๐—น๐˜‚๐˜๐—ถ๐—ผ๐—ป ๐—ถ๐—ป ๐˜๐—ต๐—ฒ ๐—”๐—ถ๐—ฟ: ๐—•๐—ผ๐—ฏ ๐——๐˜†๐—น๐—ฎ๐—ป@๐Ÿด๐Ÿญ ๐—ฃ๐—ต๐—ถ๐—น๐—ถ๐—ฝ๐—ฝ๐—ถ๐—ป๐—ฒ ๐—–๐—ผ๐—ป๐˜ƒ๐—ฒ๐—ป๐˜๐—ถ๐—ผ๐—ป ๐Ÿฎ๐Ÿฌ๐Ÿฎ๐Ÿฎ






๐—ฅ๐—ฒ๐˜ƒ๐—ผ๐—น๐˜‚๐˜๐—ถ๐—ผ๐—ป ๐—ถ๐—ป ๐˜๐—ต๐—ฒ ๐—”๐—ถ๐—ฟ: ๐—•๐—ผ๐—ฏ ๐——๐˜†๐—น๐—ฎ๐—ป@๐Ÿด๐Ÿญ ๐—ฃ๐—ต๐—ถ๐—น๐—ถ๐—ฝ๐—ฝ๐—ถ๐—ป๐—ฒ ๐—–๐—ผ๐—ป๐˜ƒ๐—ฒ๐—ป๐˜๐—ถ๐—ผ๐—ป ๐Ÿฎ๐Ÿฌ๐Ÿฎ๐Ÿฎ

Mayo 24, Martes. Muli naming idinaos ni Abet Umil ang ikalawang Bob Dylan Philippine Convention ngayong taon via Zoom. Kaiba sa biglaang Zoom meeting noong isang taon, pinili naming magkaroon ng daloy ang naging kombensyon. Nagpulong kami ng dalawang beses via Facebook Messenger call para sa programa at nag-tech check noong gabi ng Mayo 23.

Tumugon agad sa imbitasyon sina Boy Dominguez at Von Datuin na dadalo. Si Von pa nga ang nag-suggest na tawaging “Blood on the Ballots” ang convention, galing sa Dylan album na ๐‘ฉ๐’๐’๐’๐’… ๐’๐’ ๐’•๐’‰๐’† ๐‘ป๐’“๐’‚๐’„๐’Œ๐’”. Umaga naman ng Mayo 23, pinatugtog ko sa Spotify ang naturang album. “Tangled Up in Blue” agad dahil ito ang first track. ๐‘‡โ„Ž๐‘’๐‘Ÿ๐‘’ ๐‘ค๐‘Ž๐‘  ๐‘š๐‘ข๐‘ ๐‘–๐‘ ๐‘–๐‘› ๐‘กโ„Ž๐‘’ ๐‘๐‘Ž๐‘“๐‘’́๐‘  ๐‘Ž๐‘ก ๐‘›๐‘–๐‘”โ„Ž๐‘ก/๐ด๐‘›๐‘‘ ๐‘Ÿ๐‘’๐‘ฃ๐‘œ๐‘™๐‘ข๐‘ก๐‘–๐‘œ๐‘› ๐‘–๐‘› ๐‘กโ„Ž๐‘’ ๐‘Ž๐‘–๐‘Ÿ . . . Lightbulb moment! May pamagat na ang convention! 

Sayang at di nakadalo ang ilang inimbita gaya nina Mike Garcia, Fidel Rillo, Angelo Garcia, at Arnel Moje. First time namang dumalo sina Sir Bong Ramilo at Aya Jallorina. Nasa kalagitnaan na nang nakadalo sina Sir Joseph Purugganan at Lito Guarin.

Naka-log in na ako ng 7:30PM para mag-share screen at magpatugtog ng ilang Dylan performances habang naghihintay ang mga inimbitahan sa Dylan convention. Suhestiyon ni Abet na i-record ang Zoom meeting para may documentation na. Naka-set na mula 8 hanggang 11PM ang convention para marami-raming mapag-usapan. Nagkumustahan muna kami at ipinakilala ang mga sarili paano na-introduce sa mga kanta ni Dylan. Kinuwento ko na dahil sa pelikulang ๐‘ฐ’๐’Ž ๐‘ต๐’๐’• ๐‘ป๐’‰๐’†๐’“๐’† ni Todd Haynes na niregalo sa akin ng kaibigan kong si Adriano Jacinto Jr. na nasa Canada ngayon kaya ako na-hook kay Dylan.

Maitatanong: Ano ba ang silbi ni Dylan sa mga Pilipino? Siyempre, wala. Pero may madudukal sa kanyang mga kanta na pwedeng magamit bilang inspirasyon sa paglikha ng sining, sa pakikibaka sa buhay.

Bilang panimula, nag-present screen ako ng slide show na ginawa ko via Canva na nagpapakita ng ilang highlights sa buhay at musika ni Dylan. Ang pagiging Woody Guthrie fan niya at paggaya sa kanyang idolo, paglikha ng mga orihinal na awitin gamit ang folk song structures, ang “pagtatraydor” niya sa folk para maging rock star, pagbabad niya sa Americana kasama ang The Band, pagbuo niya ng Rolling Thunder Revue kasabay ng mga sigalot sa politika at lipunang Estados Unidos, born again Christian phase sa huling taon ng dekada 1970 hanggang mga unang taon ng dekada 1980, tagtuyot ng creativity niya sa halos buong dekada 1980, pagbabalik ng kanyang creative juices noong 1989 na nagresulta sa album na ๐‘ถ๐’‰ ๐‘ด๐’†๐’“๐’„๐’š, una niyang Grammy Award noong 1998 dahil sa album na ๐‘ป๐’Š๐’Ž๐’† ๐‘ถ๐’–๐’• ๐’๐’‡ ๐‘ด๐’Š๐’๐’… na lumabas nang nakaraang taon, at ang paggawad sa kanya ng Nobel Prize for Literature noong 2016. 

Para magpatuloy ang diskusyon, pinatugtog ko ang isang performance noong 1965 ni Dylan ng “It’s All Right, Ma (I’m Only Bleeding).” Ang haba ng kanta! Sabi nga ni Sir Bong, nanalo si Dylan sa Nobel hindi dahil sa music pero dahil sa poetic lyrics. May quote pa siya galing kay Dylan na sinipi ni Paul Zollo sa inedit niyang aklat na Songwriters on Songwriting: "The world doesn't need any more songs.... As a matter of fact, if nobody wrote any songs from this day on, the world ain't gonna suffer for it. Nobody cares. There's enough songs for people to listen to, if they want to listen to songs. For every man, woman and child on earth, they could be sent, probably, each of them, a hundred records, and never be repeated. There's enough songs. Unless someone's gonna come along with a pure heart and has something to say. That's a different story." 

Di lang kami napako kay Dylan. Nabanggit din sa usapan sina Joni Mitchell at Joan Baez, Beatles at Pink Floyd, pati ang mga kontemporanyong sina Adele, Taylor Swift, at maging ang Korean group na BTS. Kanya-kanyang persona sa bawat panahon. Pero si Dylan, may iba-ibang persona mula noon hanggang ngayon. Sabi nga niya sa isang press interview noong 1985, “I am Bob Dylan when I want to be Bob Dylan. Most of the time, I am me.” Pinatugtog ko ang isa sa mga kanta ni Dylan sa pinakahuli niyang album na ๐‘น๐’๐’–๐’ˆ๐’‰ ๐’‚๐’๐’… ๐‘น๐’๐’˜๐’…๐’š ๐‘พ๐’‚๐’š๐’” na lumabas noong 2020, ang “False Prophet.” Nabanggit ni Abet ang consistency ni Dylan pagdating sa lyrics mula noon hanggang ngayon lalo na sa mga linyang “I ain’t no false prophet - I’m nobody’s bride/Can’t remember when I was born and I forgot when I died.

Dahil may nakasukbit na silindro at hawak na gitara si Boy D, pinatugtog at pinakanta namin siya. Pinili niyang awitin ang “Girl from the Northern Country.” Isang magandang rendisyon! Ikinuwento niyang minsang para din siyang si Bob Dylan pero sa painting niya nilalabas. Kantyaw ni Biboy Delotavo, isa ring pintor: “Bob Dylan nga. Walang kasing chorus.” Kaya pala binansagan niyang Dadaism ang sarili niyang mga pinta. Madada kasi.

Pero kailangan natin ang mga tungkol sa dinaanan ni Dylan, madada man siya o minsan ay hindi. Sabi nga ni Sir Bong, “We come along with a pure heart with what we have to say. Lalo na sa panahong ito nang may mga nagtatangkang burahin ang kasaysayan.” 

Natapos ang gabi sa maikli at madamdaming rendisyon ni Von ng “Buckets of Rain” ni Dylan.

Thursday, May 5, 2022

SALIN: [OPINYON] Isang bukas na liham ng dalamhati mula sa anak ni Loren Legarda

[OPINYON] Isang bukas na liham ng dalamhati mula sa anak ni Loren Legarda

MAY 4, 2022 1:32 PM PHT
LORENZO LEGARDA LEVISTE
Salin sa Filipino ni Philip Rizalino


“Isang halimbawa ang aking ina kung paano pinanghahawakan ang pasismo: ginawang katanggap-tanggap, ginawang normal, madaling pinapasok sa kamalayan natin.”

 

Sinusulat ko ito ilang linggo na matapos kong malaman ang balita na ang nanay ko, si Loren Legarda, ay tumatakbo sa pangkat na pinamumunuan ng isang Marcos at isang Duterte. Ineendoso niya ang mga pasista. Ilang linggo na akong umiiyak araw-araw, humihiyaw hanggang sa lumura na ako ng dugo. Ang desisyong ginawa niya ay sukat di akalain, walang konsensya, hindi mapapatawad. Noong isang buwan, gumuho ang buong buhay ko. Higit pa ito sa isang bangungot. Hindi pa rin ako makapaniwala at hinding-hindi ko matatanggap.

Ilang linggo akong manhid sa sakit. Ngunit wala akong pagpipilian kundi ipahayag sa publiko na lubos akong naiinis sa aking ina at sa kanyang naging pagpapasya. Nasusuya ako at gusto kong mamatay. Kailangang malaman ng lahat na tuluyan nang nawalan ng anak si Loren Legarda dahil dito. Mamula siya sa kahihiyan. Huwag niyang malilimot ito. ‘Ika nga ng isang matalinong babae: Hindi ko siya kilala.

Kinailangan pang mag-post ni Ariana Grande na ng video ng isang rali para kay Leni kasama ang mga tao na kumakanta ng "Break Free" para maalala ko na may nagaganap na eleksyon. Hindi na ako nakatira sa Pilipinas mula noong ako ay 18; di pa ako nakabalik sa loob ng kalahating dekada, matagal ko nang di nakikita ang aking ina, at hindi ko alam kung sino ang tumatakbo. Nasaksihan ko ang huling anim na taon na kakila-kilabot. Ang pagkalayo ko sa Pilipinas ay isang napakalaking pribilehiyo, at nakondisyon ng napakalaking trawma na lumaki sa isang bansa na tinuturing kong may sakit, nahawahan ng historikal na amnesia at pagtanggi sa masasamang naganap noon kaya humantong ang bansa sa sandaling ito.

Tutol ako sa pagsasanormal ng pasistang pangmamaton ng estado, ng mga kasinungalingan bilang alternatibong katotohanan, ng malungkot na kasaysayan ng bansa na likhang-kwento lamang. Isang halimbawa ang aking ina kung paano pinanghahawakan ang pasismo: ginawang katanggap-tanggap, ginawang normal, madaling pinapasok sa kamalayan natin. Dapat malaman ninyo na wala siyang ideya tungkol sa bigat at samรข ng kanyang ginagawa. “Kasama ako sa tiket nila. Pasista na ako?" tanong niya, sabay na nagmamaang-maangan at nangungutya. Nabigla ako. Nabuhay ang nanay ko noong Batas Militar; naging mamamahayag siya at nagturo sa akin na pahalagahan ang katotohanan at katarungan. Ganito kadiri, di nag-iisip, at padalos-dalos ang mga taong ito. Literal na wala silang ideya kung ano ang kanilang ginagawa, ang mga taon ng karahasan at paghihirap na kanilang pinawawalan. Para sa kanya, eleksyon lang ito, hinog na panahon para sa mahihinang loob, maginhawang oportunismo. Di nila nauunawaan na ang isa pang Marcos sa pagkapangulo ay nangangahulugan ng katapusan ng lahat para sa Pilipinas. Ang hangganan ng kasaysayan, the end of history.

Ipinanganak ako noong 1990, sa anino ng mga dekada ng pananakot, pang-aapi, at katiwalian ni Marcos. Hindi talaga ako makapaniwala sa tagumpay nilang burahin sa alaala natin ang mga krimeng ito. Pakiramdam ko ay ginolpe-de-gulat ako.

Hindi dapat pagtalunan ang litanya ng mga krimen ni Marcos. Totoo ang kanilang mga kalupitan. Ang ipagdiinan pa ito ay halos nakatatawa na. Ang pagtanggi ng isang Pilipino laban sa mga katotohanang ito ay ang pagdeklara sa sarili na kaaway ng katarungan; sa libo-libong buhay at pamilya na winasak ng mga Marcos at mga Duterte; sa milyon-milyong nakikipaglaban ngayon sa mga prente para pigilan sila. Ang aking ina, si Loren Legarda, ay binastos lahat ang mga taong ito.

Ang batang Indian na makata at aktibistang si Aamir Aziz, nakaranas din ng pasistang pananakot, ay sumulat na, "Lahat ay maaalala." Pinili kong alalahanin hindi lamang ang mga krimen ng mga nasa kapangyarihan, kundi pati na rin silang mga kababayan nating nagbigay sa kanila ng kapangyarihan. Kilalanin natin ang mga nakakasalamuha nating bumoto sa kanila, at tandaan ang kanilang mga pangalan. Tandaan nating kampon sila ng kasinungalingan at isang bersyon ng kasaysayan na nag-ugat sa bastos at buktot na pambubudol. Alam na alam nila kung ano ang kanilang ibinoboto - maramihang pagpatay, malawakang pagnanakaw, ang pagpatay sa demokrasya, ang pagtatwa sa katotohanan, ang pagbaluktot ng kasaysayan - at gustong-gusto nila ito. Kapag umagos ang dugo sa mga lansangan, huwag nilang kalilimutang sila ang maysala, pulang-pula ang dugo sa kanilang mga kamay. Paalalahanan sila araw-araw. Ito ang kanilang mga krimen ngayon. Papanagutin sila sa mga krimeng ito, angkinin nila. Ipagtanggol nila.

Sobrang lungkot ko ngayon. Bwisit ang nanay ko sa pag-aaya nito. Ang kanilang mga krimen ay mga krimen niya ngayon. Ipagtanggol niya.– Rappler.com

 

Si Lorenzo Legarda Leviste ay anak ni Loren Legarda.

---------- 

Orihinal sa Ingles: https://www.rappler.com/voices/imho/opinion-open-letter-grief-loren-legarda-son/