Sumunod sa batas, kahit ito'y mali o ikaw
ni Fernando Pessoa (a.k.a. Ricardo Reis)
Sumunod sa batas, kahit ito'y mali o ikaw.
Maliit ang magagawa ng tao labas sa kanyang sarili.
Hamo na ang kawalang-katarungan.
Ang di mo mababago'y magbabago rin.
Ang kaharian mo'y ang binigay sa iyong isip,
At dito'y alipin ka ng Kapalaran at mga Diyos.
Nakapaghahari ang isip sa hangganang
Kusa ng iyong pakikiwari.
Kahit sakop doon, maipagyayabang mo pa rin
Sa iyong mga mananakop: Tadhana at mga dakilang diyos.
Hindi ka dalawang ulit na nadaig
Ng pagkatalo at pagkamedyano.
Kaya batid ko na. At ang minadaling hustisya
Na sinusubok nating ipang-ampat
Ay aking itinatakwil, tulad ng nangingialam
Na alipin, sa aking isip.
Paano ako, na hindi pinamumunuan ang sarili,
Na mamumuno o magpapasiya sa magaganap
Sa aking isip at katawan
Na isa lamang ngunit maliit na bahagi?
Hayaang kasapata'y sumapat sa akin at iba pa'y umikot
Sa nakatadhanang orbita, gaya ng pinagagalaw ng mga diyos:
Mga araw, mga gitna,
Mga alipin ng malawak na patuloy na pagbabago.
29 Enero 1921
*Salin sa Filipino ni Louise Vincent B. Amante