Friday, February 10, 2017

"Umaga" ni Arthur Rimbaud



Larawan mula sa https://i.ytimg.com/vi/wuLKvcn-c7A/maxresdefault.jpg

Umaga 
Arthur Rimbaud 

             Noong unang panahon, hindi kalugod-lugod, kaygiting, kahanga-hanga, karapat-dapat itala sa mga gintong dahon ang aking pagkabata-anong palad! Anong krimen o pagkakamali ang nagpaparusa sa akin at nagpapahina sa akin ngayon? Sa inyong mga naniniwalang lumuluha ng hapis ang mga hayop, na nagdurusa ang mga maysakit, na binabangungot ang mga patay, subukin ninyong ipaliwanag ang aking pagbagsak, at ang aking paghimbing. Hindi ko na lubusang maipaliwanag ang aking sarili higit sa isang pulubing bumibigkas ng Ama Namin at Aba Ginoong Maria. Hindi na ako makapagsalita! 

            At, ngayon, naniniwala akong nabigkas ko na ang aking impiyerno. Tunay ngang impiyerno; tunay na tunay, na ang anak ng tao ang nagbukas sa mga pinto niyon. 

            Mula sa katulad na disyerto, sa gabi ring iyon, walang hanggang nakatitig ang mga pagal kong mata-sa bituing pilak, ngunit hindi nito pinakikilos ang mga Hari ng buhay, ang tatlong mago-puso, kaluluwa, diwa. Kailan, higit sa mga bundok at ilog, natin yayakapin ang pagsilang ng mga bagong pagpupunyagi, bagong karunungan, ang paglisan ng mga tirano at demonyo, ang wakas ng mga pamahiin, at maging mga unang sasamba sa Pasko sa buong mundo! 

            Ang awit ng langit, ang pag-unlad ng mga bayan! Mga alipin, huwag sumpain ang buhay na ito.



- Salin sa Filipino ni Louise Vincent B. Amante

From:
Rimbaud, Arthur. Rimbaud Complete Volume 1: Poetry and Prose. Trans. by Wyatt Mason. New York: Modern Library, 2002. p 218.

No comments:

Post a Comment