Wednesday, February 22, 2017

"Pagbalik ng Tagsibol" ni Fernando Pessoa

Pagbalik ng Tagsibol
Fernando Pessoa (aka Alberto Caeiro)
 
Pagbalik ng Tagsibol
Marahil nilisan ko na itong daigdig.
Ngayon, gusto kong isiping tao si Tagsibol
Upang maharaya kong tumatangis siya para sa akin
Nang makita niyang wala na ang kanyang tanging kaibigan.
Ngunit ni hindi bagay ang Tagsibol:
Isa lamang itong paraan ng pagsasalita.
Maski ang mga bulaklak o mga luntiang dahon ay hindi bumabalik.
May mga bagong bulaklak, bagong luntiang dahon.
May mga bagong maaliwalas na araw.
Walang bumabalik, walang umuulit, dahil ang lahat ay tunay.

7 Nob 1915

-    Salin sa Filipino ni Louise Vincent B. Amante

22 Peb 2017 


From:
Pessoa, Fernando. Fernando Pessoa & Co.: Selected Poems. Edited and translated from the Portuguese by Richard Zenith. New York: Grove Press, 1998. p 76.

Wednesday, February 15, 2017

Tatlong Diona

1. 'Pag malayo ang tanaw

'Pag malayo ang tanaw,
Ang kamay sa sorbetes
Biglang matutunaw.

2. Nabutas ang guwantes

Nabutas ang guwantes
Na sa pobre hiningi
Kamot na lang sa testes.

3. Pagkahaplos sa bungi

Pagkahaplos sa bungi
Kita ko nang malinaw
Mga ngiping tiningi.


14 Pebrero 2017
Kalye Limotkona

Friday, February 10, 2017

"Umaga" ni Arthur Rimbaud



Larawan mula sa https://i.ytimg.com/vi/wuLKvcn-c7A/maxresdefault.jpg

Umaga 
Arthur Rimbaud 

             Noong unang panahon, hindi kalugod-lugod, kaygiting, kahanga-hanga, karapat-dapat itala sa mga gintong dahon ang aking pagkabata-anong palad! Anong krimen o pagkakamali ang nagpaparusa sa akin at nagpapahina sa akin ngayon? Sa inyong mga naniniwalang lumuluha ng hapis ang mga hayop, na nagdurusa ang mga maysakit, na binabangungot ang mga patay, subukin ninyong ipaliwanag ang aking pagbagsak, at ang aking paghimbing. Hindi ko na lubusang maipaliwanag ang aking sarili higit sa isang pulubing bumibigkas ng Ama Namin at Aba Ginoong Maria. Hindi na ako makapagsalita! 

            At, ngayon, naniniwala akong nabigkas ko na ang aking impiyerno. Tunay ngang impiyerno; tunay na tunay, na ang anak ng tao ang nagbukas sa mga pinto niyon. 

            Mula sa katulad na disyerto, sa gabi ring iyon, walang hanggang nakatitig ang mga pagal kong mata-sa bituing pilak, ngunit hindi nito pinakikilos ang mga Hari ng buhay, ang tatlong mago-puso, kaluluwa, diwa. Kailan, higit sa mga bundok at ilog, natin yayakapin ang pagsilang ng mga bagong pagpupunyagi, bagong karunungan, ang paglisan ng mga tirano at demonyo, ang wakas ng mga pamahiin, at maging mga unang sasamba sa Pasko sa buong mundo! 

            Ang awit ng langit, ang pag-unlad ng mga bayan! Mga alipin, huwag sumpain ang buhay na ito.



- Salin sa Filipino ni Louise Vincent B. Amante

From:
Rimbaud, Arthur. Rimbaud Complete Volume 1: Poetry and Prose. Trans. by Wyatt Mason. New York: Modern Library, 2002. p 218.

Saturday, February 4, 2017

Haplos sa Apoy

Nang haplusin ko ang apoy,
napasò ang aking palad.
Minsan ay bughaw
at minsan ay dilaw
                   ang ningas
na aking namamalas.
Madalas, pula ang hugis
nitong aking nasasalat.
At nang dumaiti
ang aking hintuturo
                   sa liyab,
nadama ko
ang iyong nakadadarang
na pag-irog.


4 Pebrero 2017
Lungsod Quezon

Paghanap sa Mahiwagang Himig

Hangad kong masulyapan
ang himig sa hangin
ng mahiwagang daigdig
ng iyong lawas na mahiwaga.
Kung bakit ay makasasagot
ang bawat mong galaw
at bakas patungo sa lawag 
ng mga landas
na walang ngalan.

Umaalingawngaw rito
ang mahiwagang himig.
Inaawit ang iyong mukha,
ang iyong dibdib,
ang iyong baywang,
ang iyong hita...

Sasabay ako sa iyo
sa pagtunton at pagtungtong.
Dahil naniniwala akong naroon
ang hangad kong mahanap.
Sabi ng matatanda,
sundin ko ang aking kalooban
ay masusumpungan
ko ang aking pangarap.

Lalakad, tatakbo,
aakyat, gagapang ako
kung ibig mo -- masulyapan lamang
ang himig sa hangin
ng mahiwagang daigdig
ng iyong lawas na mahiwaga.



4 Pebrero 2017
Lungsod Quezon