Monday, November 7, 2016

"Matatag sa Ulan" ni Kenji Miyazawa



Matatag sa Ulan
ni Kenji Miyazawa

Matatag sa ulan
Matatag sa ihip ng hangin
Matatag sa init ng tag-araw at lamig ng niyebe
Malusog siya’t malakas
Malaya sa pagnanasa
Di siya nagagalit
Di rin naglalaho ang kaniyang ngiti
Kumakain siya ng apat na tasa ng genmai*
Miso at ilang gulay kada araw
Inuuna niya ang iba
Kaysa kaniyang sarili
Ang kanyang talino
Ay mula sa pagmamasid at karanasan
Na palaging nasa kaniyang isip
Nananahan siya sa munting kubo
Sa lilim ng anino ng mga punong pino
Kung may batang maysakit sa silangan
Pumaparoon siya upang mag-alaga
Kung may pagal na ina sa kanluran
Pumaparoon siya at binubuhat ang kaniyang mga binigkis na palay
Kung may naghihingalo sa timog
Pumaparoon siya at nagwiwika, “Huwag matakot”
Kung may gulo at hablahan sa hilaga
Ginigiit niyang itigil ang kanilang kalokohan
Nananangis siya sa tagtuyot
Hindi siya mapalagay tuwing malamig ang tag-init
Kumag  ang turing sa kaniya ng lahat
Walang umaawit sa kaniya ng mga papuri
O dinidibdib siya

Gayong uri ng tao
Ang aking nais maging.

*genmai – pinawà, bigas na hindi pinaputi

No comments:

Post a Comment