Thursday, June 30, 2016

Pasya



Pasya

Ang batang gamugamo
ay sumuway sa ina.
S’ya’y nakihalubilo
sa lawag ng lampara.

Nasunog kanyang pakpak
pati katawa’y natupok.
Bilin ng Donya: “Anak,
‘wag sumuway sa utos.”

Ngunit si Pepe, titig
na titig sa insektong
natusta. Siya’y naakit
na maging gamugamo.


19 Hunyo 2016
Lungsod Quezon


revised:
24 Hunyo 2016
Lungsod Pasig

Grasya


Grasya 

Bago lumapat ang lapis 
Sa lawas ng papel na sulit, 
Ay! Parang hulog ng langit
Ang himig na humagupit
Sa kisame – ang mabait
Na butiking nakadikit.


24 Hunyo 2016
Lungsod Pasig

Thursday, June 23, 2016

Kaisampalad ni Lilia Quindoza-Santiago

Kaisampalad
ni Lilia Quindoza-Santiago

Minsan, kapag binabanghay natin
Ang mga pandiwa ng pag-ibig,
Di ko maiwasan ang kahit paano'y manalig
Sa tinatawag na kapalaran.

Ikaw ay akin, ako ay iyo;
Pinagtagpo tayo ng tadhana.
Di maiiwasan, tayo nga talaga
Ang laan sa isa't isa.

Kahapon, halimbawa,
Nang kalagin ng iyong tula
Ang aking pangungulila,
Halos di ako makapaniwala.

Kaya ngayon, habang binibigkis ko
Ang timyas at pait ng pagmamahal,
Habang sinisikap punan ang mga pagkukulang,
Gayon nga talaga, sabi ko, gayon nga talaga.

Pagkat bukas, inaasam-asam ko
Kapit-bisig pa rin nating babagtasin
Ang lawak at lalim, ang liwanag at dilim.
Tatanda tayong magkaisampalad pa rin.

Subalit malimit din
Kapag binabaklas ko na
Ang mga walang saysay na pang-uring
Ikinatnig sa paggiliw,

Nadarama kong ako'y ako lamang,
Ikaw ay ikaw. Minsan nagsasanga ang ating landasin.
May kanya-kanyang langit tayong nais na marating,
May kanya-kanyang sariling nais na hubugin.

Kaisampalad ka sa hirap at ginhawa,
Kabalikat kita sa tamis at dusa.
Sakali mang landas natin ay magsanga,
May pag-asa kayang tayo'y magtagpo pa?

Sakali lamang, mahal, sakali lang namang
Tayo ay matulad sa maraming nag-iba,
Sana'y pisilin mo lamang ang aking palad
At tatapikin naman kita sa balikat.

Thursday, June 2, 2016

Ang Pagkatay

Ay gawaing mani lamang sa matadero.
May sistema siyang sinusunod.
Maswerte ang mga baboy sa kanya.
Ganito: hahatakin niya ang baboy
mula sa kulungan. Susunod naman
ang kawawang hayop. Sa isang iglap,
hinataw ng matadero ang ulo ng baboy.
Nabuwal saka nanigas ang katawan.
Isusuot sa ulo ng baboy ang isang timba
saka gigilitan ang leeg para masahod
ang dugo ng pinaslang na hayop.
Magpupumiglas ang mga paa nito
hanggang sa hindi na gumalaw.
Ibababad sa kumukulong tubig
saka kakayasin ang balat ng baboy.
Isasabit, bibiyakin ang tiyan, aalisin
ang lamang-loob, pupugutan ng ulo.
(Kung lilitsunin, aba,
maswerteng baboy iyan.)
Laging magpasalamat sa matadero
'pagkat lagi niyang tinutupad
ang tadhana ng mga baboy na makatay.


2 Hunyo 2016