Wednesday, January 6, 2016

Oda sa aking Electronic Typewriter

Oda sa aking Electronic Typewriter

Alam mong minsan na lang tayo magkita.
Hindi na kasi regular ang pag-uwi ko sa bahay,
lalo na ang pagtulog ko sa sariling kuwarto.
Kaya nakukumutan ka na ng makapal
na alikabok, tulad ng sa sahig at iba pang
mga kapwa mo personal kong gamit.
Kapag nagkita tayo, alam mong nakita kita.
Pero hindi kita pinapansin tulad nang dati.
Ilang gabi ng mga semestre ko sa kolehiyo
ang naging pagpupuyat natin?
Ako: umiinom ng kape, ngumunguya ng mani.
Ikaw: sinusubuan ko ng mga papel na short bond,
iluluwa ito na may bahid ng aking mga salita.
Marami-rami rin iyon. Nakaipit sa mga folder
na nasa mesa ko, katabi mo. Bihira ko nang buklatin
ang mga iyon, pero kapag ginawa ko, nakalimbag
sa gunita ang mahabang oras na binuno natin
para lamang sa isang pahinang sulatin.
Bumabalik lahat ang naganap -- ang pag-ikot
ng iyong daisy wheel, ang pagdiin nito sa papel
na nakaikot sa platen, ang iyong takatak,
ang panlalabo ng ribbon at ng display, ang brownout...
Kaya ngayong pinupunasan ko ang iyong katawan,
tinitipa-tipa ko ang mga letra mong noon
ay nagsimulang bumuo sa aking ngayon.


6 Enero 2016

No comments:

Post a Comment