Mga Pagmumuni-muni mula sa Itaas, Gitna, Ilalim, at Gilid-gilid na Aspekto ng mga Bagay/ Thoughts from the Above, Middle, Under, and Marginalized side of Things
Monday, January 19, 2015
Pope Francis sa Pilipinas, 15-19 Enero 2015
Habang sinusulat ko ito'y pauwi na siya sa Roma. Mula sa kanyang pagdating hanggang kanina, punong-puno ng mananampalataya ang mga kalsadang kanyang dinaanan hanggang sa mga lugar ng pagtitipon kasama siya. "Rockstar" ang dating, 'ika nga ng mga pahayagan.
Subalit hindi siya naparito para lang sa ganoong bansag. Narito siya upang makapiling ng mga Pilipino sa panahong ito ng sigalot dulot ng mga kalamidad, gawa man ng kalikasan at ng mga institusyong nakaligtaan nang magsilbi sa tao. Sana'y tumimo sa isip ng maraming Pilipino ang kanyang mga mensahe ukol sa pagiging mabuting Katoliko. At hindi lang ito tungkol sa mga dati nang halagahan (value) tulad ng pag-ibig sa kapwa at sa Diyos. Dahil kahit patay na ang henerasyong ito, hindi mabubura ang pag-ibig bilang dakilang halagahan na dapat taglayin ng tao. Sabi nga niya sa kanyang pakikipagkita sa kabataang Pilipino kahapon sa Unibersidad ng Santo Tomas, "Reality is superior to ideas."
Na ang Simbahan, kaisa ng mga mananampalataya, ay dapat pagtuunan ng pansin ang mga nagaganap sa paligid. Hindi eternal ang mga kondisyong panlipunan. Materyal na mga pangyayari ito. Ginusto ba ng tao na maghirap para lang makakain? Ginusto ba niya na magnakaw? Ginusto ba niyang pumatay? May mga kondisyong nagtutulak nito sa kanya dahil may mga tao rin na nagpapatupad ng mga ito. Isa pa niyang sinabi noong nasa MalacaƱang siya noong 20 Enero, "Reject all forms of corruption which diverts resources from the poor."
Malinaw ang mensahe. Ngunit kung papasok lang ito sa kanang tainga at tatagos sa kaliwa ng mga nakasalamuha ng Santo Papa sa Palasyo, iba na ang kailangang gawin. Kahit si Luis Antonio Cardinal Tagle, alam ang tunay na pakay ni Pope Francis. "The Filipino want to go with you... to the peripheries." At ang mga nakauunawa nito ang tutupad sa mga sinabi ni Pope Francis nitong nakaraang mga araw.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment