Tuesday, September 19, 2023

Hindi pamamaalam ang paglisan

Hindi pamamaalam ang paglisan
Hindi pamamaalam ang paglisan.
Iyan ang aking natatandaan
mula pa nang iwan ako ng aking alaala.
Sumakay ito ng bangka,
sinagupa ang mararahas na alon,
nakarating sa papalubog na araw,
namahinga sa piling ng kaylamig na gabi.
Ako naman, pabiling-biling
sa higaan, nakapagkit ang mga mata
sa kumukurap na kisame.
Isang araw, tinungo ko ang dagat.
Bumabati ang mga unang silahis
ng umaahong araw.
Humahalik sa mga paa
ko ang mabibining alon ng aking anino.
 

09/19/2012

Monday, August 21, 2023

Mga Diona Alay kay Supremo 3 (Tulaan sa Facebook 2013 ng LIRA)

Mga Diona Alay kay Supremo 3 (Tulaan sa Facebook 2013 ng LIRA)
*Naisalba mulang Facebook Notes. Isang feature ng Facebook na itinigil noong Oktubre 2020
5. Gulok
sa hurno ipinasok
bakal na galing bundok;
sagisag na pantubos.
 
8/21/2013
 
6. Sunog
 
Nagsimula sa tuldok
na diklap; pagkatapos,
kolonyalismo'y tupok.
 
09/03/2013
 
7. Yapak
 
Paa mo'y nakalapat
Sa lupa; mga yapak
mo'y daanan kong payak.
 
09/08/2013
 
8. Istratehiyang Katipunero
 
Ang pagtaas ng gulok
at pagsigaw ng "Sugod",
pinag-isipang bug-os.
 
09/10/2013

Sunday, February 26, 2023

"Ating mga Martir" ni Alice Walker

Larawan mula sa https://ffrf.org/ftod-cr/item/14196-alice-walker

Ating mga Martir
ni Alice Walker

Kapag ang taumbayan
ay nagwagi
maliit man
o malaki
di ka ba nagtataka
kung nasaan kaya
ang mga martir?
Silang inalay
ang sarili
upang mabuhay
ang isang bagay na walang nakaaalam
bagaman higit na matimbang
kaysa kanilang dugo.
Nais kong isiping
umaaligid sila sa itaas natin
saanmang nagtitipon tayo
upang manangis at magalak;
ngumiti at humalakhak,
katunaya’y umaapir pa nga
sa tuwa.
Natuyo na’ng kanilang dugo
at naging mga talulot ng rosas.
Hindi lamang luha 
ang dumadaloy sa iyong pisngi
kundi ang mga ito.
Hindi nanghihinayang ang mga martir
sa kanilang mga ginampanan 
nang gampanan ang mga ito.
Kahanga-hanga ring
hindi sila sumimangot.
Napakamahiwagang
nananatili silang
sa itaas natin
katabi natin
nasasaatin;
paanong naging mga sinag sila
ng bukang-liwayway
at maipagmamalaki.

Salin sa Filipino ni Louise Vincent B. Amante
26 Pebrero 2022