[OPINYON] Isang bukas na liham ng dalamhati mula sa anak ni Loren Legarda
MAY 4, 2022 1:32 PM PHT
LORENZO LEGARDA LEVISTE
Salin sa Filipino ni Philip Rizalino
“Isang halimbawa ang
aking ina kung paano pinanghahawakan ang pasismo: ginawang katanggap-tanggap,
ginawang normal, madaling pinapasok sa kamalayan natin.”
Sinusulat ko ito ilang
linggo na matapos kong malaman ang balita na ang nanay ko, si Loren Legarda, ay
tumatakbo sa pangkat na pinamumunuan ng isang Marcos at isang Duterte.
Ineendoso niya ang mga pasista. Ilang linggo na akong umiiyak araw-araw,
humihiyaw hanggang sa lumura na ako ng dugo. Ang desisyong ginawa niya ay sukat
di akalain, walang konsensya, hindi mapapatawad. Noong isang buwan, gumuho ang
buong buhay ko. Higit pa ito sa isang bangungot. Hindi pa rin ako makapaniwala
at hinding-hindi ko matatanggap.
Ilang linggo akong manhid sa sakit. Ngunit wala akong pagpipilian kundi ipahayag sa publiko na lubos akong naiinis sa aking ina at sa kanyang naging pagpapasya. Nasusuya ako at gusto kong mamatay. Kailangang malaman ng lahat na tuluyan nang nawalan ng anak si Loren Legarda dahil dito. Mamula siya sa kahihiyan. Huwag niyang malilimot ito. ‘Ika nga ng isang matalinong babae: Hindi ko siya kilala.
Kinailangan pang mag-post ni Ariana Grande na ng video ng isang rali para kay Leni kasama ang mga tao na kumakanta ng "Break Free" para maalala ko na may nagaganap na eleksyon. Hindi na ako nakatira sa Pilipinas mula noong ako ay 18; di pa ako nakabalik sa loob ng kalahating dekada, matagal ko nang di nakikita ang aking ina, at hindi ko alam kung sino ang tumatakbo. Nasaksihan ko ang huling anim na taon na kakila-kilabot. Ang pagkalayo ko sa Pilipinas ay isang napakalaking pribilehiyo, at nakondisyon ng napakalaking trawma na lumaki sa isang bansa na tinuturing kong may sakit, nahawahan ng historikal na amnesia at pagtanggi sa masasamang naganap noon kaya humantong ang bansa sa sandaling ito.
Tutol ako sa pagsasanormal ng pasistang pangmamaton ng estado, ng mga kasinungalingan bilang alternatibong katotohanan, ng malungkot na kasaysayan ng bansa na likhang-kwento lamang. Isang halimbawa ang aking ina kung paano pinanghahawakan ang pasismo: ginawang katanggap-tanggap, ginawang normal, madaling pinapasok sa kamalayan natin. Dapat malaman ninyo na wala siyang ideya tungkol sa bigat at samâ ng kanyang ginagawa. “Kasama ako sa tiket nila. Pasista na ako?" tanong niya, sabay na nagmamaang-maangan at nangungutya. Nabigla ako. Nabuhay ang nanay ko noong Batas Militar; naging mamamahayag siya at nagturo sa akin na pahalagahan ang katotohanan at katarungan. Ganito kadiri, di nag-iisip, at padalos-dalos ang mga taong ito. Literal na wala silang ideya kung ano ang kanilang ginagawa, ang mga taon ng karahasan at paghihirap na kanilang pinawawalan. Para sa kanya, eleksyon lang ito, hinog na panahon para sa mahihinang loob, maginhawang oportunismo. Di nila nauunawaan na ang isa pang Marcos sa pagkapangulo ay nangangahulugan ng katapusan ng lahat para sa Pilipinas. Ang hangganan ng kasaysayan, the end of history.
Ipinanganak ako noong 1990, sa anino ng mga dekada ng pananakot, pang-aapi, at katiwalian ni Marcos. Hindi talaga ako makapaniwala sa tagumpay nilang burahin sa alaala natin ang mga krimeng ito. Pakiramdam ko ay ginolpe-de-gulat ako.
Hindi dapat pagtalunan ang litanya ng mga krimen ni Marcos. Totoo ang kanilang mga kalupitan. Ang ipagdiinan pa ito ay halos nakatatawa na. Ang pagtanggi ng isang Pilipino laban sa mga katotohanang ito ay ang pagdeklara sa sarili na kaaway ng katarungan; sa libo-libong buhay at pamilya na winasak ng mga Marcos at mga Duterte; sa milyon-milyong nakikipaglaban ngayon sa mga prente para pigilan sila. Ang aking ina, si Loren Legarda, ay binastos lahat ang mga taong ito.
Ang batang Indian na makata at aktibistang si Aamir Aziz, nakaranas din ng pasistang pananakot, ay sumulat na, "Lahat ay maaalala." Pinili kong alalahanin hindi lamang ang mga krimen ng mga nasa kapangyarihan, kundi pati na rin silang mga kababayan nating nagbigay sa kanila ng kapangyarihan. Kilalanin natin ang mga nakakasalamuha nating bumoto sa kanila, at tandaan ang kanilang mga pangalan. Tandaan nating kampon sila ng kasinungalingan at isang bersyon ng kasaysayan na nag-ugat sa bastos at buktot na pambubudol. Alam na alam nila kung ano ang kanilang ibinoboto - maramihang pagpatay, malawakang pagnanakaw, ang pagpatay sa demokrasya, ang pagtatwa sa katotohanan, ang pagbaluktot ng kasaysayan - at gustong-gusto nila ito. Kapag umagos ang dugo sa mga lansangan, huwag nilang kalilimutang sila ang maysala, pulang-pula ang dugo sa kanilang mga kamay. Paalalahanan sila araw-araw. Ito ang kanilang mga krimen ngayon. Papanagutin sila sa mga krimeng ito, angkinin nila. Ipagtanggol nila.
Sobrang lungkot ko ngayon. Bwisit ang nanay ko sa pag-aaya nito. Ang kanilang mga krimen ay mga krimen niya ngayon. Ipagtanggol niya.– Rappler.com
Si Lorenzo Legarda
Leviste ay anak ni Loren Legarda.
----------
Orihinal sa Ingles: