Thursday, April 22, 2021

Tatlong Tanaga

Tatlong Tanaga
Louise Vincent B. Amante

1. 𝗠𝗮𝗹𝗶𝗹𝗶𝗶𝘁 𝗻𝗮 𝗕𝗮𝗴𝗮𝘆
Maliliit na bagay
na kapag hinayaan,
lumalaking tunay
na sa iyo'y papatay.

2. 𝗞𝗮𝗮𝗿𝗮𝘄𝗮𝗻
Pansit, puto, menudo . . .
Hapag-kainang puno
Sa biyaya ng lupa,
Santaong tiniyaga.

3. 𝗕𝗶𝗴𝗹𝗮
Dumilat na'ng bombilya
Sa poste. Isang saglit,
Kumidlat. Napapikit
Ang dumilat kanina.


21 Marso 2021
Lungsod Quezon

Monday, April 19, 2021

Tungkol sa Community Pantry at Pagsasalin

Dumarami na ang community pantries sa Luzon, na inaasahang bubukal din sa buong Pilipinas. Ayon kay Dr. Aurora E. Batnag*, magandang isalin bilang 𝘱𝘢𝘮𝘪𝘯𝘨𝘨𝘢𝘭𝘢𝘯 𝘯𝘨 𝘣𝘢𝘺𝘢𝘯. Dagdag naman ni Dr. Antonio P. Contreras**, mahusay din ang salin na 𝘩𝘢𝘱𝘢𝘨 𝘯𝘨 𝘣𝘢𝘺𝘢𝘯.

Tutungo na ang dalawang halimbawang salin sa mga diskurso ng pagsasaling-wika.
Dahil sa mga community pantry at posts nina Ma'am Batnag at Sir Tonton, naalala ko ang isang salingtula ni Fr. Albert E. Alejo, S.J. Mula ito sa antolohiyang 𝘎𝘢𝘭𝘪𝘢𝘯 6 (1985). Nais ko lamang ibahagi sa inyong lahat ang tula.

Thursday, April 1, 2021

Isip-lugaw

Isip-lugaw
ni Louise Vincent B. Amante

Galit na galit sila sa babaeng binansagan nilang lugaw mag-isip. Nang tumakbo kasi siya noong eleksyong 2016, nagbenta ng lugaw ang kanyang team para mapondohan ang kanyang kampanya.

Teka, ano ba'ng meron sa lugaw?

Sa kaserola, ginisa ang bawang, luya, at sibuyas na puti; dinagdagan ng bahaw, hinalong parang nagsasangag. Saka ibinuhos ang tubig para magkasabaw. Hinalo ulit hanggang sa lumapot ito. Binudburan ng asin, pwede ring patis. Mas masarap kapag may nilagang itlog. Budbod uli ng pinritong bawang at dahon ng sibuyas.

Madali namang lutuin lugaw. Kapag ibinenta, mura lang ang presyo. Ang isang taong gutom, makakabili agad nito. Kaya umusbong ang sawikaing tubong-lugaw. Mura ang puhunan, malaki ang kita.

Lugaw din ang ipinakakain sa isang maysakit. Pampainit din ito ng sikmura habang naghihintay sa ospital kung ang kanyang dinalang kaanak na nilalapatan ng lunas ay makauuwi o iko-confine.

Ngunit kung ang lugaw ay malabnaw, maiinis kang kainin ito. Halatang minadali ang pagluluto. Gin-short cut ang proseso. Kahit inumin mo na ang mangkok, napipilitan ka na lang na ubusin ito.

Laman ng social media ang isang video ng food delivery rider na pinigil ng mga nakabantay na barangay tanod. Ide-deliver niya ang lugaw sa isang residente ng barangay. Sabi ng tanod, hindi na siya maaaring pumasok sa barangay dahil curfew na ng ala-sais ng gabi. Nasa enhanced community quarantine ang tinawag na NCR plus: National Capital Region kasama ang mga lalawigan ng Bulacan, Rizal, Cavite, at Laguna. May curfew pa simula Marso 29 hanggang Abril 4, ala-sais ng gabi hanggang ala-singko ng madaling-araw. Ito'y dahil sa tumaas muli ang mga kaso ng Covid-19 dito.

Sinabi ng rider na pagkain ang dala niya. Sabi ng tanod, hindi essential na pagkain ang lugaw. "Mabubuhay ang tao kahit walang lugawAng essential, tubig, gatas, grocery.Idinahilan ng rider na pagkain ang lugaw. Ipinilit ng tanod ang rason niya, sabay pakita ng listahan na kung alin ang essential goods.

Humirit pa ang isang opisyal na tama lang ang ginawa ng tanod. "Hindi essential SI LUGAW." Halata namang ang pinatutungkulan ay ang babaeng opisyal binansagan nila ng gayon nga. Pero di nila nakikita ang mga sarili na palpak sa mahigit isang taong remedyo sa pagsupil sa Covid-19. At ang sinisi ay ang mga taong nagkakasakit na't napipilitang kumayod pa rin para hindi sila mamatay nang dilat ang mata.

Ano nga uli ang isip-lugaw? Kapag walang sentido komun ang isang tao, ipipilit niya ang rason niyang nakatungtong sa malabnaw niyang isip.