Monday, July 30, 2018

Dalawang Tula

Panaginip*

Nagising akong wala 
ka sa aking tabi. 
At naging basag na salamin
ang ating higaan.

Dagli akong bumangon. 
Inapuhap ka sa labas ng bahay. 

Nilakad ko ang kalsadang 
puno ng makikintab na bubog.

Nakarating ako sa kalapit na ilog. 
Nagniningning ang mga basag nitong alon.

At naroon ka sa kabilang pampang. 
Nais kitang tawagin, abutin. 

Ngunit nabasag ang aking tinig.


12/03/2010
*orihinal na multiply post, 8 December 2010, 2:27PM


Paggising**

Paggising ko, 

wala ka na sa aking tabi. 
Pinagpapawisan ako nang malamig.

Basag ang liwanag
mula sa poste sa labas. 

Sumusugat sa aking paningin 
ang ilang piraso 
ng basag
                na salamin
ng tokador.


12/03/2010
**orihinal na multiply post, 8 December 2010, 2:27PM
nirebisa: 28 Hulyo 2018

Thursday, July 26, 2018

"Awit ng Umaga" ni Sylvia Plath

Si Sylvia Plath kasama ang kanyang mga anak na sina Frieda at Nicholas. 
Larawan mula sa https://www.thetimes.co.uk/imageserver/image/methode%2Ftimes%2Fprod%2Fweb%2Fbin%2F51220390-2c60-11e8-b7e0-bf91416644a6.jpg?crop=768%2C432%2C0%2C40&resize=685 

Awit ng Umaga
ni Sylvia Plath

Pinaiinog ka ng pag-ibig tulad ng isang mataba, gintong relo.
Hinampas ng komadrona ang iyong mga talampakan, at ang kalbo mong iyak
Ay dumikit sa lahat ng elemento.

Umaalingawngaw ating mga tinig, isinisigaw ang iyong pagdating. Bagong estatwa.
Sa isang kaylamig na museo, kahubdan mo’y
Anino sa ating kaligtasan. Tila tayo mga pader sa pagkakatindig.

Hindi ako ang iyong ina
Higit pa sa ulap na parang salamin sa pag-aninag sa sariling pag-usad
Sa tulak ng kamay ng hangin.

Buong gabi ang mariposa mong hininga
Ay sumasayaw sa mga kalimbahing rosas. Gumising ako para makinig:
Nasa tainga ko ang wika ng isang malayong dagat.

Isang uha, natumba ako sa kama, mabigat ang gatas at mabulaklak
Sa aking Victorian nightgown.
Sinlinis ng nakabuka mong bibig ang sa pusa. Ang kuwadrong bintana’y

Namumuti at nilulunok ang mga naghihingalong bituin nito. At sinusubok mo ngayon
Ang ilan mong kalatas;
Ang malilinaw na patinig ay umalagwang tulad ng mga lobo.

26 Hulyo 2018
Salin ni Louise Vincent B. Amante


Mula sa:

Plath, Sylvia. The Collected Poems. Introduction and edited by Ted Hughes. New York: Harper Perennial, 1992. 156-157.