Sunday, September 24, 2017

Magngangalit ang pagbagsak ng ulan, Kas

Magngangalit ang pagbagsak ng ulan, Kas
ni Louise Vincent B. Amante

Magngangalit ang pagbagsak ng ulan, Kas.
Ngayo'y ikaapat na Lunes ng buwang Hulyo.

Nakaraang buwan pa nang magsimula
Tayong lahat na maglakad mula porbinsyang
Nakapaligid sa sentrong Maynila.
Nakitulog tayo sa piling ng mga kalsada't

Landas na maalikabok. Silong nati'y
Tagpi-tagping telang naghuhumiyaw

Sa ating mga hinaing na hiling
Pa ng ating mga lolo't lola,
maging sa tuhod 
at talampakan;
Naipasa sa ating mga ama at ina
At tayo ngayon ang nagsasatinig.
Pudpod na ang aking Check Taylor's
Ngunit halos patay na ang iyong mga kuko

Sa paa sa pag-akyat ng mga puno ng niyog
At paninimbang sa mga pilapil.


Magngangalit ang pagbagsak ng ulan, Kas.
Ngayo'y ikaapat na Lunes ng buwang Hulyo.

Nakapagluto na sina Aling Mercy at Tata Greg,

Salamat sa mga nag-aabot na estudyante
Ng kolehiyo. Salamat din kay Ka Tonyo

At Ka Myrna, mga lider na nagpalakas
Ng ating loob na tayong mga nasa kanayunan
Ang dapat na makapangyari. Salamat

Kay Prop. Neil na nagbahagi na higit pa
Sa apat na sulok ng silid-aralan
Ang matututuhan mula sa aming piling.
Bawat ginigiling ng ating mga bituka
Ay may nagpawis sa tirik na araw.


Magngangalit ang pagbagsak ng ulan, Kas.
Ngayo'y ikaapat na Lunes ng buwang Hulyo.
Mula sa kampuhan, nagmamartsa tayo patungo
Roon sa bulwagan ng mga nakabarong at ternong
Makukulay, magagara. Nagniningning sa brilyante't
Esmeralda. Suot nati'y halos maging basahan na
Sa sahig, isasampay na lang sa bakod. Haharangan
Pa tayo ng mga de bota't de yantok at de kalasag.
Mga tagapamayapa? Di ba't siglo nang hindi natin
Naaamoy ang samyo ng kapayapaan?

Ngunit naisasaulo ng ating ilong ang sanghaya

Ng nasusunog na mga halimaw na papel.

Magngangalit ang pagbagsak ng ulan, Kas.
Ngayo'y ikaapat na Lunes ng buwang Hulyo.

Alam na natin ang sasabihin ng tatayo sa harap
Ng grandiyosong bulwagan. Batid na rin niya
Ang kanyang pagtataksil sa ating lahat:
Na naririto't nasa labas ng bulwagan ng mamamayan.


23 Hulyo 2017
Angono, Rizal

Wednesday, September 20, 2017

Plate Number

Plate Number
ni Louise Vincent B. Amante

Isang kuting
Maingat na tumatawid
Sa kalsada
Humaharurot ang kotse
Sa kanang direksyon
Sapul ang kuting
Nangingisay
Nakabuka ang bibig
Mula sa bungo
Ng hayop
Napaliguan ng dugo
Ang mainit na kalsada
Nakunan ng cctv
Ang pangyayari
Ang plaka ng kotse
PDU 301




18 Setyembre 2017