Let It Bitels
ni Louise Vincent B. Amante
Napansin ni G. Leandro na nahihirapang makabasa sa Ingles ang mga mag-aaral niyang Tsino. Bagaman nakapagsasalita sila kahit paano, pagdating sa pagbabasa'y halos kalahating oras ang inaabot sa dalawa-tatlong talatang pabula ni Esopo na ipinababasa niya sa kanila.
Hindi niya ginagamit ang nakahanda nang set ng readings. Ibinigay ang set sa kanya ng coordinator ng English for Chinese program para gamitin sa pagtuturo ay maiikling kuwentong mula sa Estados Unidos. Mahuhusay na halimbawa naman ang nasa set at madadaling unawain ngunit para sa mga Tsinong ito, ang pagbabasa ng nasa set ay tulad ng pagtawid sa alambre ng mga baguhan pa lamang. Kaya pinili ni G. Leandro na ang mga pabula ni Esopo ang ipabasa sa mga mag-aaral niyang Tsino.
Dalawang linggo na ang pero lumipas. Dalawang linggo na lang ang natitira sa programa. Madali naman ang mga pabula ni Esopo. Pero halos lutang ang isip ng mga Tsino kapag nagtatanong na siya ukol sa kanilang binasa. Paano na ito? Naisip ni G. Leandro kinagabihan ang isa pang solusyon.
Ngayon, sa klase, ikinabit niya ang VGA cord ng multimedia projector sa kanyang netbook. Lumabas sa projection screen ang apat na lalaki: naka-suit at moptop ang kanilang gupit.
"Ow, da Bitels!" sabi ng isang Tsinong mag-aaral.
At tumugtog na mula sa bluetooth speaker ang pamilyar na tugtog ng grupo.
Love, love me do
You know I love you
I'll always be true
So please... love me do
Oh-ho, love me do
At naging isang masayang English for Chinese class ni G. Leandro ang karaoke session na iyon. Bukas, gagamitin naman niya ang kanta ni Bob Dylan.
15 Hunyo 2017
Lungsod Quezon
Mga Pagmumuni-muni mula sa Itaas, Gitna, Ilalim, at Gilid-gilid na Aspekto ng mga Bagay/ Thoughts from the Above, Middle, Under, and Marginalized side of Things
Saturday, July 15, 2017
Thursday, July 6, 2017
Karera ng mga Bituin
Larawan mula sa: https://qph.ec.quoracdn.net/main-qimg-0c87ab099771532e0da233d7c893354c-c |
Karera ng mga Bituin
ni Louise Vincent B. Amante
Nagkarerahan ang mga bituin
upang makarating
sa ating paningin.
Nag-aagaw-liwanag
pa lamang nang tayo'y tumingala
sa indigong langit.
"Hayun, ang Venus!"
"Di ba sa umaga lang iyon?"
Inaabangan pa natin
ang pagdating ni Orion
at ni Cassiopeia.
Ngunit nagbabanta na ang sinturon
ni Tatay na hawak ni Nanay.
Kaya umuwi tayo sa sarili
nating mga bahay na parang namatayan.
Mga musmos tayo noon.
Saka na lang natin malalamang
bilyong taon nang natapos
ang karera ng mga bituin.
6 Hulyo 2017
Lungsod Pasig
Subscribe to:
Posts (Atom)