Pag-ibig sa Unang Sulyap
ni Wislawa Szymborska
Kapwa sila naniniwalang
isang biglaang buhos ng damdamin ang
nagbibigkis sa kanila.
Kayganda ng katiyakan,
ngunit higit na maganda ang
pag-aalinlangan.
Sapagkat hindi nila kilala ang isa’t
isa noon, akala nila’y
walang nagaganap sa kanilang dalawa.
Ano na ang mga lansangan, hagdanan,
at mga pasilyong
kanilang pinagsalubungan noon-noon
pa?
Nais ko silang tanungin
kung kanilang maalala— marahil sa isang
puerta giratoria
nagtagpo sila’t nagkatinginan?
isang “excuse me po” sa gitna ng mga
tao
o isang sagot na “mali po kayo nang
nai-dial” sa telepono.
Subalit alam ko ang kanilang tugon:
hindi, hindi nila maalala.
Higit silang mamamanghang
mabatid na noon pa’y
pinaglalaruan na sila ng pagkakataon.
Kahit na hindi pa handang
pagtagpuin sila ng tadhana,
lumapit ito sa kanila, pagdaka’y
umatras,
humarang sa kanilang daanan
at, habang iniipit ang kanyang
hagikgik,
sadyang tumabi.
May mga tanda, senyal:
ngunit ano kung hindi naman ito
mawari.
Marahil tatlong taon na’ng lumipas,
o noong Martes
may isang polyetong
dumapo’t nagpanagpo sa kanilang mga
balikat?
May kung ano’t nawala’t nasumpungan.
Sino’ng nakaaalam ngunit iyon ay
isang bolang
nasa likod ng palumpong ng
kamusmusan.
May mga seradura’t kampanilyang
kanina’y
nagdampian at muling nagdadampian.
Mga magkakatabing bag sa silid-maleta.
Marahil magkakatulad sila ng mga
panaginip minsan isang gabi
na agad-agad nabubura pagkagising.
Bawat simula
ay pagpapatuloy lamang,
at ang aklat ng mga pangyayari
ay hindi lubusang nakabuklat.
Salin sa Filipino ni Louise Vincent B. Amante